Luisita: Sistema sa hacienda sa paglipas ng panahon
 

"Hacienda Luisita: Kanino ba talaga?"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat nina Patrick Paez at Gigi Grande

Anim na libong ektarya ang lupaing sumasakop sa Hacienda Luisita sa Tarlac. Sakop nito ang 11 barangay at apat na bayan sa lalawigan.

Pero hindi lang mga taniman ng tubo ang makikita sa hacienda kundi modernong "golf course" na dinarayo ng mga manlalarong Hapones at Koreano.

Mayroon ding mga "hotel" at "shopping mall" dito at mga pabrika ng malalaking kompanya.

Samantala, sa isang bahagi ng hacienda ay makikita ang mga mansyon ng mga Cojuangco, ang pamilyang may-ari ng lupain. Bukod sa mga mansyon, mayroon ding mga subdibisyon na ipinangalan sa bawat isang anak ng may-ari ng hacienda.

Sa di-kalayuan, matatanaw ang manukan at alagaan ng manok-panabong, na pag-aari rin ng pamilya.

Pero lingid pa rin sa kaalaman ng marami kung ano ang Hacienda Luisita at sino ang may-ari nito.

Batay sa kasaysayan ng hacienda, binili ito ni Don Jose Cojuangco at ang katabing Central Azucarera de Tarlac sa mga Kastila sa halagang P16 na milyon.

Ayon sa mga usap-usapan, hindi na umano makayanan ng mga Kastila ang pagrerebelde ng mga magsasakang Pilipino.

Si Cojuangco o "Don Pepe" ang ama ng dating pangulong Corazon Aquino at Tarlac Rep. Jose Cojuangco Jr. Siya rin ang biyenan ng dating senador Benigno Aquino at lolo ng mga aktres na sina Mikee Cojuangco at Kris Aquino.

Noong dekada '50, milyon-milyong piso ang kinikita ng azucarera pero simple lang ang buhay ng mga naninirahan doon. Iilan lang ang mga manggagawa at maraming trabaho para sa kanila na mapagkukunan ng ikabubuhay.

Mula kasaganaan hanggang kahirapan
Sabi ng mga residenteng nakausap ng The CORRESPONDENTS, noong mga panahon ng kasaganaan ay madalas maglibot si Don Pepe sa hacienda gamit ang kanyang bisikleta.

Sinumang manggagawa na kanyang makasalubong ay kanyang kinakausap at kinukumusta.

Pitong taon pa lang si "Aling Biring" (di-tunay na pangalan) noong una niyang masilayan si Don Pepe sa simbahan.

Aniya, tuwing Pasko matapos ang misa ay may sorpresa si Don Pepe para sa mga bata tulad ng pagkain at regalo.

Kwento ni Biring, noong mga panahong iyon kahit papaano ay pamilya ang turing ni Don Pepe sa mga manggagawang tulad niya na ipinanganak sa loob ng hacienda.

Bukod sa regalo tuwing Pasko, may libre pang asukal at bigas na ipinamamahagi sa kanila.

Sa hacienda na rin ipinanganak at nagkaisip si "Mang Fernando" at maganda rin ang kanyang mga alaala kay Don Pepe.

Aniya, tuwing may espesyal na okasyon ay iniuutos ni Don Pepe ang pagpapalabas nang libre ng pelikula para malibang ang mga bata.

Bukod dito, hindi rin napapabayaan ng pamunuan ng hacienda ang sinumang nagkakasakit. Bukod sa libreng gamot, may ipinagkakaloob na tulong pinansyal si Don Pepe sa mga residente.

Ngunit paglipas ng mga panahon, tumanda rin si Don Pepe at noong 1976, marami ang nalungkot sa kanyang pagpanaw.

Kasunod nito, humalili ang mga anak ni Don Pepe sa pamamahala sa hacienda.

Noong hawakan ng mga anak ni Don Pepe ang pamamahala sa hacienda, nagbago na ang lahat, ayon kay Biring. Ang bigas at asukal na ipinagkakaloob sa kanila nang libre ay sinimulan nang pabayaran.

Nahinto rin ang pamimigay ng mga regalo sa mga bata.

Apat na dekada nang nagtatrabaho sa hacienda si "Mang Herman." Aniya, iba ang pamamahala ng kasalukuyang henerasyon ng mga Cojuangco kumpara kay Don Pepe.

Sabi ni Herman, ang kinikita ng katulad niyang trabahador ay hindi na kasinglaki noong panahon ni Don Pepe. Ang mga pribilehiyo ay limitado na rin.

