"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 




Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni ROSE ECLARINAL

Unang anibersaryo ng EDSA 2 nang magpaunlak ng panayam ang Pangulong Gloria Arroyo sa The CORRESPONDENTS noong Enero 21, 2002.

Tatlong taon na ang nakalilipas mula ang panayam na iyon pero mistulang isang dekada na ang nagdaan.

Ang mga kakampi dati ng Pangulo, ngayon ay kaaway na niya. Ang mga kaaway dati, kaibigan ngayon.

Sa panayam na iyon noong 2002, ipinagmalaki ng Pangulo na hindi nakikialam ang pamilya niya sa mga usapin at transaksyon ng gobyerno.

Noong mga panahong iyon, nanunuyo ang Pangulo matapos mapatalsik sa pwesto ang dating pangulong Joseph Estrada.

Ngayong 2005, bunsod ng kaliwa't kanan na eskandalo, hindi lang umano panunuyo ang kailangang gawin ng Pangulo. Dapat, anang mga kritiko niya, bumaba na rin siya sa pwesto.

Sa sarbey ng Social Weather Stations mula Hunyo 28-30, 2005, 59 porsyento ng mga mamamayan na tinanong sa Kalakhang Maynila ang nagsabing naniniwala sila na nandaya ang Pangulo noong eleksyon ng 2004.

Samantala, 29 porsyento ng mga tinanong ang nagsabing nangyari lang ang pakikipag-usap ng Pangulo sa telepono sa interes na pangalagaan ang kanyang mga boto.

Sa kabilang dako, 48 porsyento ng mga tinanong ang nagsabing maliit na lang ang tiwala nila sa pamamalakad ng Pangulo.

Sa panayam noong 2002, sinabi ng Pangulo: "Wala akong pinagsisihan. Nagdedesisyon ako ayon sa pinakamabuting mangyayari."

Pero ngayon, nagsusumano ng kapatawaran ang Pangulo. Aniya: "Paumanhin sa pagkakamali."

Sabi ng sarbey

Bago pa makaladkad ang pangalan ng Pangulo at ng kanyang pamilya sa mga kontrobersya tulad ng jueteng at "Gloriagate," sadsad na ang kanyang grado sa mga sarbey. Patunay dito ang mga sarbey ng SWS at Pulse Asia.

Sabi ng mga kritiko, palpak na pamamahala sa pananalapi ng bayan ang isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng grado ng Pangulo at ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Propesor Leonor Briones ng UP, higit pang lulubha ang sitwasyon kung hindi bababa sa pwesto ang Pangulo.

Si Briones ay dating ingat yaman ng bansa sa panahon ni Estrada.

Aniya, sa kanyang karanasan bilang ingat yaman, hindi madaling makakuha ng suportang pinansyal ang pamahalaan kung alanganin ang kredibilidad ng Pangulo. Kung ganito ang sitwasyon, sabi ni Briones, walang dayuhang institusyon na magpapautang sa Pilipinas.

"Paano sasabihin mo sa World Bank at iba pa kung ang Pangulo sasabihin na walang kaso, tuloy ang trabaho?"

Ganito ang pananaw ni Briones mula sa akademya.

Pero kahit ang huntahan ng mga drayber ng taxi na nakapayam ng The CORRESPONDENTS, tungkol pa rin sa pagpapatalsik sa Pangulo ang paksa. Bukod dito, laman din ng mga usapan ang pandaraya umano ni Gng. Arroyo noong eleksyon ng 2004.

Sampung taon nang drayber si Alfred Urbano. Hindi niya inakala na matapos magretiro bilang tripulante sa ibayong dagat, kayod-marino pa rin ang gagawin niya.

Madali ang buhay noong dekada '80 nang kasagsagan ng trabaho ni Urbano kumpara sa kasalukuyan. May punto siya.

Tulad na lang noong 2004, ang palitan ng piso sa dolyar ay 54:1. Sa pagpasok ng 2005, 56:1 na.

Mahirap ito para kay Urbano. Aniya, "Mahirap ang drayber ng taxi pero kailangang magtiis kaysa wala."

Kung may mapapasukan lang na iba, nakipagsapalaran na siya, sabi ni Urbano. Tapos siya ng kolehiyo sa kursong marine transportation pero tanong ni Urbano, paano siya makikipagkumpetensya sa mga kabataan sa edad niyang 56?

