"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Mga sanggol sa bentahan sa piling ni Nanay
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Setyembre 19, 2005, Lunes, 11:30 p.m.


'Babies for sale'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Gigi Grande


Sa isang bahagi ng Cubao sa Lungsod Quezon, matatagpuan umano ang pinakamurang bayarang babae sa Kalakhang Maynila.

Kung inaakala ng marami na ang mga babae na nagtatrabaho nang ganito ay laging makapal ang kolorete sa mukha, palaging nakaayos ang buhok at halos kita na ang maseselang bahagi ng katawan kung manamit, kaiba ang mga babae na makikita sa Cubao.

Karamihan sa kanila, ayos-tindera, may edad na at hindi masasabing kaakit-akit ang hitsura.

Sa ilang araw na pag-iikot ng The CORRESPONDENTS, hindi lang iisang buntis ang nakita ng grupo sa maliit na lugar na iyon kundi tatlo.

Napag-alaman din na higit na mababa ang presyo ng mga buntis sa kanilang sarili para sa mga "parokyano." Wika nga, subasta.

Sa halagang P50, oral sex at sa P250, lahat-lahat na.

Nakilala ng The CORRESPONDENTS dito si "Rosa" (di-tunay na pangalan).

Buntis si Rosa at sa maniwala at sa hindi, mayroon pa ring mga lalaki na kumukuha ng serbisyo niya.

Kabilang sa mga parokyano ni Rosa ay mga obrero, ordinaryong manggagawa at tsuper. Sila ang mga trabahador na maliliit lang ang kita kaya pumapatol sa babae kahit buntis, basta mura.

Sa bangketa ang "opisina" ni Rosa. Dito rin siya kumukuha ng kostumer.

Ngunit pagsapit ng gabi, ang opisina ni Rosa ay siya rin niyang bahay. Dito rin siya natutulog.

Bagamat hirap ang katawan na umupo o humiga sa bangketa, kailangan niyang magtiis dahil wala siyang ibang matutuluyan. Karton lang ang kanyang pansapin sa matigas at malamig na kongkretong daan.

Sabi ni Rosa, Disyembre 1994 nang una niyang makilala ang kostumer na nakabuntis sa kanya. Anang babae, nakumbinse siya ng kostumer na huwag gumamit ng contraceptive.

"Hindi ako nakagamit e. Alam mo naman, ayaw ng kostumer. Pero sa iba nagpapagamit ako."

Aniya, kapag tipo ng lalaki, aalukin siya ng malaking halaga ng pera basta walang condom sa pagtatalik. "E kailangan ko rin ng pera, kumagat na ako."

Kailangan ni Rosa ng pera dahil anim na anak ang binubuhay niya sa probinsya.

Papalapit ang Pasko nang makilala niya ang kostumer at dahil nais niyang maregaluhan ang mga anak, nasilaw si Rosa sa pera.
Kaya ngayon, buntis si Rosa.

'Para rin sa kanya ito'
Mahirap para sa mga buntis tulad ni Rosa ang gumala gabi-gabi para magtrabaho. Pero anang babae, desperado na siya.

Kung hindi siya maghahanap ng kostumer, gutom ang hahantungan niya at magugutom din ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Kwento ni Rosa, napasok siya sa ganitong uri ng trabaho matapos mamatay ang kanyang asawa,

Anim ang kanilang anak at nang matanggal siya sa trabaho sa pabrika, wala nang iba pang hanapbuhay na dumating sa kanya.

Hindi alam ng mga anak ni Rosa na nagbebenta siya ng laman. Ang akala nila, nagtatrabaho pa rin ang kanilang nanay sa pabrika.

Sa pagmamatyag ng The CORRESPONDENTS kay Rosa, isang araw ay nilapitan siya ng grupo upang tanungin kung nais niyang ipaampon ang sanggol.

Ang bilis niyang pumayag at sinabing magpirmahan na agad ng kasunduan para wala nang bawian.

Sabi ng babae: "Kahit makita ko siya e di ko na babawiin. Desisyon ko na 'yun dahil siyempre ayaw ko rin 'yung mapariwara 'yung buhay niya."

