"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Mga Pinoy tampok sa totoong 'Koreanobela'
'Anyong Haseyo' (Mga Istoryang Pinoy Mula Korea)
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Abner Mercado

SEOUL - Sa lugar ng Itae Won sa Seoul, South Korea, natagpuan at nakilala ng The CORRESPONDENTS si Edna Calesa, 34, at tubong Pasay sa Pilipinas.

Nagtatrabaho si Calesa bilang yaya ng isang pamilyang Amerikano. Ang amo niyang lalaki ay sundalong Amerikano na nagtatrabaho sa karatig na base militar ng Amerika.

Samantala, ang amo niyang babae ay tubong Subic, Zambales at minsan nang nanirahan sa base militar ng Amerikano sa Japan.

Gawaing bahay at yaya ang trabaho ni Calesa. Aniya, maraming beses na siyang nakapasok sa South Korea pero pawang turista at hindi legal na trabahador ang visa na hawak niya.

Sabi ng babae, hindi na niya iniisip kung legal o ilegal ang pamamalagi niya sa bansa. Ang mahalaga, aniya, kumikita siya ng salapi na hindi niya masusweldo sa Pilipinas.

Sa umaga, pagluluto ng almusal para sa among babae at alagang bata ang inaatupag ni Calesa. Matapos ito, igagayak niya ang bata para ipasyal at dalhin sa kalapit na gusali na kinalalagyan ng day care center doon.

Sa mga oras ng paglilibang, matatagpuan si Calesa at iba pang mga Pilipino sa Haebang Chon na kinalalagyan ng Seoul International Baptist Church.

Tulad ni Calesa, dito nagtutungo ang mga yayang Pilipino. Ang iba sa kanila, may regular na trabaho habang ang iba ay minsanan lang magkaroon ng hanapbuhay.

Lahat sila, may kanya-kanyang kwentong iniwan sa Pilipinas.

Kwento ni Calesa, nakipagsapalaran siya sa South Korea alang-alang sa anak na maysakit. Aniya, kung may pagkakataon lang sa Pilipinas para kumita ng pera, hindi niya iiwanan ang anak.

Mabuting pakikitungo
Maganda ang reputasyon ng mga yayang Pilipino sa paningin ng dayuhan nilang mga amo.

Isa sa mga dayuhang nakilala ng The CORRESPONDENTS si Willike Van Oijen ng Netherlands. Hindi pa nakararating sa Pilipinas si Van Oijen pero mayroon na siyang impresyon sa bansa.

Nais niyang makabisita sa Pilipinas dahil mababait ang mga tao ayon sa pagkakakilala sa kanyang yaya.

Samantala, habang kaumpukan ang iba pang mga yaya, sinasamantala ni Calesa ang pagkakataon upang kausapin ang iba pang dayuhan na maaari niyang mapasukan sa trabaho.

Ganito ang pakikipagsapalaran at sakripisyong ginagawa ng mga tulad ni Calesa sa South Korea sa paghahanap ng kabuhayan para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.

'Koreanobela'
Sa tinuluyang hotel ng The CORRESPONDENTS sa Ichon, nakilala ng grupo ang mag-asawang Gener at Grace Salunson, kapwa nagmula sa lalawigan ng Tarlac. Edad 38 si Gener habang 28 ang kanyang maybahay.

Anang mag-asawa, pangalawang biyahe na nila ito sa South Korea. Una silang sumabak sa buhay-Korea noong 2001.

Ayon kay Grace, nagpasya silang magtungo sa South Korea dahil malupit umano ang kompetisyon sa Pilipinas at mahihirapan silang makipagsabayan sa talento ng pag-awit.

Nakilala rin ng The CORRESPONDENTS ang mag-asawang Ricardo at Resie Bueza, kapwa tubong Bicol. Anang mag-asawa, malungkot ang South Korea para sa kanila.

Anila, malaking sweldo lang ang dahilan kaya sila nagtitiis sa South Korea. Pangako ng mag-asawa, huling biyahe na nila sa South Korea at matapos iyon, hindi na sila babalik.

Samantala, "TNT" o tago nang tago ang istorya ni Erlinda Dalde. Pumasok siyang turista sa South Korea para makapagtrabaho sa pabrika.

Nagmula sa lalawigan ng Biliran si Dalde at tatlong taon na siya rito. Ang asawang Amerikanong si Thomas Samuels ang nagsalba sa kanya para makakawala sa pagiging TNT.

Taon ng 2002 nang mapadpad sa South Korea si Dalde. Habang nagtatrabaho sa pabrika, nadisgrasya siya nang maipit ang braso sa makita.

Pero ngayon, maayos na ang katayuan ni Dalde. Matapos mag-asawa, nagkaroon sila ng anak ni Samuels, si Joshua na isang taong gulang na ngayon.

Sabi ni Dalde, higit sa magandang kabuhayan ang nakamit niya sa South Korea. Aniya, sa bansang ito niya natagpuan ang kapalarang sa panaginip lang inasam.

   
>>> Previous Episodes