"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

'Basura ng ospital panganib sa kalusugan'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


"Basura"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Rose Eclarinal

Masaya sa paglalaro ang mga bata sa Sitio Aguado sa lungsod ng Trece Martires, Cavite. Ngunit hindi lahat ng mga bata ay nakapaglalaro sa kalye.

Isa sa kanila si Jomar Calunsog. Mahina ang baga ng bata kaya madali siyang mapagod. Ilang buwan pa lang ang nakalilipas, namaga ang buong katawan ng bata na komplikasyon ng mahina niyang baga.

Sa pamilya, bukod kay Calunsog ay sakitin din ang kapatid na sumunod sa kanya.

Ayon sa inang si Jona, "Ganun din ang sakit niya, naospital din, pareho ang sakit, mahina rin daw ang baga."

Samantala, ilang bahay mula sa pamila Calunsog ay matatagpuan ang tahanan ng mga Hilario.

Sa loob ng bahay, nadatnan ng The CORRESPONDENTS na naghihinagpis si Beng Hilario. Anang ginang, malungkot siya dahil sa kalagayan ng apo na ipinanganak nang may depekto sa ari.

"Kaiba e, parang isang babae at lalaki. Maliit nga ang ari tapos ang butas nasa ilalim," sabi ni Hilario.

Paliwanag ng mga doktor, ang butas ng ari ng bata ay nasa ilalim mismo ng ari at mistulang hiwa na lang na lalabasan ng ihi.

Ganito rin ang kaso ni David John, anak ni Ester Quimzon sa Sitio Aguado.

Ipinanganak at nagkaisip sa Sitio Aguado ang bata at labas-masok na rin sa pagamutan dahil sa mahinang baga. Pero higit na nag-aalala ang kanyang ina dahil hindi maipaliwanag ang paglaki at pagliit ng ari ng anak.

"Hindi lang naman ang anak ko ang may problema dito. Maraming bata ang may problema," sabi ni Quimzon.

Ito rin ang hinagpis ni Dina Penascosas. Ang kanyang apo na wala pang dalawang taong gulang, lumalaki na rin ang ari.

Luslos umano ito hindi niya matiyak kung iyon nga ang dumapo sa bata dahil wala pang doktor na sumusuri.

Sa balat naman
Bukod sa mga bata, may iba pang paslit sa Sitio Aguado na pinutakti ng kakaibang sakit sa balat. Reklamo ni Lily Bayon-un, palit-palitan lang kung magkasugat ang kanyang mga anak.

"Nagtataka ako kung bakit sila nagkakasugat, araw-araw naman sila naliligo, paiinumin ko ng gamot, parang hindi yata gumagaling," aniya.

Ani Bayon-un, maging ang mga kapitbahay nila ay madalas ding magkasugat sa balat.

Iisang lugar pero halos pare-pareho ang sakit: mahinang baga, sakit sa balat, problema sa ari. Paano kaya ito maipaliliwanag?

Ayon kay Hilario, 10 mga bata sa lugar ang naital nilang may problema sa balat, ari at baga.

Iisa ang itinuturo nilang dahilan ng pagkakasakit ng mga bata sa lugar: ang IWMI na plantang nagsusunog ng basura.

Hindi ordinaryong basura ang sinusunog ng planta kundi mga diniskargang kagamitan mula sa mga ospital.

Totoong hindi nakikita ng mga residente ang sinusunog na basura ng planta ngunit naamoy naman nila ito.

"Non kasi, nagsusunog diyan, naamoy talaga, mahirap talagang huminga," sabi ni Hilario.

Sabi ni Quimzon: "Lahat ng basura sa ospital, katawan, halimbawa, may inoperahan, may pinutol, naaksidente o inunan, sinusunog."

Pitong taon nagtiis sa usok na ibinubuga ng planta ang mga residente ng Sitio Aguado. Noong 1999, natigil ang operasyon ng IWMI dahil sa pagpapatipad ng Clean Air Act.

Napalitan ng ibang teknolohiya ang planta at mayroon nang aparatong tagalinis ng usok na ibinubuga nito.

Ayon kay Quimzon, "Sa ngayon wala na kaming naaamoy pero noong wala pang scrubber, talagang masakit sa dibdib at lalamunan."