Pero bago pa pumanaw si Don Pepe, nagsimula nang magbago ang kapalaran ng hacienda at ng azucarera.

Noong panahon ng batas militar, mula sa isa sa pinakamatagumpay na mga kompanya sa bansa ay unti-unting bumagsak ang hacienda dahil sa pagbulusok ng kinikita nito.

Ayon kay Herman, galit ang dating pangulong Ferdinand Marcos sa pamilya ni Ninoy Aquino kaya nahinto ang mga pautang sa lahat ng kompanyang may kaugnayan sa hacienda.

Higit pang naapektuhan ang hacienda nang bawasan ng Amerika ang asukal na inaangkat nito sa Pilipinas.

Kaya ang mga pamilya ng mga manggagawa na dati nang naghihirap ay lalo pang nalugmok.

Kwento ni "Aling Leoning," ang meryenda nila ay dahon ng sinegwelas na nilagyan ng asin upang magroon ng lasa. Hindi rin siya nakaranas ng kasayahan o pamamasyal noong mga panahong iyon.

Sa labis na kahirapan sa trabaho, ani Leoning, halos mabali na ang likod ng kanyang mga magulang sa pagtatanim at pagkakarga ng mga tubo sa trak. Sa kabila nito, hindi pa rin sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang para sa pamilya.

Pagkatapos ng trabaho sa bukid, namumulot pa ang kanyang mga magulang ng mga butil ng palay sa kalye upang may maiuwi sa hapag-kainan.

Hindi rin nakaranas si Leoning ng pagtulog sa kutson o tumira sa bahay na may kuryente dahil kahit minsan ay hindi sila pinagmalasakitan ng mga anak ni Don Pepe.

Kung noong panahon ni Don Pepe ay limang araw ang trabaho ng mga manggagawa, pagsapit ng dekada '70 at sumunod pang mga taon ay swerte nang makapagtanim o makapagtabas ng tubo ang mga trabahador ng dalawang beses kada linggo.

Ano ba ang dapat?
Sariwa sa alaala ng mga manggagawa sa hacienda ang mga salita ng dating pangulong Corazon Aquino noong 1987. Sabi ng dating pangulo, "land reform is long overdue."

Sakaling mapagtibay ng Kongreso ang batas para sa reporma sa lupa, nangako ang dating pangulo na susundin niya ito.

Maging ang pinaslang na kabiyak ng dating pangulo, si Ninoy, ay pabor na ipamahagi sa mga magsasaka ang 6,000 ektaryang hacienda. Ang dating senador ay minsan ding naging tagapamahala ng hacienda.

Bahagi ng ipinambili ng hacienda noong 1958 ay inutang ng pamilya Cojuangco mula sa Central Bank at Government Service Insurance System.

Pinautang ng pamahalaan ang mga Cojuangco sa paniniwalang higit na makikinabang ang mga magsasaka kapag napunta sa mga Pilipino ang pamamahala ng hacienda na dating pag-aari ng mga Kastila.

Batay sa kasunduan ng pautang, dapat ay ipinagbili ng mga Cojuangco sa mga magsasaka nang walang tubo ang mga lupain.

Ngunit hindi ito nangyari dahil hindi umano mga magsasaka kundi simpleng manggagawang bukid lang ang mga trabahador sa hacienda.

Noong 1980, idinemanda ng pamahalaang Marcos ang mga Cojuangco para pilitin silang ipatupad ang kasunduan ng pagpapautang.

Noong 1985, bumaba ang desisyon ng korte pabor sa mga trabahador.

Noong 1986, naupo sa Malacañan ang isang Cojuangco, sa katauhan ni Gng. Corazon Cojuangco Aquino. Sa loob ng kanyang panunungkulan, hindi naipatupad ang utos ng korte.

Sabi ni Vigor Mendoza na abogado ng mga Cojuangco, binaligtad umano ng korte ang naunang desisyon.

Dagdag pa rito ang kawalan umano ng interes ng Central Bank at GSIS sa kaso.

Sa loob ng anim na taon na panunungkulan ni Gng. Aquino, naisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program ngunit hindi pa rin ito sinunod sa hacienda.

Sa halip, nagpatupad ng "stock distribution option" kung saan 66 porsyento ng hacienda ay maiiwan sa mga Cojuangco sa pamamagitan ng Luisita Corporation at ang nalalabing bahagi ay ipamamahagi sa mga magsasaka.

Ang lahat ng ito ay nangyari noong pangulo ng Pilipinas si Corazon Cojuangco Aquino.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com