"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Kayod-eskwela: Sakripisyo sa ngalan ng diploma

"Kayod-eskwela"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Aladin Bacolodan

DATU MONTAWAL, Maguindanao - Alas-kwatro pa lang ng umaga, gising na si Nuraida Bakar. Kasama sa kanyang responsibilidad sa bahay nila sa Pikit, Cotabao, ang paghahanda ng almusal.

Naglilinis din siya sa palibot ng bahay kahit madilim pa. Responsibilidad din niya ang pagsalok ng tubig.

Malayo ang pinagkukunan ng tubig pero ayon kay Bakar, dapat ay nakapaligo na siya bago sumikat ang araw.

Bago magbihis, kailangan din niyang itali ang alagang mga baka sa lugar na maraming damo na makakain ang mga hayop sa kanilang lugar sa Barangay Maridagao.

Pagsapit ng 5 a.m., nakabihis na si Bakar.

Sa pangamba na mahuhuli siya sa pagpasok sa klase, hindi na rin nag-aalmusal ang dalagita. Bagkus, nagbabaon na lang siya ng pagkain.

Sampung minuto ang kailangan ni Bakar upang makarating sa gilid ng ilog. Maputik ang daan kaya hindi muna niya isinusuot ang sapatos.

Sa pampang ng ilog sila nagkikita ng mga kaibigan upang mag-abang sa bangka na sasakyan patungo sa paaralan.

Walang malinaw na oras ang pagdating ng bangka kaya aniya, tsambahan lang.

Noong araw na sundan ng The CORRESPONDENTS si Bakar, 6 a.m. dumating ang bangka.

Araw-araw na paglalakbay

Ang barangay na tinitirhan ni Bakar ay isa sa pinakaliblib na lugar sa bayan ng Pikit. Matatagpuan ito sa gilid ng ilog ng Pulangi kaya para makarating sa bayan, higit na praktikal na sumakay sa bangkang de-motor.

Aabot sa dalawang oras na mahigit kapag naglakad mula Maridagao patungong bayan. Pero sa bangka, 30 minuto lang ang biyahe.

Ngunit hindi rin ganoon kabilis ang biyahe sa bangka dahil maraming hinihintuang estasyon ang paglalakbay. Ayon kay Bakar, kailangan ding sumakay ng iba pang pasahero na naghihintay sa iba pang bahagi ng ilog.

Karamihan sa mga pasahero ay tulad ni Bakar na estudyante ng Tunggol National High School (TNHS). Matatagpuan ito sa karatig bayan ng Datu Montawal.

Ang paaralan sa Tunggol ay pinakamalapit kaysa eskwelahan sa Pikit kaya dito nag-aaral ang mga tulad ni Bakar na naninirahan malapit sa pampang ng ilog.

Matapos ang biyahe sa bangka, kailangan pang maglakad ng kalahating kilometro ng mga estudyante para makarating sa bakuran ng TNHS.

Ito ang dahilan kaya malimit mahuli sa klase sina Bakar. "Minsan hindi na kami nakakasakay ng bangka. Kasi minsan 7 a.m. na dumadaan 'yung bangka, huli na kami," aniya.

Batay sa napag-alaman ng The CORRESPONDENTS, karamihan ng mga nag-aaral sa TNHS ay naninirahan sa malalayong lugar. Sa dami ng mga mag-aaral, aabot sa 900 ang bilang ng mga estudyante ng paaralan.

Sa dami ng mga estudyante, umaabot sa 80 hanggang 90 ang bilang ng mag-aaral sa bawat silid-aralan. Nabatid na 12 lang ang silid-aralan ng eskwelahan at 18 ang guro nito.


Linis-ganda

Isang araw nitong Hunyo, saksi ang The CORRESPONDENTS sa kalahating araw na klase ng TNHS. Nabatid na kanselado ang kalahating araw na klase para bunuin ng mga mag-aaral ang nalalabing oras sa paglilinis ng paaralan.

Bawal ang ganitong patakaran ayon sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Pero para sa isang paaralan na walang tagalinis, ito lang ang paraan para maging maayos ang paligid.

Bunga nito, inaabot ng gutom ang mga mag-aaral pagsapit ng tanghali.

Nakilala ng The CORRESPONDENTS sa paglilinis na ito sina Baylina Jaina, nasa unang taon sa TNHS.

Aniya, walang problema sa kanin na kakainin dahil siya ay anak ng magsasaka. Ang problema ng dalagita, ulam. Kung sino ang mahihingan niya, nakikihati na lang ang dalagita.

Kaklase ni Bakar si Jaina pero magkaiba sila ng pinasukang paaralan sa elementarya. Naninirahan sa Barangay Nabundas sa Pikit si Jaina, isang lugar na malayo pero matatagpuan din sa pampang ng ilog.

Malaking bagay para kay Jaina na makapasok sa unang taon sa mataas na paaralan dahil elementarya pa lang, pinahihinto na siya sa pag-aaral.

"Grade 5 pa po ako, sabi ng nanay ko huwag na akong mag-aral kasi walang pera. Pero sabi ko, mag-aaral ako," aniya.

Samantala, ikatlong taon na ang estudyanteng si Lencia Bangin sa TNHS. Aniya, tulad ng karanasan ni Jaina ay nahirapan din siya sa pagpapatuloy ng pag-aaral.

"Minsan 'yung nanay ko 'pag walang pera, umiiyak ako. Ayaw kong lumiban, gusto ko sa bawat pagpasok makarating ako dito kaya gagawin niya umutang na lang," sabi ni Bangin.

