"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 


'Gloria: Krisis sa palasyo'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat nina Karen Davila, Gigi Grande,
Rose Eclarinal at Abner Mercado

Sa pagsapit ng hatinggabi noong Hulyo 8, nalampasan ni Pangulong Arroyo ang isa pang unos sa kanyang panunungkulan.

Ngunit ayon sa kanyang mga kritiko, hindi ito nangahulugan na tapos na ang mga panawagan para magbitiw siya sa pwesto.

Nagsimula ang dagundong noong Huwebes, Hulyo 7, matapos kumalat ang mga usap-usapan na nalalapit nang magbitiw sa tungkulin si Gng. Arroyo.

Pero pagsapit ng gabing iyon, nagpahayag sa radyo ang Pangulo at sinabing "Hindi ako magbibitiw sa pwesto."

Sa halip, nanawagan siya sa mga miembro ng Gabinete na sila ang magbitiw. Anang Pangulo, ganito ang panawagan niya upang mabigyan ng pagkakataon na balasahin at maorganisa ang Gabinete.

Pero sabi ng mga kritiko, sadyang inunahan umano ng Pangulo ang isang grupo ng mga opisyal na balak magbitiw sa Gabinete. Anila, malaking dagok sa Pangulo kung mauunahan siyang mag-anunsyo sa pagbibitiw ng mga opisyal.

Noong Biyernes, Hulyo 8, hinarap ng walong kalihim sa Gabinete, mga tagapayo ng Pangulo at dalawang hepe ng mga ahensya ang mga mamamahayag.

Nanawagan silang magbitiw sa pwesto ang Pangulo at magbigay-daan sa Bise-Presidente Noli de Castro para pumalit sa kanyang pwesto.

Sa talumpating binasa, sinabi ni dating finance secretary Cesar Purisima na: "At the core of these concerns are the issues of leadership and credibility, the ability of our President to continue to lead and govern our country with the trust and confidence of our people."

Bukod kay Purisima, kabilang sa mga opisyal na bumaligtad ang ilan na malalapit sa Pangulo tulad nina Budget Secretary Emilia Boncodin, presidential peace adviser Teresita Deles at Social Welfare Secretary Corazon "Dinky" Soliman.

Ikinagulat ng marami ang ginawa ng mga opisyal, lalo na si Soliman na noon lang Hulyo 1 ay nakapanayam ng The CORRESPONDENTS.

Aniya, " The Cabinet is united, we discuss and talk, we have different perspectives but we stand as one behind the President and the decisions that she makes."

Matapos ang anunsyo nina Purisima, hindi nag-aksaya ng panahon ang ibang miembro ng Gabinete sa paghahayag ng suporta sa Pangulo.

Wala pang tatlong oras ang nakalilipas mula nang magsalita si Purisima, nagpatawag ng sariling pulong sa Malacañan ang mga opisyal na kampi sa Pangulo. Kabilang sa mga dumalo ang mga miembro ng Gabinete na sumusuporta kay Gng. Arroyo.

Dumating din si House Speaker Jose de Venecia at mga opisyal ng asosasyon ng mga alkalde sa buong bansa.

Ayon kay Environment Secretary Michael Defensor, nagulat sila sa ginawa ng pangkat ni Purisima. Aniya, taliwas ito sa mga payo nina Purisima dahil sila pa ang unang nag-udyok sa Pangulo na umamin na kanya ang boses sa "Gloriagate tapes."

'Sorry na nga e'
Malaking bagay para sa Pangulo ng bansa na humingi ng paumanhin para sa pagkakamali tulad ng ginawa niya noong Hunyo 27.

Bunga nito, matapos ang pag-amin ay hinarana siya ng mga miembro ng Gabinete at inabutan pa ng mga bulaklak.

Pero sa sumunod na mga araw, malinaw na lalong nakasama sa Pangulo ang pagtatapat niya tungkol sa eskandalo. Dumami pa ang nagprotesta laban sa kanya sa mga kalye.

Sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, sa kanilang pagtataya ay sadyang nagplano ang grupo ni Purisima para pabagsakin ang Pangulo.

Sa katunayan, nilapitan umano ng kampo ni Purisima ang iba pang miembro ng Gabinete para kumbinsihin sila na makiisa sa panawagang magbitiw si Gng. Arroyo.

