Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Mga tanong na sinagot ng virgin coconut oil
"Coco-loco" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Enero 30, 2006

Ulat ni Karen Davila

Matagal nang paborito ng mga Pilipino ang niyog. Pero ngayon, higit na itong kilala sa buong mundo dahil sa kakaibang langis nito -- ang "virgin coconut oil" na tinagurian ding "miracle oil."

Tunay nga bang ito ang lunas sa sa iba't ibang mga sakit? Totoo ba ang mga pangakong dala nito?

Kapag sinabing coconut oil, karaniwang sa mga kusina ng Pilipino ito matatagpuan bilang mantika na ginagamit sa pagpiprito ng pagkain.

Ngunit sa ngayon, hindi na lang sa pagluluto ginagamit ang langis ng niyog. Ito ngayon ay iniinom nang parang gamot. Hindi basta ordinaryong langis ng niyog ito kundi ang virgin coconut oil.

Isa sa mga Pilipino na magpapatunay sa bisa ng langis ng niyog ay si "Tom" (di-tunay na pangalan).

Malungkot kung papaano nagkaroon ng AIDS si Tom, 43. Noong 1993, nagpunta siya sa Saudi Arabia para magtrabaho bilang "designer."

Pero habang nagtatrabaho roon, ginahasa siya ng anim na Arabyano sa disyerto. Iyon ang simula ng habambuhay niyang paghihinagpis.

Noong 1999, anim na taon matapos ang panggagahasa, natuklasan ni Tom na may AIDS siya. Kasunod nito, bumagsak ang timbang niya sa halos 42 kilo. Dumami rin ang mga sugat niya sa katawan at nagkaroon ng pulmonya.

Bukod dito ay bumagsak sa 72 ang "blood count" niya sa "immune system" na karaniwang 500 sa mga tao na walang sakit.

Bawat buwan, umaabot sa P65,000 ang ginagastos ni Tom para sa mga gamot.

Noong 2003, nakilala niya si dating Health Secretary Manuel Dayrit at hinimok siya na subukang inumin at ipahid sa katawan ang virgin coconut oil.

Matapos ang pagtatagpo nila ni Dayrit, sinimulang gamitin ni Tom ang virgin coconut oil. Mabilis ang naging epekto ng langis sa katawan ni Tom.

Ipinakita niya sa The CORRESPONDENTS ang naghilom na mga sugat sanhi ng pagpapahid ng langis sa tiyan at likuran. Maging ang kanyang kutis sa mukha at braso ay makinis na dahil sa pagpapahid ng langis.

Naghilom na rin ang mga impeksyon niya sa balat bunga nito.

Ipinagmalaki rin ni Tom ang blood count niya na umakyat sa 326 mula sa 72.

Kung dati ay AIDS ang sakit niya, ngayon ay positibo na lang sa HIV si Tom.

Matagal nang pinag-aaralan ng mag-amang Conrado at Manuel Dayrit na kapwa mga doktor ang virgin coconut oil.

Sabi ni Conrado, ang virgin coconut oil ay may "medium chain fatty acid" na kung tawagin ay "lauric acid" na maraming nagagawang kabutihan sa kalusugan ng tao.

Bukod sa sa langis ng niyog, ang lauric acid ay matatagpuan sa gatas ng ina.

"Mayroong antibiotic property ang [virgin coconut oil]. Pinapatay [nito] ang mikrobyo, pinapatay ang virus, pinapatay ang fungus...maraming ginagawa...," anang nakatatandang Dayrit.

Hindi mabilang ang benepisyo ng virgin coconut oil ayon sa mga librong tungkol dito na ibinebenta sa kasalukuyan,

Nakatutulong ang virgin coconut oil sa paglaban sa sakit sa puso, kanser at AIDS, diabetes, pumapatay ng bacteria, virus at fungi na sanhi ng sakit.

Pinalalakas din ng langis ng niyog ang immune system o resistensya ng tao. Maaari rin itong gamitin sa pagpapapayat at regular na pagdumi.

Laban sa sakit
Saksi rin si Rudy Siojo sa mga kabutihang dulot ng virgin coconut oil. Sa edad na 76, limang taon nang may kakaibang sakit sa atay si Siojo.

Ito ay ang "polycystic liver," isang kondisyon na unti-unting nabubulok at napupuno ng "cyst" o bukol ang atay.

Aniya, bunga ng sakit ay wala na siyang gana sa pagkain at mistulang hinihintay na lang ang sarili para bawian ng buhay.

Hindi nakumbinse si Siojo sa mga lunas ng mga doktor, isa na rito ay ang operasyon para palitan ang kanyang atay. "Sabi ko e ang tanda ko na."

Sa taimtim na pagdarasal ni Siojo, natagpuan umano niya ang libro ng doktor na Amerikano na si Bruce Fife tungkol sa kabutihang dulot ng produktog niyog sa katawan ng tao.

Binasa niya ang libro at siya mismo ang gumawa ng sariling bersyon ng virgin coconut oil.

Makalipas umano ang dalawang linggo, nakakita siya ng epekto. Bigla siyang nagkaroon ng gana sa pagkain at mula sa buto't balat na timbang na 52 kilo, bumalik siya sa mas masiglang 65.

Sa ngayon, limang taon nang umiinom ng virgin coconut oil si Siojo. Apat na kutsara ng langis ng niyog ang iniinom niya at walang kahit isang tableta ng gamot.

Sa pagpapasuri ni Siojo sa mga doktor, sinabi ng mga manggagamot na lumiit nang bahagya ang pamamaga sa atay ng pasyente bagama't naroon pa rin mga bukol nito.

Sa kabila ng kondisyon, normal na ang atay ni Siojo at mas masigla na ang takbo ng kanyang buhay.

May duda
Ngunit hindi lahat ng mga doktor sa Pilipinas ay naniniwala sa kabutihan ng virgin coconut oil. Anila, wala pa umanong sapat na pag-aaral para patunayang nakapagpapagaling ng maraming sakit ang langis ng niyog.

Isa sa mga hindi naniniwala si Dr. Ramon Abarquez ng Philippine Heart Center. Mahigit 40 taon nang espesyalista sa mga sakit sa puso si Abarquez at nangangamba siya sa mga pasyenteng umaasa lang sa virgin coconut oil sa pag-aakalang ito ang solusyon sa kanilang sakit.

"Yung [tubig ng niyog], mayroong pagsusuri na pwedeng tunawin ang [kidney stones] pero [kung ang] pinag-uusapan natin e kolesterol, na epekto sa [sakit sa puso], mahirap sabihin 'yun," sabi ni Abarquez.

Sagot ni Dr. Gary Sy, isang experto sa "herbal medicine," hindi na nakapagtataka kung bakit hindi popular ang virgin coconut oil sa ibang doktor at maging sa ibang panig ng mundo. Aniya, muli ay pulitika ang dahilan.

"Ang gamot, magandang ibigay sa taong may sakit. Pero itong virgin coconut oil at iba ang 'food supplement,' may sakit o wala [ang pasyente], pwedeng inumin," aniya.

Sa dakong huli, bagama't magkakaiba ang paniwala ng mga doktor at experto sa kabutihang dulot ng virgin coconut oil, pag-iingat at pagkonsulta sa mga manggagamot ang mahalaga.

Gayundin, kailangan ng sapat na impormasyon bilang sandata ng sinumang pasyente laban sa mga karamdaman.

   
>>> Previous Episodes