'Yon ang sabi ng mga numero

Batay sa mga estadistika, tumaas ang bahagdan ng mga Pilipino na walang trabaho ngayong 2005. Samantala, ang mga katatapos lang ng kolehiyo na walang trabaho, umaaabot na sa mahigit isang milyon.

Sa kaso ni Urbano, hindi na kailangang tingnan pa ang mga numero at ikumpara ang sarili sa estadistika.

Sa 24 oras na trabaho bilang drayber, P700 lang ang kinikita ni Urbano.

Para makatipid, umuuwi ng bahay ni Urbano tuwing tanghali para kumain. Siya na rin ang namamalengke.

Ang gastos niya sa isang araw, umaabot sa P44 para sa dalawang kilong bigas, P90 sa isang kilo ng bangus at P140 sa isang kilo ng karne.

Kasama na ang rekadong gulay, umaabot sa kabuuang P400 ang gastos niya. Wala pa rito ang baon sa eskwela ng lima niyang anak.

Bunga ng malaking gastos, kadalasan ay pritong itlog na lang ang ulam ni Urbano para makatipid.

'Eto ang sabi namin, sabi nila

Hindi rin kaiba sa hinaing ni Urbano ang reklamo ng mahihirap na mamamayan sa lungsod.

Anilm, lugmok na sila sa kahirapan kaya kailangan ng pagbabago.

Ayon sa komunidad ng mga iskwater sa Barangay North Triangle sa Lungsod Quezon, pagbabago ang kailangan nila.

Sabi ni Noli Pacquia, "' Yung paghingi niya ng tawad, inamin niya na dinaya niya si Fernando Poe." Sa komunidad na tinitirhan ni Pacquia nagmula ang bulto ng mga sumugod noong 2001 sa tinaguriang EDSA 3.

Noong araw na makapanayam ng The CORRESPONDENTS si Pacquia, naghahanda siya at iba pang kapitbahay para dumalo sa demonstrasyon noong Hunyo 1, 2005 sa Makati sa ngalan ng oposisyon at pagpapatalsik sa Pangulo.

Sabi ni Edwin Nakpil, walang pangkat na nagbayad sa kanila para magtungo sa Makati. Sa katunayan, aniya, nag-ambagan sila ng pera para may pambili ng pagkain sakaling abutin sila ng gabi sa Makati.

Samantala, ayon sa mga lider ng oposisyon, unti-unti na umanong nabubuo ang pwersa ng kampo ni Estrada at mga kapanalig ni Poe.

Ayon kay Rep. Francis Escudero ng Sorsogon, unti-unti nang nabubuo ang oposisyon.

Ngunit nilinaw niya na hindi pinagkakaisahan ng oposisyon si Gng. Arroyo.

Mula sa panig ng mga aktibista, hiling nila ay patalsikin na ang Pangulo at palitan ng koalisyon ng rebolusyonaryong gobyerno.

Anila, reporma sa sistema ang kailangan ngayon.

Sabi ni Francisco Nemenzo, dating pangulo ng UP, "Ang aming paninindigan ay simple lang. Una, magbitiw siya (Arroyo), pangalawa, hindi sapat na si Noli (de Castro) ang pumalit."

Sa pananaw ng pangkat ni Nemenzo, maaari lang makamit ang reporma kung magkakaroon ng rebolusyonaryong pamahalaan na hindi nakasalalay sa Saligang Batas.

Sagot ng mga negosyante, peligroso ang pagpapalit ng pamunuan ng bansa.

Ani Guillermo Luz ng Makati Business Club (MBC), "Nais namin na masunod ang nakasaad sa batas at proseso."

Bwelta ni Nemenzo, dapat ay magkaroon ng gobyerno na hindi palagiang nakasunod sa interes ng MBC. Dapat, aniya, magkaroon ng gobyerno na tutugon sa sistema at pangangailangan ng mahihirap na Pilipino.

Dagdag niya, kailangan ng mga tao tulad ni Susan Roces sa mga panahong ito. Aniya, kailangan ng mga Pilipino ang karisma ng lider tulad ni Roces, byuda ni Poe.

"Si Susan Roces, hindi sabit sa tradisyunal na pulitika. Kailangan natin ng lider na may karisma," aniya.

Pero bahagyang preno rin ang binatawan ni Nemenzo at sinabing pagdating sa pagpili ng lider, kailangang ang kolektibo pa rin ang magdedesisyon.

   
>>> Previous Episodes