Tukso at problema sa Simbahang Katolika
 

'Father's day'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 
Ipinagdiwang noong Hunyo 15 ang kinaugaliang Araw ng mga Ama o Father's Day. Ngunit bukod sa tradisyunal na ama ng tahanan, sentro ng pag-uusap ang mga pari dahil sa kontrobersyang kinakaharap ng dalawa sa kanila.

Sila ay sina Crisostomo Yalung, dating obispo ng Diosesis ng Antipolo, at Obispo Teodoro Bacani Jr. ng Diosesis ng Novaliches. Kapwa sila nahaharap sa kontrobersya dahil sa pakikipagrelasyon umano sa babae na siyang ipinagbabawal ng batas ng Simbahang Katolika.

Sa Batas Canon bilang 277 ng Simbahan, nakasaad: "Clerics are obliged to observe perfect and perpetual continence and are therefore obliged to observe chastity."

Pinagbitiw ng Simbahan si Yalung noong Nobyembre. Unang napaulat na nagtungo siya sa Amerika matapos mabunyag na naanakan niya ang isang babae. Ngunit nadiskubre kamakailan na itinatago ng Simbahan si Yalung sa Roma, at doon nagtatrabaho bilang tagapamahala ng aklatan ng Vaticano.

Humingi ng tawad si Yalung sa kanyang nagawa. Aniya: "Nagkamali ako at bilang tugon, humihingi ako ng kapatawaran sa Dios at pang-unawa sa mga tao."

Sagot ni "Christine," (di-tunay na pangalan) ang babaeng ina ng anak ni Yalung at nagdadalantao sa pangalawa niyang supling, walang kasalanan ang dating obispo. Anang babae, ang tanging pagkakamali ni Yalung ay nakipagrelasyon ang obispo sa kanya.

***

Tanghali nitong Lunes, Hunyo 16, nang isugod sa isang ospital sa Kalakhang Maynila si Christine. Kabuwanan ni Christine ngayong Hunyo. Tulad ng lahat ng babae na nakatakdang manganak, bakas sa mukha ni Christine ang pinaghalong saya at pangamba.

Ayon sa doktor, sa pamamagitan ng operasyong caesarian iluluwal ang sanggol. Pero hindi pangkaraniwan ang sanggol na magmumula kay Christine dahil ang ama ng bata ay obispo ng Simbahang Katolika.

Siya si Obispo Crisostomo Yalung, isa sa mga tanyag na iskolar at pinuno ng Simbahan. Dati siyang obispo sa Diosesis ng Antipolo.

Ngunit taliwas sa karaniwang eksena ng panganganak, wala ang ama sa pagsilan ng kanyang supling. Ipinadala sa ibang bansa si Yalung mula nang pumutok ang eskandalo sa diosesis.


Isa lang si Yalung sa mga mukha na hindi nakikita sa malalim na kasaysayan ng Simbahan. Sila ang mga mukha na matagal itinago sa dilim, mga mukhang hindi ipinapakita ng Simbahan at kung minsan, mga mukha na ayaw harapin ng ordinaryong tao.

Nakapanayam ng The CORRESPONDENTS si Christine noong Hunyo 12, ilang araw bago ang kaarawan ng kanyang panganganak.

Tangan pa niya ang isang taong gulang na paslit. Ani Christine, ang bata ang panganay nila ni Yalung. Ilang araw bago ang naturang panayam, katatapos lang ng unang kaarawan ng bata.

Mayroong palayaw na "Mo" ang bata. Anang babae, hango ito mula sa pangalan ng ama. Sabi ng babae, magkamukhang-magkamukha ang ama at anak.

Sa katunayan, naluha si Yalung nang magkita sila ng bata.

Ang kwento ni Christine at ng kanyang pamilya ay salaysay ng relasyon na nabuo sa kabila ng pagbabawal ng Simbahan, at ngayon ay nagkawatak-watak dahil sa parehong dahilan.

Bagama't nais ni Christine na iharap sa camera ang mukha ng bata, tinanggihan ito ng The CORRESPONDENTS. Nais ng babae na maipakita ang pagkakahawig ng mukha ng bata sa kanyang ama ngunit dapat ding pangalagaan ang kapakanan ng isang menor de edad sa pagkakataong ito.


Problemado at problema
Nagkakilala sina Christine at Yalung noong taong 2000. Ani Christine, lahat ng bagay sa kanyang buhay ay planado. Ang hindi niya napagplanuhan ay ang pakikipagrelasyon sa obispo.

Hindi nagsisisi si Christine na nakilala niya si Yalung. Pawang papuri ang masasabi ng babae sa obispo pagdating sa kabaitan at pagiging mapagbigay.

Noong magkakilala sila, nagtatrabaho ang babae bilang ahente sa isang kompanya ng gamot. Si Yalung, nakatalaga noon sa Sacred Heart Parish sa Makati.

Matapos nilang magkakilala, si Yalung ang naging tagapayo at hingahan ng sama ng loob ni Christine. Sinabi ni Christine na nang makilala niya si Yalung, siya ang babae na naghahanap ng kasagutan sa mga problema sa kanyang buhay.

