Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Ginto at buhay
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Nobyembre 14, 2005, Lunes

Ulat nina Aladin Bacolodan at Doris Bigornia

Sino nga ang hindi makalilimot sa imahe ng tone-toneladang "mine tailings" o basura ng minang nakalalason na bumulwak sa ilog ng Boac sa Marinduque noong 1996?

Nangyari ang trahedya nang bumigay ang dam na nagkukulong sa di masukat na dami ng mga basurang naipon sa 30 taon na operasyon ng kompanyang Marcopper sa lugar.

Nakatatak ito sa kasaysayan bilang isa sa pinakamalaking trahedya sa industriya ng pagmimina sa Pilipinas na siyang sanhi ngayon ng di masukat na paghihirap ng mga Marinduqueño.

Ito rin ang bunga ng nakapanlulumong pagkasira ng kalikasan na trahedyang pinapasan pa rin hanggang sa ngayon ng mga residente kahit 10 taon na ang nagdaan.

Ang trahedya sa Marinduque ang nagbukas sa katotohanan ang bawat minahan ay may dalang panganib hindi lang sa kalikasan kundi sa mga tao na dapat sana ay nakikinabang nito.

Pero sa kabila nito, lalo pang naging bukas ang gobyerno ngayon sa mga kompanyang handang mamuhunan sa pagmimina dahil kailangan umano ng bansa ang biyayang dala nito.

Sulit nga ba ang pagkalkal sa mga kabundukan ng Pilipinas para sa ginang ng ginto at bigat ng tanso? May nagbago na nga ba sa sistema ng pagmimina ngayon sa bansa?

Trahedya sa Mogpog
Hindi maitago ang galit ng mga residente ng Barangay Mogpog sa Marinduque sa trahedyang dumating sa kanilang lugar noong 1996. Tulad ng iba pang residente, demonyo ang tingin ng mga mamamayan sa Mogpog sa Placerdome at Marcopper, kapwa mga kompanyang galing sa Canada.

Ayon sa mga residente, ang mga kompanyang ito ang nasa likod ng pagmimina ng tanso sa kanilang lugar mula 1969 hanggang 1996.

Sa pagpasok ng mga kompanya, inakala ng mga residente ng hulog ng langit ang dumating sa kanila. Paniwala nila noon, sa wakas ay gaganda na ang kanilang buhay pero kabaligtaran ang nangyari.

Ayon kay Gobernadora Carmencita Reyes, dekada na ang binilang ng pagmimina ng mga dayuhan sa Marinduque pero hanggang ngayon nananatiling mahirap ang mga Marinduqueño.

Aniya, nananatiling mahihirap ang mga mamamayan dahil sa kanila ipinagagawa ang mabibigat na trabaho habang ang mga dayuhan ang may hawak ng matataas na posisyon.

Patunay dito si Wilson Manuba na ilang taon nang may sakit sa balat dulot ng maruming tubig na nagmula sa basurahan ng minahan.

Huling nagkausap si Manuba at ang The CORRESPONDENTS noong Disyembre 2001. Noon, maliit lang ang sugat niya sa katawan na dulot ng araw-araw na pagkababad sa dagat na may lason na "arsenic."

Ngayon, malala na ang mga sugat ni Manuba. Sabi ng doktor sa bayan, ang mga sugat ni Manuba ay maaaring mauwi sa "carthosis" at kanser.

Tulad ni Manuba, may sakit din sa balat ang ama niyang si Pedro. Taong 2001 nang huling makausap ng The CORRESPONDENTS si Pedro.

Ngayong 2005, bagama't hindi nakausap ng pangkat ang matanda ay walang duda na malala na ang kondisyon niya ngayon.

Mula pagkabata, pangingisda sa Calancan Bay ang hanapbuhay ng mag-ama. Wala silang sakit noon at hindi pa rin tinatamaan ng diabetes.

Pero nang bumulwak ang mine tailings ng Marcopper na lumason sa tubig-dagat, naging kabalintunaan ang lahat sa buhay ng mag-ama.

