Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Kwento, katotohanan sa likod ng 'binat'
"Binat"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Mayo 29, 2006

Ulat ni Gigi Grande

Karaniwang tinatanong ng mga buntis sa mga doktor kung bawal nga ba ang maligo pagkatapos manganak.

Kahit paulit-ulit sabihin ng doktor na walang kinalaman ang tubig sa pagkabaliw, tila mahirap baguhin ang mga paniniwala na ilang dekada nang naipasa sa mga lola at ina.

* * *

Dating masiyahin si "Rosa" (di-tunay na pangalan), palangiti, palabiro at laging kasundo ng mga kamag-anak at kapitbahay.

Bagamat dinamdam niya ang pagkakatanggal sa trabaho noong Abril 2005, hindi nawala ang kanyang pag-asang makababangon muli ang kanyang pamilya.

Pero nang makilala ng The CORRESPONDENTS si Rosa, hindi pa nagsisimula ang panayam ay umiyak na siya.

Marami ang nabago kay Rosa matapos siyang manganak noong nakaraang Oktubre. Patay na ang sanggol nang isilan.

Matapos iyon, napansin ng mga kapatid ni Rosa ang kakaiba niyang kilos at pag-iisip.

Kung hindi siya umiiyak, tulala naman siya.

Ayaw na umano ni Rosa lumabas ng bahay o makipagkita sa mga kaibigan. Pakiramdam niya, lagi siyang pinag-uusapan kapag may nagtsitsismisan.

“Naging mainitin ang ulo, tapos laging nakasigaw ‘yan. Marinig lang ang konting salitang hindi maganda, feeling n’ya inaapi s’ya,” anang kanyang kapatid.

Naging mahirap din para kay Rosa ang matulog. May naririnig siyang mga boses na inuutusan siyang gumawa ng masamang bagay sa kanyang tatlong anak. Siya mismo ang nagsabi na akala niya, nababaliw na siya.

“Kung ano-anong pumapasok sa isip ko na mga gagawing masama…’yung tapusin mo na lang ang buhay mo para tapos na rin...May time na lahat sila papatayin ko bago ako para sabay-sabay kami. Parang ang hirap ng depression 'pag umabot sa iyo,” kwento ni Rosa.

Makatulog man si Rosa, mababaw at sandali lang ito.

“Minsan nagising ako na sigaw na lang [ako] nang sigaw. Kasi kailangang i-release ko dahil kung hindi, naiisip ko mabubuwang ako kasi sa karanasan kong ‘yun kasi. Hindi ko maisip kung bakit ako natanggal [sa trabaho],” dagdag ni Rosa.

“Nabinat” daw si Aling Rosa, ayon mismo sa kanya at sa kanyang mga kapatid.

Alam niyang may kinalaman ang pagkakatanggal niya sa trabaho at ang pagkamatay ng kanyang sanggol, pero binat din ang sinisisi niya sa nararamdaman sa kasalukuyan.

Hindi tiyak kung bakit nabinat si Aling Rosa, pero possible umanong may kinalaman ang minsan niyang pagbiyahe at pagkabasa sa ulan ilang linggo lang matapos manganak.

“Siguro napaaga ang ligo ko nang malamig. Kasi mahigit isang buwan pa lang ako eh naligo na ako eh. Kaya baka isa pa rin ‘yun,” kwento niya.

Sa kabila ng pangyayari, kahit minsan ay hindi nagpasuri sa psychiatrist o obstetrician-gynecologist si Rosa.

Hindi daw niya naiisip ang mga bagay na ito lalo na at kapos na kapos sa pera ang kanyang pamilya.

Binat nga ba?
Tinanong ng The CORRESPONDENTS si Rosa kung nais niyang magtungo sa National Center for Mental Health para sa libreng konsultasyon.

Sumang-ayon naman siya at pumayag ring samahan ng The CORRESPONDENTS.

Halos isang oras nag-usap si Rosa at ang doktor.

Minsan, tumatawa si Rosa. Pero minsan, siya ay umiiyak kapag naaalala niya ang naging mga karanasan noong nakaraang taon.

Normal lang daw ito, ayon sa doktor.

Posibleng may postpartum psychosis si Rosa, ayon sa doktor. Ito raw ang pinakamalalang antas ng postpartum deprerssion o matinding pagkalungkot na ang sanhi ay ang panganganak.

Ayon sa doktor, hawak ni Rosa ang lahat ng karaniwang sintomas.

