Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Buhay-bakal sa Baseco
"Buhay bakal" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Enero 9, 2006

Ulat ni Karen Davila

Isang karaniwang araw sa Baseco sa Tondo, Maynila, ang pagtungo sa laot ng Manila Bay ni Melchor Vicente hindi para mangingisda kundi manisid ng bulok na bakal sa ilalim ng dagat.

Hindi lambat ang sakay ng lambat niya kundi naglalakihang mga drum. Ang mga drum ang ginagamit niyang pampalutang ng bakal, sabi ni Vicente.

Halos 30 taon nang naninisid ng bakal si Vicente at ito na ang kinagisnan niyang hanapbuhay. Sa kanilang lugar sa Tondo, si Vicente at kanyang mga kasama ay kilala bilang mga "sisid-bakal."

Noong araw na sumama ang The CORRESPONDENTS kina Vicente sa laot, ikalawang beses na nilang minamarkahan ang dagat. Noong araw na iyon, markado na nila ang bakal na natagpuan noong nakalipas na araw.

Marami ang mga sisid-bakal sa Baseco kaya ang bawat isa, may kanyang marka sa dagat. Nagmamarka sila sa pamamagitan ng pagtatali ng bakal sa ilalim ng dagat sa mga drum.

Ayon kay Vicente, araw at hindi oras ang binibilang nila para makakuha ng isang piraso ng bakal.

Kwento ni Vicente, isang karaniwang tubo ang ginagamit nila para hukayin ang bakal na nakabaon sa putik sa ilalim ng dagat. Kabilang si Vicente sa mga sumisisid ng bakal.

Sa labo ng tubig, mistulang bulag ang mga maninisid sa paghahanap ng kayamanan sa dilim.

Paraang mano-mano ang gamit nila, mula sa "air compressor" na pinagmumulan ng hininga sa ilalim ng dagat, hanggang sa mga suot na "goggles" at "fins" sa pagsisid.

Markado ang mga bakal na nakita nina Vicente at naitali na ang mga ito sa mga drum na nakalutang sa ibabaw ng dagat. Pero ang problema, may mga bahagi ng bakal na nakabaon pa rin sa putik.

Sinubukan muna ni Vicente na hukayin ang putik at palambutin ito gamit ang tubo na nagbubuga ng hangin.

Sa itaas, maiitim ang kulay ng putik na ibinubuga mula sa tubo. Pero matapos ang halos kalahating oras ng pagbomba, ayaw pa ring umangat ng bakal dahil masyadong malaki ang bahagi na nakalubog sa putik.

Bunga nito, kailangan nang lagariin ni Vicente ang bakal . Maging ang kasama niyang si Dodong Tumaquin, kailangan na rin siyang tulungan.

Sa ilalim ng dagatm malutong ang tunog ng paglalagare ni Vicente. Delikado ito dahil kapag hindi maingat, kahit ang sariling mga daliri ay maaaring maputol.

Sa kabila nito, hindi alintana ng dalawa ang panganib dahil ito lang ang pag-asa nila.

Makalipas ang ilang minuto, umangat na ang mga drum. Ibig sabihin nito ay nakawala at lumutang na ang bakal sa ilalim.

Paglitaw ng dalawa, hindi maipinta ang kanilang mga mukha sa katuwaan. Para sa kanila, higit sa isang tropeo ang iuuwi nila noong araw na iyon.

Hindi pa man tanaw, katumbas ng bakal na iyon ang katiyakan na maitatawid nila ng ilang araw ang pamilya laban sa pagkagutom.

Samantala, sa pampang ng dagat ay handa na ang buong barangay na iahon ang bakal na uwi nina Vicente mula sa laot.

Mabigat ang bakal kaya oras ang bibilangin bago ito mailipat sa pampang.

Malaking bagay ang bakal na ito sa karamihan ng mga residente sa Baseco. Lahat ng tumutulong sa pag-aahon at paglalagare ng bakal ay may kaunting kikitain kapag naibenta ito.