Anang babae, hinahanap niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig bago niya nakilala si Yalung.

Aminado si Christine na mahal niya ang obispo dahil tinulungan siya ni Yalung. Hindi niya inaasahan na mapaibig sa obispo ngunit kung iisipin ito sa ngayon, wala nang atrasan, wala nang sisihan, aniya.

Nagpatuloy ang bawal na relasyon ng dalawa kahit inilipat si Yalung sa Diosesis ng Antipolo. Pumutok ang usap-usapan sa komunidad higit pa nang mapabalita na buntis si Christine.

Isinilang si Mo noong Hunyo 7, 2002. Nabatid ng liderato ng Simbahan ang nangyari at ninais ng pamunuan na itago ang bata. Kinondena rin si Christine dahil sa pakikipagrelasyon niya sa isang alagad ng Simbahan, isang bagay na aniya ay pinagbabayaran hanggang ngayon.

Noong lumaganap ang balita at hindi nakayang itago, kumilos na ang Simbahan. Noong Nobyembre, limang buwan matapos isilang ang sanggol, nagbitiw sa tungkulin si Yalung sa diosesis.

Ipinadala siya sa ibang bansa bago tuluyang kumalat sa Pilipinas ang balita.

Sa ginawang ito ng Simbahan, nagalit si Christine. Aniya, lalabas at lalabas din ang katotohanan sa pagiging ipokrito ng mga lider ng Simbahan.

Ibinulgar ni Christine na napadpad ng Roma si Yalung at nagtatrabaho bilang tagapamahala sa aklatan ng Vaticano. Kung minsan, nagkakausap sila ng dating obispo sa telepono, anang babae.

Pagpasok ng Enero 2003, pumutok nang tuluyan ang eskandalo. Noong mga panahong iyon, dalawang buwan nang wala sa Pilipinas si Yalung.

Sa harap ng hagupit ng sigwa, naiwan si Christine at ang noon ay anim na buwan nilang sanggol.

Noong mga panahong iyon, kaliwa't kanan ang tinanggap na batikos ng babae. Kabilang sa mga kumastigo sa kanya ay mga pari.

Pumasok sa isip ni Christine ang pagpapakamatay nang mabasa niya ang balita sa pahayagan.

Sinabi ng babae na binigyan siya ng salapi ng dating obispo para sa sanggol. Hindi malaki ang halaga ngunit sapat na upang ipantustos sa kanyang anak, ayon sa babae.

Ngunit bukod dito, mayroon ding naipon si Christine mula sa kanyang trabaho. Ito ang ginawa niyang pantulong sa salapi na ipinagkaloob ni Yalung. Ngunit kung saan nagmula ang pera ni Yalung, hindi alam ng babae.

Sa kasalukuyan, wala nang salapi na ipinapadala ang obispo. Ani Christine, kailangan niyang buhayin ang pamilya kahit siya ay nag-iisa.

Sa kanyang pagluluwal ng pangalawang anak, wala rin si Yalung para dumalo sa kanyang tabi.

Ani Christine, nakatakdang bumalik sa bansa si Yalung ngayong Hunyo ngunit maaaring maudlot ito dahil sa eskandalo kay Obispo Teodoro Bacani Jr.


***


Sa ngalan ng ama
Umuulan noong Sabado, Hunyo 14, ngunit libo-libong miembro ng sektang El Shaddai ang dumalo sa pagtitipon sa Quirino Grandstand upang harapin ang panibagong sigwa na gumagambala sa Simbahan.

Ang popular na si Obispo Bacani, inireklamo ng pang-aabusong sekswal sa kanyang sekretarya.

Sa loob ng limang buwan, dalawang obispo ng Simbahan ang naipit sa imbestigasyon dahil sa mga insidente umano ng pagsasamantala.

Tulad sa kaso ni Yalung, buo ang suporta at tiwala na ipinakita ng Simbahan sa akusadong obispo.

Sa pagtitipon ng El Shaddai, malinaw kung sino ang kanilang kinakatigan. Para sa mga kasapi ng sekta, ang biktima sa kasong ito ay hindi ang nagreklamo kundi si Bacani.

Ang tingin ng marami, ang pagbatikos kina Bacani at Yalung ay pagbatikos sa Simbahang Katolika.

Sa dalawang milenyong kasaysayan ng Simbahan, dalawang bagay din ang naging malinaw.

Ang pinakamatandang institusyon sa mundo ay nangangapa pa rin pagdating sa isyu ng sex at ang mga alagad ng Simbahan ay lumalabag sa vow of celibacy.

Marami ang nababahala sa mga akusasyon kina Bacani at Yalung. Ngunit marami rin ang nababahala sa kilos ng Simbahan tungkol sa mga kasong ito.

Bagama't nag-imbestiga sila sa mga kaso ng pang-aabusong sekswal, ang unang reaksyon ng mga pari ay pangalagaan ang imahen ng Simbahan.