P6,000 bawat isa?
Anim na libong piso ang hinihingi ni Rosa kapalit ng kanyang sanggol. Gagamitin niya umano ang salapi na pambayad sa ospital.

Sa tingin ng babae, wala siyang ginagawang masama dahil hindi naman niya ibinebenta ang sanggol. "Basta huwag lang pabayaan. Wala naman akong hinihinging kapalit, di ba?"

Katuwiran ni Rosa, ang hiling lang niya ay panggastos para sa ospital.

Sa mata ng batas, kahit gaano kaliit ang halaga na hinihingi ni Rosa at kahit balak niyang gamitin sa panganganak ang salapi, maituturing na itong transaksyon dahil may perang kapalit ang sanggol.

Pero ang siste, luma na ang batas sa pagbebenta o pag-abandona ng anak. Magaan lang din ang parusa sa mga nagkakasala.

Ayon sa batas, ilang buwan na pagkakabilanggo at maliit na halaga lang ng salapi ang multa sa magkakasala.

Hindi lang sa Kamaynilaan nagkakaroon ng bentahan ng mga sanggol sa sinapupunan. Sa isang lugar sa Batangas, mayroon ding mga buntis na nagbebenta ng sanggol.

Ayon kay "Aileen," may kilala siyang gustong magpaampon ng bata sa halagang P10,000. Kinabukasan, ipinakita niya sa The CORRESPONDENTS ang sanggol na anak ng kasamahang si "Liza."

"Desidido siya (Liza) na ipaampon ang bata, kawawa rin kasi dahil mapapariwara nga naman," sabi ni Aileen.

Limang araw pa lang naipapanganak ang sanggol nang makita ng The CORRESPONDENTS. Ani Aileen, sa bodega sa katabing motel ng bahay aliwan na pinagtatrabahuhan niya ipinanganak ang bata.

Sabi ni Liza, wala siyang magagawa kundi ibenta ang sanggol. " 'Yung tatay tinakasan ang pananagutan niya sa akin."

Kwento ni Liza, regular na kostumer niya sa bahay aliwan ang ama ng bata. Noong malaman na buntis siya, hindi na nagpakita muli ang lalaki kay Liza.

Desidido si Liza na ibenta ang bata sa The CORRESPONDENTS. Sa katunayan, pumayag siya na ipasuri ang bata sa klinika nang kasama si Aileen.

Sa klinika, nabahala ang doktor nang makita ang sanggol. Inirekomenda niya na isailalim sa masusing pagsusuri sa laboratoryo ang bata.

Ibinalik ng The CORRESPONDENTS ang bata kay Liza at iminungkahi na dalhin ang sanggol sa ospital. Sabi ni Liza, hindi siya interasado.

Giit ng babae, walang sakit ang anak niya at kung ayaw ng The CORRESPONDENTS na bilhin ang sanggol, huwag na lang.

Kinabukasan, nagpadala ng text si Aileen sa The CORRESPONDENTS at sinabing desidido umano si Liza na ibenta ang bata.
Hindi pa rin nagbabago ang presyong P10,000.

Sagot ng grupo, wala na itong interes sa bata.

Iba pang kaso
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, hindi lang mga nabubuntis na babae sa lansangan ang napipilitang magbenta ng kanilang mga sanggol.

Ginagawa rin umano ito ng mga babae na nabuntis sa pagkadalaga at mga dalagitang buntis.

Gayundin, may mga babaeng biktima ng panggagahasa at kerida na nagbebenta ng sanggol.

Hindi na bago ang pangyayaring ito. Noong 2002, may istorya ang The CORRESPONDENTS tungkol sa mga sanggol na ibinebenta sa paligid ng ospital ng Fabella sa Maynila. Kahit noon, hindi naging mahirap ang pagbebenta ng mga bata.

Mahirap sabihin kung kailan nagsimula ang pagbebenta ng mga sanggol sa Pilipinas. Ang tiyak lang, matinding kahirapan ang nagtulak sa mga babaeng tulad nina Rosa at Liza para ibenta ang kanilang kadugo.

   
>>> Previous Episodes