|
The
doctor is out
"The doctor is out"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, Pebrero 13, 2006
Ulat
ni Abner Mercado
Dalawang
buwan na lang ang hinihintay ni Dr. Amory Grijaldo at pansamantala
niyang iiwan ang mag-iina sa Pilipinas para makipagsapalaran sa
Estados Unidos.
Para
sa kanya, pamilya ang dahilan kung bakit tatalikuran ni Grijaldo
ang propesyon bilang doktor sa Pilipinas upang maging nars sa Johns
Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland.
Ngayon
pa lang, may hatid nang matinding pananabik para kay Grijaldo ang
kanyang paghahanda patungong Amerika.
Pinakaimportante
sa lahat ng pinaghirapan at pinaghandaan ni Grijaldo ay ang kanyang
"immigrant visa" na siyang pasaporte niya sa kaginhawahang
nais sungkitin sa Amerika.
Sa
kabila nito ay may kahalong lungkot ang napipinto niyang pagkawalay
sa kanyang asawang si Racquel at mga anak na sina Ulrich at Josh.
Bayani
Sa kanyang pag-alis, binalikan ng The CORRESPONDENTS ang bayan na
pinanggalingan ni Grijaldo sa Jomalig, Quezon, na kanyang pinaglingkuran
sa nakaraang dalawa at kalahating taon.
Noon
pang huling linggo ng Enero 2006 nagbitiw si Grijaldo bilang doktor
sa Jomalig ngunit nagbabalik siya roon habang hinihintay ang pag-alis
papuntang Amerika.
Mula
sa bayan ng Real, anim na oras ang biyahe ng bangka patungo sa isla
ng Jomalig.
Tinatayang
7,000 katao ang populasyon sa Jomalig. Pangingisda ang pangunahing
ikinabubuhay dito ng mga tao. Bagama't nakapagtatanim din ng palay,
sa dagat pa rin nakabatay ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Malayo
sa kabihasnan ang Jomalig kaya biyaya ang isang manggagamot na tulad
ni Grijaldo nang mapadpad siya sa roon.
Sa
kanyang pagbabalik, mistulang bayani na sinalubong ng mga residente
si Grijaldo.
Matapos
mabatid ng buong bayan ang pagbabalik ng kanilang doktor, dumagsa
ang mga nais magpagamot.
Alaala
ng paglisan
Sa Unibersidad ng Santo Tomas nagtamos ng Medisina si Grijaldo noong
1998. Sa pamamagitan ng programang "Doctor to the Barrios"
ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), dinala siya sa Jomalig upang maglingkod.
Sa
kabila ng lahat ng kakulangan, sinikap punan ni Grijaldo ang paglilingkod
na dinakila ng mga taga-Jomalig.
Pero
sa bandang huli, ang lahat, isa na rito si Grijaldo, ay may kanya-kanyang
pangarap na nais niyang mabigyan ng katuparan.
May
bigat sa dibdib ang desisyon iwan ni Grijaldo ang paraisong isla
ng Jomalig na itinuring na rin niyang tahanan.
Ngunit
kahit nalulungkot ay sinubukan pa ring magbiro ng doktor upang maibsan
ang nararamdaman.
Sa
gitna ng pagbibiro ni Grijaldo sa kanyang naging mga karanasan sa
Jomalig, malinaw ang hatid na lungkot ng kanyang desisyon sa mga
residente.
Gayunman,
inunawa siya ng mga taga-Jomalig dahil maayos niyang nailatag ang
nilalaman ng kanyang puso sa pagbibitiw. Naging matapang siyang
ilatag ang iba pa niyang hangarin sa buhay na kanyang binabalak
para sa pamilya.
Aminado
si Alkalde Rodel Espiritu ng Jomalig na marami ang nalungkot sa
desisyon ni Grijaldo. Ngunit sa kanyang paglisan ay hindi na kailanman
mabubura sa alaala ng mga taga-Jomalig ang bakas na iiwan ni Grijaldo
bunga ng ginawa niyang paglilingkod.
|