Isa si Monsignor Nico Bautista na nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa pagtrato ng Simbahan sa mga tao na nabiktima ng pari na naligaw ng landas.

"Bagama't nagtuturo tayo ng kabutihan, ang mga katulad ni Christine ay binansagan natin na GRO (guest relations officer)."

Sa kaso ni Christine at ng sekretarya ni Bacani, nagkaisa ang mga pari na ipagtanggol ang dalawang obispo. Bagama't hindi pa sila napapatunayan na nagkasala, panig kaagad sa mga akusado ang mga opisyal ng Simbahan.

Tanong ni Bautista: "Lumagda tayo sa suporta para kay Yalung ngunit mayroon bang pumansin sa kaso ni Christine?"

Hinalungkat ngayon ni Bautista ang pagkakatalaga kay Yalung bilang pinuno ng dioesesis. Aniya, mayroon nang nangyari bago italaga si Yalung sa Antipolo. Mungkahi ni Bautista, dapat ay naagapan na ang isyu na ito noon pa.

Kinastigo rin ni Bautista si Monsignor Romulo Rañada, tagapagsalita ni Bacani sa Diosesis ng Novaliches.

Ayon kay Rañada, walang malisya at masamang intensyon si Bacani nang yakapin niya ang sekretarya. Sagot ni Bautista, maaaring nakalimutan ni Rañada ang batas ng Simbahan pagdating sa ganitong kaso.

"Ang pagtingin sa kilos ng pari ay depende sa pag-unawa dito ng tao na kanyang nakasalamuha," pahiwatig ni Bautista.


Krisis ng Simbahan
Sensitibo ang usapin na ito para sa Simbahan na naharap sa sunod-sunod na krisis. Sa nakaraang mga taon, napilitan ang Simbahan na ipagtapat at aminin ang pang-aabuso ng ilang mga alagad.

Napilitan din ang Simbahan na harapin ang matagal nang kontrobersya sa celibacy o hindi pag-aasawa ngmga pari.

Binulabog ang Simbahan sa panukala ni Bautista. Anang pari, dapat na mayroong pagkakataon ang pari na mamili kung nais niyang mag-asawa.

Mahirap itong tanggapin ng isang institusyon na nakasandal sa bertud ng hindi pag-aasawa at pag-iwas sa makamundong mga bagay.

Ngunit noong unang panahon, ang mga pari ay pinayagan na mag-asawa at magkaroon ng anak. Ilan sa kanila ay ang mga santong sina Peter the Apostle, Felix III, Hormidas at Silverus.

Nagkaroon din ng asawa at mga anak ang papa na sina Hadrian II, Clement IV at Felix V.

Sa talaan ng kasaysayan, mayroong 39 na papa na mayrooong asawa, kabilang sa kanila ang unang pinuno ng Simbahan, si San Pedro.

Samantala, mayroonng mga santo rin na anak ng pari at alagad ng Simbahan.

Sila ay sina Damasus I (anak ng pari), Innocent I (anak ni Papa Anastasius I), Boniface (anak ng pari), Felix (anak ng pari, Anastasius II (anak ng pari), Agapitus (anak ng pari), Silverus (anak ng Papa at santong si Hormidas), Deusdit (anak ng diyakuno), Theodore I (anak ng obispo), Marinus (anak ng pari), Boniface VI (anak ni Obispo Hadrian), John XI (anak ni Papa Sergius III) at John XV (anak ng pari).


Noong A.D. 366, iniutos ni Papa Damasus na maaaring mag-asawa ang mga pari ngunit hindi sila pwedeng makipagtalik sa kabiyak.

Tuluyang nagwagi ang Simbahan noong taong A.D. 1139 nang ipagbawal ng Ikalawang Konseho ng Letran (Second Lateran Council) sa ilalim ni Papa Innocent II ang anumang akto ng pakikipagniig ng lahat alagad ng Simbahan.

Sa kabila nito, nakalusot ang anim na papa. Ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng mga anak at apo. Sila ay sina Innocent III (nagkaroon ng mga anak), Alexander VI (dalawang apo), Julius (tatlong anak na babae), Paul III ( isang anak na babae, tatlong anak na lalaki), Pius IV (tatlong anak na lalaki) at Gregory XIII (isang anak na lalaki).

Ani Rañada, hindi ang isyu ng pag-aasawa o kawalan nito ang dapat pag-usapan kundi ang paraan kung papaano haharapin ng mga pari ang sitwasyon na tulad ng pang-aabusong sekswal.

Ngunit ayon kay Bautista, dapat na mabatid din na kailangan nang lumaya ng mga pari sa panahong ito. Hindi niya tuwirang sinabi ni Bautista na nais niyang mag-asawa pero aniya, dapat isipin sa ngayon na nagbabago na ang panahon.

Pahiwatig ng pari, kailangan nang harapin ang problema ng mga pari at ang multo na bumabagabag sa Simbahan.

 
 
Ipadala ang inyong opinyon o kuro-kuro sa newsfeedback@abs-cbn.com
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com