IWMI ang dahilan ng lahat

Naniniwala ang iba't ibang grupo na nangangalaga sa kalikasan na malaki ang kinalaman ng plantang nagsusunog ng basura mula sa ospital sa pagkakasakit ng mga bata sa Sitio Aguado.

Ang planta na kanilang tinutukoy ay ang Integrated Waste Management Inc. (IWMI) na kontratista sa basura ng mahigit 200 mga ospital sa Kalakhang Maynila.

Hindi bumababa sa 100 tonelada ng infectious medical waste ang sinusunog sa planta kada buwan. Ang operasyon at pagsusunog ng basura rito, halos araw-araw.

Aminado si Bong Rivera ng IWMI na may mga bahagi ng katawan ng tao na kanilang sinusunog. "Kasama pati body parts, kasama pati putol na kamay at putol na paa. Kung minsan nga may lumulusot na fetus e, wala kaming magawa."

Sinamahan ni Alkalde Jun Sagun ang The CORRESPONDENTS sa loob ng planta para ipakita umano na wala siyang kinakampihan. Anang opisyal, hindi niya pinoprotekahan ang IWMI.

"Nakalusot sila sa DENR, binigyan sila ng permit, lahat ng requirement ng national government, binigyan sila e," aniya.

Noong ipagbawal ang pagsusunog ng basura sa pamamagitan ng incinerator noong 1999, naging plantang "pyrolis" ang IWMI. Isa ang pyrolis sa mga teknolohiyang tanggap ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman (DENR) at Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa pagproseso ng mga basura ng ospital.

Sa pag-aaral ng mga experto, sinasabing ang pagsusunog ng basura ay maaaring magbuga ng dioxin at maarin rin itong matagpuan sa abo at usok ng sinunog na basura at kemikal.

Isa umano ito sa nagdudulot ng malubhang sakit tulad ng kanser, sakit sa balat at congenital diseases.

Ganoon na lang ang lungkot ng mga residente ng Sitio Aguado dahil sa paglalabasan ng mga sakit sa mga bata sanhi ng kemikal na nalanghap mula sa planta.

"Kasi bago naman daw maramdaman ang epekto niyan, mga five to ten years," ayon kay Hilario.

Ano ang basehan?
Pero hanggang walang sapat na katibayan na nakasasama sa kalusugan ang pagsusunog ng IWMI sa basura, patuloy ang planta sa operasyon nito.

Samantala, ang apo ni Penascosas, iniinda ang sakit na dulot ng malaking ari. Ayon kay Penascosas, hinihilot-hilot na lang niya ang apo. Hindi na rin niya alam kung ano ang naghhintay na kinabukasan para sa bata.

Ang mga anak ni Bayon-un, wala pa ring tigil sa pagkakamot sa makati at masakit na sugat na hindi gumagaling.

Si Hilario, nalilito pa rin kung abo talaga ang apo niya na may depekto sa ari.

Ang sakiting mga anak ni Calunsog at ang bunso ni Quimzon, naghihintay ng doktor na susuri dahil hanggang ngayon, kapos pa rin sila sa perang pampagamot.

Sinikap ng The CORRESPONDENTS na makapagdala ng doktor sa lugar para masuri ang mga bata. Hindi pa nasisilip ni Dr.Marina Perena ang mga bata pero aniya, wala silang natatanggap na reklamo tungkol sa mga bata.

Tumanggi ang mga doktor ng PGH na makialam sa isyu. Anila, nagsasagawa sila ng sariling pag-aaral kaya ayaw nilang sumangkot sa isyu.

Sa harap ng turuan, pakiusap na lang ng mga magulang ng mga bata, tulungan na lang sila.

Kung hindi ang planta ang dahilan ng pagkakasakit ng mga bata, sana ay mabigyan sila ng sapat na paliwanag, apela ng mga magulang.

"Sana maging maliwanag sa aming mga mamamayan at hindi naman kami kinakabahan na five years later may kanser na kami," pangamba ni Hilario.

Wala ring alam ang mga residente kung ang planta ang unti-unting papatay sa kanila.

Ang siste, walang kapasidad ang pamahalaan na magsuri kung may lason na ibinubuga ang planta.

Kung pumopostura ang IWMI bilang planta na may teknolohiyang pyrolis, wala pa ring makapagpapatunay. Legal at kumpleto sila sa mga dokumento at naayon sa batas ang operasyon ng planta.

   
>>> Previous Episodes