"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Eksena sa EDSA ikinasa, naunsyami

'The People Power that never was'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Patrick Paez

Magulo at maraming tao ang isang bahagi ng Epifanio de los Santos Avenue sa Makati noong Biyernes ng gabi, Hunyo 10.

Wala itong kinalaman sa panibagong pag-aaklas o katumbas ng "EDSA 4" kundi nakaugat sa nakabalandrang mga sasakyan ng pulisya, mga peryodista at pulitiko sa harap ng seminaryo ng San Carlos sa Guadalupe, Makati.

Nagkumpol sa harap ng seminaryo ang lahat nang mabalitaang nagtatago roon si Samuel Ong, dating pangalawang direktor ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (NBI).

Sinabi ni Ong na hawak niya ang orihinal na audio recording ng paniniktik sa pag-uusap ng Pangulong Arroyo at Komisyonado Virgilio Garcillano ng Komisyon sa Halalan (COMELEC). Nakasentro ang isyu sa tangka umano nina Arroyo at Garcillano na mandaya sa eleksyon noong 2004.

Habang nagkakagulo ang lahat sa harap ng seminaryo noong Biyernes ng gabi, dumating ang isang pangkat ng armadong mga lalaki. Sila ang pwersang ipinadala ng Malacañan para arestuhin si Ong dahil sa paniniktik umano sa Pangulo.

Pero nabigo ang plano nang mabuko sila ng mga pulitiko na nagtungo sa seminaryo para sumaklolo kay Ong.

Ngunit kung nabigo ang Malacañan, naunsyami rin ang plano ng oposisyon.

Ang binalak na People Power, nauwi sa wala sa magdamag na pagbabantay ng mga pulitiko na inakalang mauulit ang mga pangyayari sa EDSA noong 1986 at 2001.

Bago dumami ang mga tao, pumosisyon na ang mga pulis sa tapat ng seminaryo.

Sa prosesong pinairal ng mga awtoridad, lumitaw ang aral ng EDSA 3 para sa pamahalaan: bago makaporma ang mga demonstrador, inuunahan na sila ng mga pulis.

Ngunit kinabukasan Hunyo 11, araw ng Sabado, nadagdagan ang problema ng mga tao na nagbigay ng taning sa pamahalaan.

Noong umagang iyon, binisita ng byuda ni Fernando Poe Jr., si Susan Roces, ang seminaryong kinalalagyan ni Ong.

Nakisimpatya si Roces sa dating opisyal ng NBI. Pero kung inasahan ng ilan na mananawagan ang aktres sa taumbayan na magbarikada sa labas ng seminaryo, nagkamali sila dahil hindi ito ang nangyari.

Naunsyami
Sa pagtataya ng pamahalaan, ang lahat ng pangyayaring nasaksihan sa unang dalawang linggo ng Hunyo ay bahagi ng planong destabilisasyon na hahantong sa malawakang demonstrasyon. Itinakda ito sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ng mga obispo ng Simbahang Katolika na matagal nang tumutuligsa sa pamahalaan.

Sa pagpasok ng Hunyo, pumatak sa negatibo ang marka ng Pangulo ayon sa mga sarbey. Sumabit din sa isyu ng jueteng ang kanyang esposong si Jose Miguel o Mike at panganay na si Juan Miguel o Mikey.

Kinalaunan, sumabog ang eskandalo sa paniniktik mismo sa mukha ng Pangulo.

Hayagan na ang pagkagalit ng mga tao sa katiwalian sa pamahalaan. Giit ng mga kritiko ng Pangulo, hinog na umano ang sitwasyon. Pero sa bandang huli, walang nangyari.

Kung susuriin ang karanasan ng EDSA 1 at EDSA 2, hindi lahat ng mga elemento ng matagumpay na pag-aalsa ng mga mamamayan ay nasa likod ng pagkilos na nasaksihan sa Makati noong Hunyo 10.

Unang-una, walang suporta ng mga negosyante ang nabanggit na pagkilos.

Sa pananaw ng mga negosyante, nangangamba sila na madiskaril ng kaguluhan ang reporma sa ekonomiya.

Pangalawa, wala itong basbas ng Simbahang Katolika. Totoong binabatikos ng ilang mga obispo ang pamahalaan pero kahit sila, hindi pabor sa pagbibitiw ng Pangulo.

Sabi ng obispong si Deogracias Iñiguez ng Kilusan para sa Makabansang Ekonomiya, hindi sila pabor sa pagpapabagsak ng pamahalaan. Ayon sa karanasan, aniya, hindi ito ang sagot sa pagbangon ng ekonomiya.

Ikatlo, hindi rin pabor ang militar sa pangyayari. Bagama't kadalasan ay umeeksena ang militar sa bandang huli, sa kaso ng tangkang pag-aaklas nitong Hunyo ay kumilos nang mabilis ang pamahalaan.

Unang sinibak ang mga miembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines na may kinalaman sa paniniktik sa Pangulo.

Pang-apat, walang iisang lider ang oposisyon. Ayon sa mga ulat, ayaw magpadikta ni Roces. Wika nga, higit siyang matigas kaysa namayapang kabiyak at may sariling pag-iisip.

Kahit hayagan ang pagkagalit ni Roces sa Pangulo, sinabi ng aktres na hindi siya magpapagamit.

Natuto na ang Pinoy
Kinumpirma ng isang impormante ng The CORRESPONDENTS na kinausap ng mga opisyal na Amerikano si Roces. Nais nilang mabatid ang plano sa pulitika ng aktres.

Ayon sa impormante, sinabi umano ni Roces na hindi siya naniniwala na dapat ibalik sa poder ang dating pangulong Joseph Estrada.

Sa kaugnay na impormasyon, napag-alaman ding binigyan lang ng lugar na matutuluyan si Ong sa seminaryo pero walang basbas ng Simbahan ang kanyang ipinaglalaban.

Nilinaw din ni Iñiguez na hindi niya kinupkop si Ong.

Noong Sabado, dumalo ang mga aktibista sa Liwasang Bonifacio pero hindi na kakaiba ang pagtitipon. Karaniwan nang inihahayag ng mga aktibista ang pagpapatalsik ng lahat ng naging pangulo ng Pilipinas.

Walang kinalabasan ang demonstrasyon.

Sa pagtataya ng mga expertong banyaga, totoong galit ang mga Pilipino sa bulok na sistema pero nagsasawa na sila sa mga demonstrasyon at marahas na pagkilos.

Dagdag ni Guillermo Luz ng Makati Business Club, hindi ignorante ang mga Pilipino at kailangan nila ng dagdag na ebidensya para kumilos laban sa pamahalaan.

Sa dakong huli, lumilitaw na swerte pa rin ang Pangulo dahil isa pang krisis ang nalusutan niya.

Ang Pangulo na kulang umano sa karisma, palaging natatapat sa higit na popular na kalaban at nadadawit sa mga eskandalo ay nakaupo pa rin sa Malacañan pagsapit ng Lunes, Hunyo 13.

Nakatindig pa rin ang Pangulo bagama't mananatili sa isipan ng mga mamamayan ang eskandalo sa jueteng at paniniktik sa kanya, totoo man o hindi ang mga isyung ito.

Sa dakong huli, nakasalalay na ang lahat sa Pangulo kung papaano niya maibabalik ang tiwala ng mga tao at kung magagawa pa niyang pamunuan ang isang bansa na tinitiis na lang siya.

   
>>> Previous Episodes