Habang patuloy sila sa pangingisda upang may ikabuhay, unti-unti rin silang pinapatay ng nalasong dagat, tila ganti ng kalikasan sa pang-aabusong naranasan sa minahan.

Laganap na sakit
Sinasabing kung saan ang tubig, naroon ang buhay. Sa Marinduque, mahalaga sa kabuhaya ng mga tao ang mga ilog ng Boac, Mogpog at Sta. Cruz at ang kabuuan ng Calancan Bay.

Pero nang mangyari ang trahedya sa Marcopper, kinatatakutan na nila ang mga ito

" 'Pag umuulan, makikita na 'yung mga isda, lumulutang," sabi ni Beth Manggol, isang opisyal ng samahang kawanggawa sa lalawigan.

Taong 1996 nang magsara ang minahan ng Marcopper dala na rin ng matinding batikos sa naging kapabayaan ng kompanya.

Kasabay ng walang habas na pagkasira ng kalikasan, unti-unti ring napansin ang pag-usbong ng mga sakit sa balat sa mga residente sa tabi ng ilog.

Dulot ito ng mataas na bahagdan ng "cadmium" sa lupang kinatitirikan ng mga bahay sa gilid ng ilog. Ang cadmium ay nagdadala ng sakit sa balat at buto.

Ayon kay Tito Rejano, isang doktor sa lalawigan, dumarami na rin ang nagkakaroon ng anemia at leukemia, mga sakit na kapwa may kinalaman sa dugo.

Ayon sa pagsusuri ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), nabatid na mataas ang "lead content" sa dugo ng mga residente sa tabing ilog. Ang lead ay nakakaapekto sa wastong pagtatrabaho ng utak.

Bunga nito, may mga bata na naninirahan sa tabing ilog na naaantala ang paglaki at "retardate."

Mayroon ding mga bata na baliko ang daliri sa kamay at paa. May naitala ring kaso ng kanser.

Lahat sila, itinuturong dahilan ang kontaminadong tubig na sanhi ng mga sakit na ito.

Nasaan ang responsibilidad?
Pero mula nang mangyari ang trahedya, wala pang masusing pag-aaral sa naging epekto ng mine tailings sa kalusugan ng mga residente. Kaya hanggang ngayon hindi inaako ng Marcopper ang responsibilidad.

Hindi roon nagtatapos ang perwisyong dulot ng minahan dahil hanggang ngayon may nakaumang pang panganib.

Pangamba ng mga residente, kapag bumaha, lahat ng dumi ng minahan na naiipon sa Manguila Dam ay mapupunta sa ilog.

Ang nabanggit na dam ay ginawa ng Placerdome at Marcopper noong may operasyon pa ang mga kompanya sa Mogpog.

Ang dam ay itinalaga na pansala ng tubig para hindi bumaba sa bayan ang dumi ng minahan. Pero nang magsara ang mga minahan, naiwan na nakatiwangwang ang dam.

Ang mga pasaning ito ang dahilan kung bakit naghanap ng abogado ang lalawigan.

Si Walter Scott ay kilalang "environmental lawyer" sa Estados Unidos. Pinag-aralan niya ang pinsala ng Marcopper sa Marinduque at kumbinsido siyang dapat magbayad ng danyos perwisyo ang kompanya.

Noong Oktubre, inilahad niya ang bilyon-pisong "class suit" ng mga Marinduqueño sa isang korte sa Las Vegas, Nevada.

Hanggang ngayon ay patuloy sa pangangalap ng ebidensya si Scott at sa bawat pasada niya, naniniwala ang abogado na may laban ang kanilang kaso.

Kasabay ng laban sa korte, nananalangin ang mga Marinduqueño. Likas na madalasalin ang mga Marinduqueño.Sa nangyari na mistulang salot sa kanilang lugar, mangangailangan sila ng matinding dasalan para makabangon muli. Ayaw nilang kaawaan ang sarili pero hindi pa rin mawala ang pagkabahala.

Kaya ngayon ay nagtatanong sila: sa pagbubukas ng mga minahang bago, ano ang garantiya na hindi