|
Ulat
ni Patrick Paez
Pambihira
ang mga pagkakataong maaabangan at makukunan ng camera ang pagbagsak
ng isang gusali. Pero ito ang nangyari noong Hulyo 23, 2004, nang
saksihan ng The CORRESPONDENTS ang pagbagsak ng gusaling
SAI sa Binondo, Maynila.
Wika
nga, mistulang eksena sa pelikulang Hollywood ang pagguho ng gusaling
lilimang taon pa lang naitatayo.
Bukod
sa mga mamamahayag na sinuwerte sa dami ng ibabalita, himala rin
ang nangyari para sa mga naninirahan sa gusali dahil walang nasaktan
o nadamay sa pagguho.
Umaga
pa lang noong araw na iyon ay naabisuhan na ang mga residente na
lisanin ang gusali at ang katabi nitong mga istruktura.
Swerte
rin ang mga opisyal ng pamahalaang lokal dahil kung hindi, trahedya
ang kahihinatnan ng pagbagsak ng gusaling ito.
Pero
kung ang isang gusali tulad ng SAI na lilimang taon pa lang ang
edad ay gumuho na, papaano pa kaya ang antigong mga istrukturang
nagkalat sa Maynila?
Ito
ang mga gusaling pinamumugaran ng mga tao na walang matirhan, walang
masiksikan pagsapit ng gabi.
Bagama't
iniisip ng mga tao na mayroon silang mahihigaan pagsapit ng gabi,
lingid sa iba sa kanila ay kamatayan ang kanilang kasiping sa mga
gusali na kaunting ihip na lang ng hangin, bibigay na.
Malinaw
na guguho na
Bunga ng nasaksihan sa Binondo, sinadya ng The CORRESPONDENTS
ang Engineering Office ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Ang pakay
ng grupo ay magtanong hinggil sa mga gusali sa lungsod na nanganganib
nang magiba.
Ayon
sa mga opisyal ng tanggapan, nagkalat ang ganitong mga gusali sa
kalye Linao, distrito ng Paco.
Sa
kalumaan ng mga bahay, hindi na halos makilala ang mga ito dahil
sa pinagtagpi-tagping mga yero at plywood.
Ang
isang bahay na mayroong dalawang palapag, ginawan ng paraan upang
maging apat. Bukod dito, kabi-kabila rin ang dagdag na kwarto kaya
ang bahay, nagmukha nang barong-barong.
Isa
sa mga nakapanayam ng The CORRESPONDENTS sa Paco ay isang
matandang babaeng tumangging magbigay ng pangalan.
Kitang-kita
sa mukha ng matanda ang kaba nang mabatid niyang bumisita doon ang
grupo dahil sa utos ng pamahalaang lokal na ipagiba na ang tinitirhan
ng matanda.
Anang
matanda, isang taon na silang inaabisuhan na maghanap ng ibang matitirhan.
Tatlumpung taon nang naninirahan sa bulok na bahay ang matanda.
Hindi
na kailangan pang bumisita ang isang enhenyero sa mga bahay sa Paco
para mapagtanto na hindi papasa ang mga ito sa pamantayan para sa
tibay ng gusali at kaligtasan nito sa sunog.
Pero
ang nakatutuwa lang isipin, ang mga gusaling kondenado tulad ng
mga bahay sa Paco ay nananatiling nakatayo. Pero ang gusaling SAI
sa Binondo na limang taon pa lang ay bumagsak na.
Sa dinami-dami ng gusali
Tinatayang 50 mga gusali sa Maynila ang nakapailalim sa utos ng
pamahalaang lokal para gibain dahil sa labis na katandaan ng mga
ito.
Ang
may-ari na mismo ng mga gusali ang humiling sa mga awtoridad na
ipagiba na ang kanilang ari-arian. Kadalasan, ang lumang mga bahay
at gusali na tinitirhan ng mga iskwater ang nauuna sa listahan.
Isa
na rito ang gusaling pag-aari ni Francisco Tan sa kalye San Nicolas
sa Binondo.
Sa
gusali ni Tan, may mga pamilyang nagbabayad ng renta para doon manirahan.
Tatlong libo ang renta ng bawat pamilya.
Pero
hindi na sumisingil ang negosyante. Aniya, higit na madali ang magpalayas
ng kasera kapag hindi nagbabayad ng renta.
Sa
panayam ng The CORRESPONDENTS, nabanggit ni Tan na nais niyang
magpatayo ng bagong gusali o paradahan ng mga sasakyan.
Bukod
sa gusaling pag-aari ni Tan, may iba pang antigong mga istruktura
sa San Nicolas. Karamihan sa mga ito ay mga bahay na itinayo may
ilang dekada na ang nakalilipas.
Matapos
mapakinabangan, nilisan na ang mga bahay na ito ng dating mga residente
at ngayon ay tinitirhan ng mga kasera.
Ang
bahay na kondenado at malapit nang gumuho, pinarerentahan pa.
Pero
kung sa ibang bansa, itinuturing na yaman ng kultura ang antigong
mga bahay, dumarating ang pagkakataon sa mga negosyanteng Pilipino
na ipinagigiba nila ang pag-aari.
Desisyon
ito ng mga negosyante upang magamit at mapagyaman muli nila ang
lupaing kinatitirikan ng bahay.
Giit
ng mga tao na naninirahan sa ganitong uri ng istruktura, hindi sila
mga iskwater. Pero ang katotohanan ay hindi nalalayo ang kalagayan
nila sa tunay na mga iskwater.
Tulad
ng karaniwang iskwater, ang mga naninirahan sa mga gusaling kondenado
ay nagbabayad din ng renta.
Tanggap
ng mga residenteng nakausap ng The CORRESPONDENTS ang katotohanan
na wala silang mahahabol sa kanilang tinitirhan.
Pero
tuwing paaalisin sila ng may-ari ng gusali, hindi pa rin maiiwasang
magkaroon ng bangayan at tensyon.
|