Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Balik-Islam: Pagbabalik sa kinagisnan?
"Balik-Islam" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Disyembre 5, 2005

Ulat nina Aladin Bacolodan at Rose Eclarinal

Si Robin Padilla na marahil ang pinakasikat na "Balik-Islam" sa Pilipinas.

Tinawag siya dati na "bad boy" ng pelikulang Pilipino pero ngayon, si Padilla o "Abdul Aziz," mula nang maging Muslim ay naging amang huwaran at tumuwid ng landas.

Kaya ngayon, siya ang numero unong idolo ng mga Muslim.

"Bakit ako nag-Muslim? Kasi sinunod ko 'yung Biblia e. Sabi ng Biblia, mahalin mo ang nag-iisang Diyos. Sa islam itinuturo 'yung nag-iisang Diyos at kailan man, siya lang ang nag-iisa," sabi niya.

"Sinasabi nila sa akin e naloloka ako dahil hindi sila makapaniwala na balik-Islam ako e madre ako," aniya.

Si Bro. Mohammad Soria naman, tinalikuran ang higit na kilalang pangalan na "Father Stan." Mahigit 30 taon na nagsilbi sa Simbahang Katolika si Stan at ngayon ay tatlong taon nang Balik-Islam.

"[Hindi ako nauunawaan] ng Simbahan, ng pamilya ko. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako kinakausap ng mga kapatid ko," aniya.

Kung maririnig na magsalita si Bro. Ahmad Barcelon sa kasalukuyan, hindi aakalain na dati siyang pastor sa isang grupong karismatiko. Pero 13 taon niyang ginagawa ang pagpapalaganap ng turo ng Koran sa pag-asang magbalik-Islam ang mga kasamahan niya sa Kristiyanismo.

Sabit sa terorismo
Ilan lang sila sa dumaraming bilang ng mga Kristiyanong tumalikod sa relihiyon para pasukin ang bagong mundo. Ang relihiyon na ito ay hindi gaanong nauunawaan sa lipunan lalo at madalas iugnay sa terorismo ang mga Muslim.

Nitong nagdaang mga linggo, laman ng balita ang Balik-Islam, partikular ang grupong Rajah Sulaiman Movement (RSM).

Kumalat ang mga ulat matapos maaresto si Ahmad Santos, ang sinasabing lider ng RSM. "Lakay" ang tawag sa kanya noon dahil ipinanganak at lumaki siya sa Anda, Pangasinan.

Pero matapos magtrabaho sa Saudi Arabia, naging miembro siya ng Balik-Islam noong 1991.

Kasabay nito ay binuo niya ang Fil-Sabillilah Dawa and Media Foundation at naging aktibo sa pagpapalaganap ng Islam sa mga Kristiyano.

Kasama sa mga sumanib sa grupo ang kapatid ni Ahmad na si Tyrone Dave na naging kilala sa pangalang Dawud.

Itinatag ang base ng magkapatid sa kanilang bakuran sa Anda. Sampu ang kanilang mga kasamahan.

Pero noong 2002, sinalakay ng mga awtoridad ang lugar dahil kampo umano ito ng RSM na sangkot sa terorismo. Nakatakas ang mga miembro ng grupo sa nabanggit na salakay.

Sa ulat intelehensya ng militar, isinasangkot din ang RSM sa tatlong insidente ng terorismo. Kabilang sa mga ito ay ang pagsabog sa SuperFerry noong Pebrero 2002 na kumitil sa buhay ng 194 katao; sa bombahan sa General Santos na pumtay sa 14 tao at sumugat sa 70 iba pa; at sa pambobomba sa mga lungsod ng Makati, General Santos at Davao noong Pebrero 14, 2005. Labing-isa katao ang namatay at 136 na iba pang nasugatan sa mga insidente.

Ayon sa militar, prente lang umano ang pagiging Balik-Islam ng grupo dahil kasabwat ito ng Abu Sayyaf at sinanay ng mga experto ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para magsagawa ng mga pambobomba.

Pinopondohan din umano ng al-Qaeda at Jema'ah Islamiyah ang grupo.

Si Ahmad na kasalukuyang nakakulong habang si Dawud ay nakapagpiyansa matapos mahuli noong Marso 2005.

Hanggang ngayon, itinatanggi ng magkapatid na sila ay mga terorista. Pero sabi ng mga awtoridad, sa bibig na rin mismo ni Ahmad nanggaling ang iba pang impormasyong magdidiin sa kanila.

Ayon sa militar, sinabi ni Ahmad na: "Lahat ng non-believers o infidels ay maituturing na kaaway, we want to establish an independent Islamic state, with Islamic laws."

Sabi ng Pambansang Pulisya (PNP), humahaba ang listahan ng mga miembro ng Balik-Islam na nagagamit sa terorismo.

Bunga nito, napagdudahan ang lahat ng Balik-Islam mula nang kumalat ang ulat tungkol sa grupo at kaugnayan umano nito sa mga terorista.

Pagbabalik?
Pero bakit nga ba sila tinawag na Balik-Islam?

May paliwanag ang iskolar na si Prop. Julkipli Wadi ng Unibersidad ng Pilipinas tungkol dito. "Una tinitingnan nila ang kasaysayan ng Pilipinas na ang unang mga tao ay mga Muslim..aksidente lang ang pagdating ng Kristiyanismo. Pangalawa, lahat ng tao ay Muslim."

Aniya, noong napag-isipan ng mga miembro ng grupo ang mga aral ng Islam, ginamit nila ang Balik-Islam para palaganapin ang pagbabalik, hindi pagbabago ng relihiyon, patungo sa Islam.

Sabi ni Wadi, sa kabila ng akusasyong sangkot sa terorismo ang Balik-Islam, hindi na mapipigilan ang paglaganap nito. Aniya, ito ay sa kadalihananang ang mga Balik-Islam ang mas madalas nakaalam sa mga turo ni Allah kalysa ordinaryong mga Muslim.

Dagdag niya, kaya pinasok ng ilang Muslim ang radikalismo ay dahil sa paniniwalang naaapi ang kanilang relihiyon. Kahit wala ito sa turo ng Koran, ang paniniwalang ito rin ang dahilan kaya may mga Balik-Islam na naliligaw ng landas.

"May mga school of thought that it is the obligation of the Muslim community to rise up so that the oppression will stop at iyon ang ginagawa nilang dahilan," ayon kay Wadi.

Pero aniya, tulad ng anumang grupo o sekta ay kailanman, hindi pwedeng lahatin ang mga Muslim.

Pero kung ang mga awtoridad ang pakikinggan, totoong may mga Balik-Islam na sangkot sa terorismo. Magina ng mga Balik-Islam, sinasabing hindi sila siguradong malinis ang kanilang hanay.

Sa kabila ng pagbubuklod sa kanila ng isang pananampalataya, sabi ng mga Balik-Islam, ang kasalanan ng isa ay hindi masasabing kasalanan ng lahat.

   
>>> Previous Episodes