Hindi bumababa sa P7 kada kilo ang bentahan ng bakal sa Baseco. Kapag mas mabigat ang bakal, higit ang kinikita ng nagbebenta nito.

Kaya kahit gaano kalalim o kalayo ang pagkukunan, handa ang mga tulad ni Vicente na suungin ang mga pagsubok.

Sa pampang ay naiahon na ang bakal na nasisid nina Vicente pero hindi pa tapos ang trabaho.

Sa pag-aahon ng bakal, maghahati-hati ang mga residente sa pagtaktak nito. Kailangan pang linisin at pira-pirasuhin ang bakal bago ito maibenta.

Kahit mga bata, nakikipukpok na rin mabigyan lang ng kaunting barya matapos ang paglilinis.

Buhay-bakal
Paghuhukay ng bakal sa ilalim ng dagat ang kinagisnang hanapbuhay ng mga residente ng Baseco.

Panahon noon ni dating pangulong Ferdinand Marcos nang mabuo ang Baseco na maituturing na isang isla. Ipinahukay ni Marcos ang bahagi ng pantalan ng Maynila para sa pagdating ng barko ni Reyna Elizabeth.

Malapit ang lugar sa pantalan kaya mga estibidor ang unang mga nanirahan sa Baseco.

Ayon kay Teresita Lumactud, kapitana ng Barangay Baseco, nagbabago na ang lugar pero hindi pa ito tiyak.

Aniya, ang Baseco pa rin ang isa sa pinakamahirap na barangay sa Maynila. Sa kabila nito, pinakamabilis na paraan para kumita ng pera ang pambabakal kaya ito ang pinagkakaabalahan ng marami.

Sa pagdating ng bibili ng bakal kina Vicente, nagkaroon ng kwentahan. Umabot sa P5,000 ang presyo ng bakal.

Malaking pera ito para kina Vicente kahit dalawang araw nilang trinabaho ang bakal. Ngayon ay may maiuuwi na silang pera sa pami-pamilya.

Pero bago ito, kailangang tanggalin sa kwenta ang gastos sa gasolina, gwantes, lagare at renta ng bangka.

Ganito rin ang inaasahan ni "Titing" (di-tunay na pangalan) na isa ring sisid-bakal.

Nakatisod ng malaki si Titing sa kadenang nasisid niya. Nakalatag sa magkabilang kalye ng Baseco ang kadena at tulong-tulong ang mga residente sa paglilinis bago sunduin ang bibili nito.

Katulong sa paglilinis ng kadena ang binatilyong si "Anthony." Umaasa siyang kumita ng P50 sa pagtatanggal ng putik sa kadena.

Ayon kay Anthony, walang trabaho ang kanyang ina at ito na lang hanapbuhay na alam niya. Sinabi rin ng binatilyo na hindi siya nag-aaral dahil walang pera na pampaaral.

Ang maiuuwi na P50 ni Anthony ay pambili ng bigas. Ganito rin ang eksena sa iba pang kasama na naglilinis ng bakal.

Sabi ni Titing, nagtutulungan ang mga residente ng barangay sa gawaing ito. Kung sino ang nangangailangan, binibigyan nila ng biyaya, aniya.

Masasabing nabiyayaan si Titing nang malaki sa paninisid ng bakal. Nakapagpagawa siya ng mas disenteng bahay at kamakailan ay napalagyan ng "tiles" ang kusina.

Paninisid din ng bakal ang nagpapaaral sa kanyang apat na anak.

Tinanong ng The CORRESPONDENTS si Titing kung nais niyang paninisid din ng bakal ang maging hanapbuhay ng mga anak.

Sagot niya: "Pangarap ko makapag-college sila, kasi sa pagbabakal, wala ding mangyayari sa kanila. Hindi naman laging nandyan ang bakal."

Pero sa ngayon, habang may bakal sa ilalim ng dagat, palagay ang loob ng mga sisid-bakal tulad nina Vicente, Titing at kanilang mga kapitbahay na mayroon pa silang maaasahan.

Ang tanong nga lang ay hanggang kailan sila makaaasa sa biyaya na ito.

   
>>> Previous Episodes