Ang pinoproblema ng mga estudyante ng TNHS ay hindi ang babaunin nilang pagkain o anumang luho sa katawan kundi pamasahe para makarating sa eskwelahan at makauwi kinahapunan.

Sa kanilang pag-uwi, sinamahan ng The CORRESPONDENTS sina Bakar, Jaina at Bangin.

Alas-kwatro ng hapon nang sumakay ng bangka ang mga mag-aaral. Napuno ang bangka dahil walang nais maglakad bunsod ng pagbabadya ng ulan.

Ganito ang kondisyon ng mga mag-aaral tuwing umuuwi o papasok sa eskwelahan. Swerte sila minsan dahil nakasakay sa bangka pero may pagkakataon ding sakripisyo dahil sa ulan.

May pagkakataon din na kailangan silang maglakad nang matagal para lang makapasok sa paaralan o makauwi sa bahay.

Sabi ni Bangin, "Kapag umuulan nga pati papel namin nababasa."

Kapag nabasa ng ulan ang kanilang papel, bumibili na lang ng bago ang mga mag-aaral. Pero ang damit nilang nabasa ng tubig-ulan, siya na rin nilang ipinamamasok sa eskwelahan dahil wala nang pamalit.

Sa kabila ng karanasan, higit na nais ng mga mag-aaral ang panahon ng tag-ulan kaysa tag-init.

Iyon pala, kahit may pera ang mga mag-aaral sa tag-araw, hindi sila makasakay ng bangka dahil mababaw ang tubig sa ilog.

Limang piso ang bayad ng isang estudyante sa 30-minutong biyahe o P10 sa balikan.

Pero madalas, kahit P1 ay wala silang baon kaya kahit malayo, naglalakad na lang ang mga mag-aaral.

Sakripisyo para sa eskwela

Sa Barangay Nabundas, sumama ang The CORRESPONDENTS sa pag-uwi nina Bangin at Jaina. Maputik ang daan papasok sa kanilang lugar.

Pero si Bangin, walang reklamo.

Sa bahay, nadatnan ang mga magulang at pitong kapatid ni Bangin.

Dito napag-alaman ng The CORRESPONDENTS na Grade One lang ang natapos ng ama at ina ni Bangin. Ang nakatatanda niyang kapatid na lalaki, hindi rin nakapagtapos sa mataas na paaralan.

Sa isang pamilyang Muslim, madalas ay pag-aaral ng lalaki ang naisasakripisyo dahil sila ang sumasalo sa trabaho sa bukid.

Ito ang salaysay ni Sonny, kuya ni Bangin. "Kaya ako naghinto sa pag-aaral, napag-isipan ko kailangan kong tulungan ang mga magulang ko kasi nahihirapan na sila bukid."

Ngunit pangako ng mga magulang at kapatid, igagapang nila ang pag-aaral ni Bangin.

Samantala, nakilala rin ng The CORRESPONDENTS ang pamilya ni Jaina. Siya ang ikawalo sa 14 na magkakapatid.

Siya pa lang din ang nakatuntong sa mataas na paaralan.

Hindi nakapag-aral ang mga magulang ni Jaina kaya nais nilang maiba ang tadhana ng dalagita. Ngunit nangangamba rin ang pamilya dahil sa hirap ng buhay, maaaring hindi rin makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang anak.

Sa kabila nito, determinado si Jaina. Aniya, kahit 100 ilog pa ang tatawirin ay kakayanin niya matupad lang ang pangarap na maging guro.

Sa maikling panahon na nakasama ng The CORRESPONDENTS ang tatlong mag-aaral ng TNHS, hindi nakitaan ng grupo ng pagod ang mga estudyante.

Para sa kanila, bahagi ng buhay ang araw-araw na pagsakay sa bangkang de-motor para lang makarating sa paaralan.

"Kasi walang kalsada [kaya] heto lang ang sasakyan namin para makauwi kami. Ang hirap talaga 'pag sa loob ang bahay mo na malayo sa kalsada," sabi ni Bangin.

Bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ang Maguindanao. Ayon sa pag-aaral ng DepEd, ito ang rehiyon na may pinakamababang antas ng pagkatuto sa bansa at may pinakamalubhang problema sa kalidad at estado ng edukasyon.

Pero ang alam ni Bakar, swerte siya kumpara sa iba na hindi nakaranas pumasok sa elementarya.

"Gusto ko maging titser para masabi ko sa mga bata na ganito ang naranasan ko, para sabihin ko sa kanila na kailangan nilang magsikap sa pag-aaral dahil hindi lang mayayaman ang maaaring magtapos sa pag-aaral kundi pati tulad namin," pagmamalaki niya.

Panghuli sa walong magkakapatid si Bakar. Nakapag-aral lang siya matapos ampunin ng tiyahin na guro nang makitaan ng pagsisikap sa pag-aaral. Patunay dito ang mga medalyang tinanggap ng dalagita nang magtapos na may karangalan sa elementarya.

Ayon sa tiyahing si Sinalimpang Bibla, "Naawa na rin ako sa tatay niya (Bakar). Gusto ng mga magulang niya na magbago ang buhay nila dahil ang tatay at nanay niya wala ring pinag-aralan."

Kinikilala ni Bakar ang utang loob sa tiyahin kaya pangako niyang tutumbasan ang sakripisyo kahit araw-araw pa siyang bumaybay sa mahabang ilog para lang makarating sa eskwelahan.

 

   
>>> Previous Episodes