Henyo sa musika: Karaniwang bata, kakaibang talento
 

"Batang henyo"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Ulat ni Karen Davila

Makikita sa Barangay San Miguel sa bayan ng San Antonio, Zambales ang isang lugar ng mga estudyante.

Sa unang tingin ay iisiping mansyon na nakatayo sa loob ng isang hacienda ang lugar. Pero ang tunay na yaman nito ay wala sa kanyang hitsura kundi sa mga batang dumadalaw dito, mga bata na tinaguriang mga "henyo" ng musika.

Tuwing Sabado ng umaga, napupuno ang lugar na ito ng tinawatag na "gifted children" tulad ni C.J. Molina. Isa si Molina sa mga iskolar ng "casa" o paaralang ito.

Mahirap na pamilya ang pinagmulan ni Molina pero dahil sa kakaibang talento niya sa pagtugtog ng cello ay libre ang pag-aaral niya sa paaralang ito.

Aminado ang bata na mamahalin ang uri ng kanyang instrumento at hindi akma para sa kinikita ng amang magsasaka. Pero aniya, naiisip din niyang balang araw ay iaahon ng instrumentong ito mula sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Palaisipan kung saan nakuha ni Molina ang talento niya sa pagtugtog ng cello. Wala ni isa man sa mga magulang niya ang musikero. Hindi rin siya nahilig sa musika noong bata pa siya.

Ngunit nang masubukan niya ang pagtugtog ng cello sa casa, nakahiligan ni Molina ang instrumento at lumabas bigla ang angking galing ng estudyante.

Ang gamit na instrumento ni Molina ay pahiram lang sa kanya ng eskwelahan. Sa halagang P35,000 bawat isa, hindi makakayanan ng mga magulang ni Molina na ibili siya ng sariling instrumento.

Maling kaisipan, baguhin
Ayon kay Coke Bolipata, tagapagtatag ng Casa San Miguel, mali ang kaisipan ng marami na para lang sa mayaman ang pagtugtog ng mga instrumentong tulad ng cello at violin.

Aniya, ang eskwelahang ito ay patunay na maaaring kayanin ng karaniwang tao ang pagtugtog ng mga instrumentong ito kahit hindi sila mayayaman.

Tulad ng mga estudyante sa casa, maituturing ding henyo si Bolipata. Sa katunayan, 12 anyos pa lang siya nang manalo sa isang patimpalak sa musika. Kaya tulad ng kanyang mga estudyante, si Bolipata rin ay isang "gifted child."

Sa kabila nito, ang itinuturing ni Bolipata bilang tagumpay ng buhay ay ang papel niya sa paghubog ng talento ng mga mag-aaral.

Naniniwala si Bolipata na higit na mainam kung habang bata pa ay mapaunlad na ang talento ng mag-aaral.

Mula Maynila, nagtungo sa Zambales si Bolipata at pilit ibinaba ang musikang klasikal sa hanay ng mga mamamayan sa bawat barangay.

Ani Bolipata, naniniwala siyang maaaring may nagtatago na henyo tulad ni Mozart at Beethoven kahit sa maralitang mga lugar.

Hindi namimili ng mga estudyante si Bolipata dahil kahit sinong bata na nais mag-aral, tinatanggap niya.

Pampaalis ng pagod
Nasaksihan ng The CORRESPONDENTS ang programa ni Bolipata. Kung tutuusin, mahirap na para sa ilan na tugtugin sa violin ang awiting "Twinkle, Twinkle, Little Star."

Pero nagagawa rin ng mga bata na tugtugin ang higit na kumplikadong mga piyesa tulad ng "Summer" ng kompositor na si Vivaldi na karaniwang tinutugtog ng matatandang musikero at beterano na sa musika.

Sa ganitong mga pagkakataon lumalakas ang loob ni Molina at lalong nahahasa ang angkin niyang talento.

Hindi madali noong una para sa mga magulang ni Molina na suportahan ang hilig ng kanilang anak. Ngunit itinuturing ni Gng. Eva Molina na isang responsibilidad na hasain ang talento ng anak.

Simpleng maybahay ang ina ni Molina. Upang makatulong sa pangmatrikula ng anak, tumatanggap siya ng damit para tahiin. Tumutulong din siya sa pagtitinda ng gular na inaani ng asawa sa bukid.

Walang radyo o telebisyon sa bahay ng pamilya Molina. Tanging tunog lang ng cello ni Molina at violin ng kapatid niyang si Jeremy ang umaalingawngaw sa sira nilang kisame.

Ito ang pampaalis ng pagod ni Gng. Molina. Aniya, mapakinggan lang niya ang "konsyerto" ng dalawang anak habang siya ay nananahi, ayos na.

Walang mahirap, walang mayaman
Sa Zambales, walang mahirap o mayaman pagdating sa musika. Violin ang karaniwang sakay ng mga traysikel dito o di kaya ay bitbit ng mga batang maliliit.

Isa sa kanila si Joven Aquisap, 9. Tulad ni Molina, iskolar din ng casa si Aquisap.

Tulad ng mga magulang ni Molina, nagagalak din ang mga magulang ni Aquisap kapag sinabing "gifted child" ang anak nila.

Maaaring may pinagmanahan si Aquisap dahil musikero dati sa banda ang kanyang amang si Benny. Pero ayon sa ama, ni minsan ay hindi siya nakapag-aral nang pormal na musika.

Ayon sa ama, instrumentong trombone ang hawak niya dati sa banda. Ang hindi niya alam, ang hilig niya sa trombone noon ay mauuwi sa violin ng kanyang anak ngayon.

Sa tulong ng iisang ilaw sa kanilang bahay, nagbabasa ng mga nota ng piyesa si Aquisap. Sa kabila nito, dalawang oras pa rin kung mag-ensayo ang bata araw-araw.

Ayon sa mga magulang ni Aquisap, musmos pa lang ang kanilang anak nang madiskubre ang hilig sa pagtugtog ng violin. Kinalaunan, nahasa ang natural na talas ng tainga ng bata sa musika.

Kung titingnan ay ordinaryong bata lang si Aquisap na nakasuot ng salawal, kamiseta at tsinelas kapag nagtutungo sa casa.

Pero sa kaunti pang tiyaga, umaasa ang mga magulang ng bata at si Bolipata na pagdating ng araw ay tatanghalin na siyang maestro ng violin.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com