Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Sa dulong isla ng Batanes
"Sa Dulong Isla"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Mayo 8, 2006

Ulat ni Rose Eclarinal

Napakahalagang araw ito sa buhay ni Karrel Visaya. Noong araw na iyon, naghahanda ang lahat para sa kasal niya dakong 4 p.m.

Ganito raw ang tradisyon dito sa Batanes, lahat ng kaibigan at kamag-anak talagang nakatutok sa bawat detalye ng kasal.

“Mas less ‘yung preparation kasi ‘yung relatives ng both parties tumutulong talaga. Parang bayanihan,” ang sabi ni Karrel.

Sa bayan na ito, buhay na buhay pa nga ang bayanihan lalo sa okasyong tulad ng kasalan.

Sa bahay ng nobyong si Jover Vargas, lahat ng pagkain para sa handaan, niluluto na.

Ilang buwan pa bago ang okasyon, nag-alaga na sila ng baboy at baka para lang sa handaang ito. Ipiinasara ang kalye sa tapat ng kanilang bahay para sa kainan at magdamagang sayawan.

Wala pang P100,000 ang gastos sa kasalang ito para sa mahigit 500 bisita.

Natupad ang dream wedding ni Karrel sa tahimik na bayan ng Basco kung saan siya ipinanganak at nagkaisip.

* * *

Para sa mga anak ng Batanes, paraisong maituturing ang lugar na ito.

Unang narating ng mga dayuhan ang Batanes noong 1687 nang maglayag dito ang isang barko ng mga British at Dutch.

Noong 1783 dineklara ng mga Kastila na bahagi ang Batanes ng kolonya ng Espanya dahil sakop ito ng Pilipinas.

Pero mula ng panahong ito, tila naiwan nga ng pagusad ng sibilisasyon ang Batanes.

Ito kasi ang dulong isla ng Pilipinas, napalilibutan ng Pacific Ocean at China Sea.

May biruan nga rito na bukod sa magandang klima at masustansyang pagkain, kaya raw matagal ang buhay ng matatanda, napakalayo nila para maapektuhan ng mga problema ng bansa.

Isang matandang babae na kilala lang sa pangalang "Lola Maria" ang pinakamatanda diro sa Batanes. Tinatayang 114 ang edad niya.

Hindi na rin kayang susugin sa mga talaan ang petsa ng kanyang kapanganakan dahil panahon pa ng Kastila nang ipanganak siya.
Ang panganay niyang anak ay 90-taon gulang na. Ang anak na lang umano ang basehan na lampas 100 ang edad ni Lola Maria.

“Dito sa Batanes, madami talagang matatanda na umaabot ng 100. Ang mga tao dito ay hard working. Even up to age of 70 they can still go to the field and cultivate their small farm lands,” ani Amanda Fabi, presidente ng Batanes Federation of Senior Citizens.

Mahigit 16,000 lang ang populasyon ng buong Batanes.

Walang mall at walang magagarang gusali sa buong probinsya.

“Batanes kasi is isolated. Physically, ‘yung island talaga ay hiwalay eh. And for a long long time now, talagang hindi kami masyadong, hindi naming masyadong nalalaman ‘yung mga nangyayari sa labas ng Batanes," ani Demy Narag, executive director ng Ivatan Foundation for Development Communications Inc.

"Masyadong naimprint sa aming isipan na malayo kami, maliit kami, lugi kami sa mga bagong bagay… everytime na may bagong teknolohiya, bagong tao, bagong kanta, kahit anong bago, everybody seems to be excited,” dagdag niya.

Pero ito raw ang gusto ng mga tao rito, lalo na sa pag-usad ng sibilisasyon. Tila mas marami daw kakambal na problema tulad raw ng pagbabago sa magagandang asal ng mga tao.

“Palagi ko ngang sinasabi, the kind of technology that we should introduce to Batanes is a technology with a heart. Hindi lang siya ‘yung magdadala ka lang ng kahit na anong tech na ‘di mo iisipin na darating ‘yung panahon na makakaapekto talaga ito sa Batanes. Kasi just like ‘yung sa television, ‘yung sa radio, ‘yung internet, definitely magkakaroon ito ng threat, sa culture, masisira later on ang Ivatan identity,” ani Demy.

Noong 2003, iba’t ibang model ng cellular phone ang pinagkakaguluhan sa Maynila pero sa Batanes, nagkakaroon pa lang ng cell site.

Noong 1996, natikman nila ang kaunaunahang call station at nagbukas ang komunikasyon sa pamamagitan ng telepono.

Noong 1989 lang nakalasap ng serbisyo ng kuryente ang isla at may bahagi pa rin dito na walang kuryente.

Pero sa kabila ng pagiging huli sa pagusad ng teknolohiya, pinagmamalaki ito ng mga Ivatan. Hindi raw nila kailangan ng magagarang kasuotan, ang matatayog na gusali, ayos na ang makatawag lang siya sa mahal sa buhay na nasa malalayong lugar.

Para sa Ivatan Foundation for Development Communication, importante talaga na magkaroon ng daloy ng komunikasyon kaya nga sinimulan nila ang pagtatayo ng internet station sa Basco.

“It’s a technology na may kunsenya . ‘Yung teknologi na kailangan lang naming teknolohiya just for us to know what’s happening, just for us to be able to talk to our loved ones outside Batanes… para makipag-communicate sa kanila par ahindi kami masyadong malungkot,” ayon pa kay Demy.

* * *

Malalim na ang gabi, tuloy ang kasiyahan dito. Ang mga bisita ng bagong kasal na Karrel at Jover, nakikiindak na sa tradisyulan na sayaw ng mga Ivatan.

Ito na nga ang sinasabi ni Demy. Bentahe ng pagpapanatili ng kanilang kultura sa mga okasyong tulad nito, kahit mga kabataan, nakikisayaw sa lumang tugtugin.

Sa ganitong tradisyon sa sayawan, nakakaipon ng pera ang bagong kasal. Ang lahat ng lapitan ng manaynay nagbibigay ng donasyon.

Simpleng buhay sa islang hindi pa raw nilalamon ng mga dambuhalang pagbabago dala ng teknolohiya, ito raw ang buhay na pangarap ng mag-asawang Karrel at Jover.

Kung ayaw man nilang mapaunlad ang Batanes, para daw ito sa kanilang mga anak.

“Hindi mo na ma-eenjoy ang place. hindi na Batanes ‘yun, kasi ‘yun Batanes, nakilala sa pagiging peaceful. Masisira na lang dahil sa mga turista… hindi na hindi mo na maa-appraciate,” ani Karrel.

Habang nangangarap ng pag-usad at kaunlaran ang ibang bayan, ang batanes kuntento sa kanilang buhay dito sa dulo ng Pilipinas.

“ 'Yung isolation, ‘yung simplicity n’ya, ‘yung mga tao hindi materialistic. That’s what makes Batanes, Batanes. What's Ivatan, Ivatan talaga...Everything you can find in Manila you can find in Batanes, ‘yung kaugalian ng mga taga-Maynila, kaugalian na rin namin dito,” ani Demy.

   
>>> Previous Episodes