|
Ulat
ni Patrick Paez
Sa
mga araw bago niya ideklara ang batas militar noong 1972, inulan
ng mga kilos-protesta ang dating pangulong Ferdinand Marcos.
Sa
kanyang Ulat sa Bayan, maging si Marcos ay nakumbinse na kailangan
ng bansa ang malalimang pagbabago.
Inakala
ng mga nakikinig na kumbensyon para amyendahan ang Saligang Batas
ang tinutukoy ng dating pangulo. Ang iniisip pala niya, ipasara
ang Kongreso at magdeklara ng batas militar.
Araw
ng Sabado nang ideklara ang batas militar. Noong araw na iyon, walang
mapanood sa telebisyon. Sa radyo, wala ring mga programa.
Kinabukasan,
araw ng Linggo, nang humarap sa TV si Marcos. May petsang Setyembre
23 ang deklarasyon pero Setyembre 21 ang utos.
Ayon
sa mga kwento, naniniwala umano sa mga pamahiin si Marcos lalo sa
swerteng kakabit ng numerong "7." Paniwala ng marami,
idineklara noong Setyembre 21 ang batas militar dahil ang katumbas
ng tatlong 7.
Tinanggap
ng mga Pilipino nang mahinahon pero may kaunting pangamba ang batas
militar. Hanggang sa ngayon, nakatatak pa rin sa mga Pilipino ang
pagbitay kay Lim Seng, isang lider ng sindikato ng ilegal na droga.
Sa
isip ng karamihan, tama lang na masampolan ng batas militar ang
isang tulad ni Seng.
Pero
sa isang iglap, nagbago ang ihip ng hangin. Ipinagbawal ni Marcos
ang pagbiyahe ng mga mamamayan sa labas ng bansa. Sinumang mahuhuli
pagsapit ng "curfew," huhulihin ng mga pulis.
Paniwala
ng karamihan, mga kriminal at masasamang loob lang ang dapat matakot
sa batas militar.
Magaling
daw
Dalawang buwan matapos ipasara ang lahat ng mga kompanya ng diyaryo
at estasyon ng TV, namayagpag ang National Media Production Center.
Nagmumula
sa NMPC ang mga palabas at dokumentaryong pumupuri sa lahat ng "magagandang
nagagawa at programa" ng batas militar.
Sa
pamamagitan ng NMPC, nahimok ang mga peryodista at manunulat na
nawalan ng trabaho na maglingkod sa ahensya. Ang paniwala noon ay
mas mabuti nang mapasok sa NMPC kaysa mamundok ang mga manunulat.
Paniwala
ng ibang peryodista ng panahon, kung may lider na makapagpapatino
sa Pilipinas, si Marcos iyon. Anila, mayroon ding taglay na kagalingan
ni Marcos.
Para
ipakita na seryoso siya sa reporma, sinundan ni Marcos ang deklarasyon
ng bagong batas sa reporma sa lupa. Binigyan niya ng pag-asa ang
mga magsasaka na nangarap magkaroon ng sariling lupain.
Sino
ang makalilimot sa programang "Masagana 99?" Ayon dito,
99 na kaban ng palay ang maaaring anihin sa bawat ektarya ng lupang
sinasaka mula sa dating 35. Magagawa ito, pagmamalaki ng programa,
sa pamamagitan ng paggamit ng kemikal na mga abono.
Isa
lang ang Masagana 99 sa matagumpay na programa ng tinaguriang "Bagong
Lipunan" ni Marcos.
Sa
kasagsagan ng Masagana 99, nagluwas ng bigas ang Pilipinas sa ibang
bansa. Iyon lang ang panahon na naging tagapagluwas ng bigas ang
Pilipinas.
Bukod
sa Masagana 99, ibinandera rin ni Marcos ang mga proyekto ng Magat
Dam at Angat Dam bilang imbakan ng tubig na tutugon sa problema
ng mga residente ng Kalakhang Maynila at patubig sa mga sakahan
sa Luzon.
Lumago
raw
Sa pagitan ng 1974 at 1978, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas. Ang
mga taon na ito ang itinuring na masaganang yugto ng Bagong Lipunan.
Batay
sa mga datos, 7 porsyento umano ang inilago ng kabuhayan kumpara
sa 5% bago idineklara ang batas militar.
Sa
Bagong Lipunan, ipinagmalaki ni Marcos na 5% lang ng populasyon
ang walang trabaho. Ang palitan ng piso at dolyar ay nakapako lang
sa P7 kada $1.
Pero
sa loob din ng panahong, nagsimula nang lumaki ang utang ng Pilipinas.
Sa loob ng panahong ito, umutang nang umutang ang pangasiwaan ni
Marcos mula sa banyagang mga institusyon para matustusan ang kanyang
mga programa.
Sa
madaling salita, pinatikim lang ni Marcos ng kaunting pag-unlad
ang ekonomiya pero ang hindi alam ng mga Pilipino, nakasangla na
pala ang kanilang kinabukasan dahil kahit ang mga mamamayan na hindi
pa naisisilang, nakabaon na sa utang.
|