Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Trekking Mt. Apo: Ang landas paakyat ng Everest
"Trekking Mt. Apo" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Disyembre 12, 2005

Ulat ni Abner Mercado

Sa The CORRESPONDENTS unang itinanghal ang kwento ng 1st Philippine Mt. Everest Team sa kanilang pagsasanay sa Tasman Glacier sa Mt. Cook, maituturing na pinakamataas na bundok na natatakpan ng niyebe (snow) sa New Zealand.

Layunin ng ekspedisyon na mahasa ang kanilang mga kakayahan sa pag-akyat sa Mt. Everest sa 2007 para iwagayway ang bandila ng Pilipinas na tatatak sa kasaysayan.

Labimpitong mga "mountaineer" na kumakatawan sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas ang bumubuo sa ekspedisyon.

Ayon kay Regie Pablo, isa sa mga miembro ng grupo, hindi lang lakas at husay sa pag-akyat sa bundok ang kanilang naging basehan sa pagpili ng mga kasapi.

Nasubok na ang lahat ng talino at kakayahan ng grupo sa pagsasanay nila sa Tasman Glacier noong Abril.

Makalipas ang halos walong buwan, isang panibagong pagsubok at pagsasanay ang hatid ng The CORRESPONDENTS sa kwento ng grupo bilang paghahanda sa pag-akyat sa Everest sa pamamagitan ng pag-ahon sa pinakamataas na bundok sa Pilipinas, ang Mt. Apo na may taas na 10, 311 talampakan.

Kasama ng grupo sa pag-akyat sa Apo ang dalawang banyagang mountaineer: ang Haponesang si Junko Tabei at Malaysian na si Ravinchandran Tharumalingam.

SI Tabei ang kauna-unahang babae na maituturing sa kasaysayan na nakaakyat sa pinakamataas na bundok sa mundo, ang Everest. Nagawa niya ito noong 1992.

Sa edad na 66 sa kasalukuyan, panibagong pagsubok ang nais isulat sa kasaysayan ni Tabei: maakyat ang pinakamatataas na bundok sa lahat ng bansa sa mundo, kabilang na ang Apo sa Pilipinas.

Panauhin din sa pag-akyat sa Apo noong Disyembre 7, 2005, ang Ravinchandran o "Ravi," edad 41.

Nais ding gumawa ng pangalan ni Ravi sa kanyang bansa.

Dalawang kababayan ni Ravi ang nauna nang nakaakyat sa Everest. Ang panghuli sa kanila ay noong 1997 pero sa kanyang gagawin, higit na mapangahas ang ruta ni Ravi.

Aniya, kukunin niya ang bahaging timog ng Everest na maituturing na isa sa pinakamapanganib na ruta patungo sa tuktok ng bundok.

'Mountaineers' mecca'
Kung mapanganib ang rutang timog ng Everest, wala ring halos ipinagkaiba ang Apo sa taas nitong 10,311 na talampakan. Ang bundok na ito ay nasa hangganan ng mga lalawigan ng Cotabato, Davao del Sur sa Timog Mindanao at Lungsod Davao.

Ito ang maituturing na "mountaineers' mecca" ng bansa.

Bago umakyat, bukod sa mga dadalhing pagkain at gamit ay mahalaga sa mga mountaineer ang panalangin para sa mapayapang paglalakbay.

Matapos ang mga kuhanan ng litrato, sinimulan na ang paglalakbay patungo sa tuktok ng Apo mula Kidapawan sa Cotabato.

Labinlimang minuto ang lalakbayin ng sasakyan patungo sa "jumpoff point." Ang bahaging ito ay nasa loob ng bakuran ng Philippin National Oil Corporation (PNOC).

Ang planta ng PNOC ang panggagalingan ng grupo patungo sa daan sa itaas ng Apo.

Sa simula ng pag-akyat, sasalubong ang mga mountaineer sa madawag na gubat, maputik na daan na naging madulas dahil sa madalas na pag-ulan.

Sa kabila nito ay umabante na agad ang grupo sa unang sultada pa lang.

Habang naglalakbay, kapansin-pansin na pinupulot ni Tabei ang lahat ng basura na nakikita niya. Magkahalo ang paghanga, tuwa at hiya ang naramdaman ng The CORRESPONDENTS.

Kung sino pa ang banyaga, siya pang nakaisip maglinis sa mga dumi na naiwan ng mga Pilipino sa bundok.

Pero ito naman talaga ang kultura ng sinumang mountaineer: ang linisin ang anumang dumi na makikita niya sa daan.

Makalipas ang mahabang paglalakbay, pakikipagbuno sa putik at pakikisalamuha sa ganda ng kalikasan at tanawin, mararamdaman na ang unti-unting pagtakip ng ulap sa landas. Ito ang pagbabadya na mataas na ang naaakyat ng grupo.

Mula Apo hanggang Everest
Ganoon na lang ang pagkatuwa ng mga bisitang banyaga nang marating nila ang tuktok ng bundok.

Walang mapaglagyan ng kanyang kasiyahan si Tabei. Sa panig ni Ravi, namangha siya sa kalikasang nakabalot sa Apo.

Higit sa kanyang mga nasaksihan, ang pag-akyat ni Ravi sa Apo ay paghahanda at paghahasa sa kanyang tatag dahil buwan na lang ang binibilang bago siya tumulak patungo sa tuktok ng Everest sa Marso 2006.

Para sa kanyang paglalakbay sa Marso, sinabi ni Ravi na nailunsad na niya ang kampanya sa sariling "Web site." Aniya, ang dalawang unang paglalakbay sa Everest ng kanyang mga kababayan ay suportado ni dating Prime Minister Mahathir Mohammad.

Sa panig ng mga mountaineer na Pilipino, ani Ravi, maaaring hindi pa nakakamit ng grupo ang tulong mula sa pamahalaang Pilipinas pero ang mahalaga ay nasa tamang landas ang pangkat sa kanilang paghahanda.

Ayon sa mga mountaineer, ang pag-akyat nila sa Everest sa 2007 ay hindi lang pansariling karangalan. Anila, ang tagumpay ng sinuman sa kanila na makararating sa tuktok ng Everest ay karangalan ng buong grupo para sa bayan at sa bandila na iwawagayway nila roon.

   
>>> Previous Episodes