Ngunit kung ikinagulat ng ibang miembro ng Gabinete ang ginawa ng mga kasamahan nila, hindi umano natinag ang Pangulo. Ayon sa mga ulat, matagal na niyang alam na may binabalak ang grupo ni Purisima.

Hindi na rin nagulat ang Pangulo, sabi ng malalapit sa kanya, nang nanawagan ang dating pangulong Corazon Aquino para sa kanyang pagbibitiw.

Batay sa mga ulat, bago nagsalita si Gng. Aquino noong Hulyo 8 ay nagkausap na sila ng Pangulo.

Sa pagsasalita ni Gng. Aquino, inakala ng lahat na tapos na ang mga araw ng Pangulo sa Malacañan.

Nagsalita rin ang Makati Business Club, ang maimpluwensyang pangkat ng mga negosyante, para umalis na si Gng. Arroyo.

Samantala, sa Malacañan, laganap ang mga biruan at pustahan kung aalis o hindi ang Pangulo.


Ang dami-dami?
Noong Biyernes na iyon, bumuhos ang mga demonstrador sa Makati. Nagmula sila sa iba't ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Anang mga demonstrador na nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, ang araw na iyon ang pinakahihintay nila nang bumaligtad ang pinagkakatiwalaang Gabinete ng Pangulo.

Pero isang linggo pa lang ang nakalilipas, noong Hulyo 1, ganito rin ang eksenang nakita sa Makati. Pangako nila, hindi magtatapos ang protesta sa kalsada habang hindi bumababa sa pwesto ang Pangulo.

Sabi ni Edwin Nakpil ng Kasama Pilipinas, "Ito ang pangalawang bwelo ng pagpunta namin dito."

Panawagan din ni San Juan Mayor JV Ejercito: "Kung may kaunti pa siyang pagmamahal sa bayan, bumaba na po kayo Mrs. President."

"Talagang hindi namin titigilan ang panawagan na 'Gloria bumaba na' pati na rin si Noli," giit ng aktor na si Rez Cortez.

Samantala, naglantaran ang mga tagasuporta ng yumaong si Fernando Poe Jr. at inudyukan ang mga mamamayan na sumugod sa Malacañan.

Ngunit pinigil sila ni Conrad Poe na kapatid ng yumaong aktor. "Ang gusto lang naman ni FPJ, 'yung hiniling siya ng mga tao na maluklok, ang gusto lang niya makita na lumaban siya nang tapat."

Noong Biyernes na iyon, sabi ng mga organisador ng demonstrasyon, magdamag silang mamamalagi sa Makati. Pero pagkagat ng dilim, nakikiusap na ang komedyanteng si Niño Muhlach sa mga tao.

Aniya, "Hindi po natin matatalo si Gloria kung aalis tayo."

Unahan lang 'yan
Nakumpirma noong Biyernes na iyon na inunahan ng Pangulo ang mga miembro ng Gabinete na nais tumiwalag sa pwesto.

Pero noong Biyernes na iyon, isang bagay lang ang natiyak: maraming trabaho sa gobyerno ang nahinto.

Sa tanggapan ni Soliman sa Department of Social Welfare and Development, sinabi ng mga empleado na hindi sila makapagtrabaho. Anila, lahat sila ay nag-aabang sa mga mangyayari.

Anang mga empleado, sa isip nila ay nagsimula na ang "EDSA 4" noong araw na iyon.

Noong araw na iyon, naglaban ang mga pulong at pagpapatawag ng mga mamamahayag. Bawat panig, may kanyang pahayag at paliwanag na ibinigay. Bawat panig, may kanyang posisyon sa isyu.

Bawat panig, may sariling posisyon, pagbatikos at pagsuporta sa Pangulo.

Sa isang bansa na nasanay sa mapanood sa telebisyon ang pagpapalit ng lider ng gobyerno, ito na ang sinasabing kabayaran.

Binanatan ng mga loyalista ng Pangulo ang nagbitiw na mga miembro ng Gabinete.

Sagot ng oposisyon, bilang na ang mga araw ng Pangulo.

Pero taliwas sa inaasahan, hindi kumapal ang tao sa Makati noong Hulyo 8. Bago sumapit ang 9 p.m., tahimik na muli ang Ayala Avenue.

   
>>> Previous Episodes