“May naririnig s’yang mga hallucination, auditory hallucination, mga boses na bumubulong sa kanyan at inuutusan s’ya na gumawa ng isang bagay. Tapos nahihirapan s’ya sa pagtulog, impairment of sleep, ito’y mababaw at gumigising siya ng sumisigaw," paliwanag ni Dr. Noel Reyes.

"Hindi na s’ya nakagawa ng trabaho o kaya kahit anong functioning, occupational at social function n’ya, nagkukulong na lang s’ya sa kwarto. Ang isa pang prominenteng symptom sa kanya ay ‘yung tinatawag na persecutory thoughts," dagdag niya.

Sinabi rin ng doktor na sintomas ng karamdaman ay ang pag-aakala ni Rosa na siya ang pinag-uusapan at pinagkakaisahan ng mga tao.

Paliwanag pa ni Reyes, higit na malakas na dagok ang pagsisilang ni Rosa ng patay na sanggol.

Pero posibleng naging matindi ang kondisyon ng ginang dahil sa pagbabago ng hormone levels na nararanasan ng mga bagong panganak na ina.

“We have to understand na during pregnancy talagang may mga surge ng hormones. So maaring itong chemicals at hormones na ito ay tumulong para maging severe ‘yung dati n’yang nararamdaman,” paliwanag pa ni Reyes.

Matapos ang pagpapasuri, kinakitaan ng maayos na kondisyon si Rosa bagama't inabisuhan siya na ipinagpatuloy ang konsultasyon.

Ayon kay Reyes, kahit tila nalagpasan ni Rosa ang kondisyon sa abnormal na pag-iisip at nararamdaman, maari pang bumalik ang mga ito.

“Kung mayroon siyang previous episode, pwede itong mag-revert kung hindi ito mabibigyan ng tugmang gamot,” ani Reyes.

'Post-partum' pala
Bihira ang post-partum psychosis.

Tinatayang wala pang limang porsyento ng mga bagong panganak na ina ang nakakaranas nito.

Higit na karaniwan ang post-partum depression na maaring maranasan ng hanggang 15 porsyento ng mga bagong panganak.

Kabilang sa mga sintomas ang biglang pag-iyak o pagkatakot kahit walang dahilan.

Apektado ang pagtulog. Maaari ding makaapekto ang mga pangamba sa normal na gawain.

Pinakakaraniwan naman ang tinatawag na "post-partum blues" na maaring maranasan ng hanggang 80 porsyento ng mga bagong panganak. Ito ang bahagyang pagkalungkot o agam-agam na nawawala rin saloob ng ilang linggo. Kailangan lang, maging maunawain ang mga tao sa paligid ng bagong panganak.

“ ’Yung post-partum blues na tinatawag natin na very minimal ang symptoms. They already consider that as part of binat. Iko-corelate nila ‘yung because of things that you did, ‘yung nabasa ka ng maaga, nag-contact nang maaga, nagbuhat nang maaga," sabi ni Reyes.

"When in fact it can be attributed scientifically to the changes in hormone levels. Changes in estrogen, sa progesterone,” ayon pa sa doktor.

Kung hormones ang pinakasanhi ng postpartum blues, maraming pwedeng sanhi ang postpartum depression at postpartum psychosis.

Bukod sa hormone, maaaring may kinalaman ito sa genetics, sa mga karanasan, sa maling pagkain o sa mga tao at pangyayari sa paligid ng ina.

Posible ring may kinalaman ang impeksyon o pagkawala ng dugo o ang gamot na naibigay o hindi naibigay noong buntis pa ang ina.

Mahaba pa ang listahan ng posbileng dahilan kung bakit naiiba ang pagkilos at pag-iisip ng ina at kung bakit minsan tila o lubusang nababaliw siya.

Pero tiyak na ang paliligo, pagsusuklay, pagbabasa ng komiks, panonood ng TV, pagte-text, pagsuot ng preskong damit o paglalakad ay wala sa listahang ito.

Posibleng hindi humantong sa ganito ang kalagayan ni Rosa kung napaaga lang ang kanyang pagpapatingin sa isang OB-gynecologist o psychiatrist.

Pero marami pa ring mga Pilipino ang patuly na umaasa sa mga albularyo at manghihilot na minsan, hindi na sapat para gamutin ang malubhang kalagayan ng ina.

   
>>> Previous Episodes