|
Nitong unang linggo ng Hulyo, hinanap ng The CORRESPONDENTS
sa Makati ang tanggapan ng Anglo-European Services malapit sa kanto
ng kalye Solchuaga at Pasong Tamo. Isa itong ahensya na nagpapadala
ng mga manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan, partikular sa
Iraq.
Sa tanggapan ng ahensyang ito, pasado 5 p.m. na pero wala pa ring
umaalis sa mga tao na ilang buwan nang naghihintay na matawag ang
kanilang pangalan.
Lahat sila, nag-uunahan na makapunta at makapagtrabaho sa Iraq.
Ang ilan sa mga aplikanteng nakapanayam ng The CORRESPONDENTS,
nagpasaring sa Pangulong Arroyo. Anila, dapat ay payagan na silang
umalis ng Pilipinas patungong Iraq.
Sa kasalukuyan, Iraq ang itinuturing na pinakamapanganib na lugar
sa buong mundo.
Sa mga aplikanteng nakausap ng The CORRESPONDENTS, hindi
pagmamalabis sabihin na kaunti na lang, kakapit na sila sa patalim.
Pero ang siste, hindi sila nangangamba na matulad sa sinapit ni
Angelo de la Cruz.
Si de la Cruz ang Pilipinong drayber ng trak sa Saudi Arabia na
nabihag ng mga rebeldeng Iraqi habang nagbibiyahe ng krudo sa Iraq
noong Hulyo 7.
Biyaheng Iraq
Buwan ng Setyembre 2003 nang magsimulang magpadala ng mga manggagapang
Pilipino ang Anglo-European sa Iraq. Ayon sa impormasyong nakuha
ng The CORRESPONDENTS, mga kompanyang Briton ang kliyente
ng ahensyang ito.
Madali lang ang proseso ng pagpapalakad ng ahensya, ayon sa mga
aplikante.
Una, walang "placement fee" o bayad para makaalis ang
isang aplikante. Ikalawa, walang bayad sa pagpapasuring medikal.
Sagot din ng kompanyang Briton ang pamasahe ng aplikante kapag
natanggap siya. Sasagutin din ng kompanya ang gastos sa pagkain
at tutuluyang bahay o lugar ng trabahador.
Kaya nga tuwang-tuwa ang isang aplikante kapag natanggap siya dahil
ang sweldong naglalaro sa $500 hanggang $800 kada buwan ay hindi
na mababawasan.
Sabi ng mga aplikante, minsan lang ang ganitong pagkakataon.
Pero problema nila ang 51 mga tropang Pilipino. Bunga umano ng
pagpapadala ng pamahalaang Pilipinas ng tropa sa Iraq, namemeligro
ang buhay ng tinatayang 4,000 mga manggagawang Pilipino roon.
Hindi na bago ang hangarin ng mga aplikanteng nakausap ng The
CORRESPONDENTS. Matagal nang nagtutungo sa Iraq ang mga manggagawang
Pilipino.
Sa ilalim ng rehimen ni Saddam Hussein, isa ang Iraq sa modernong
mga bansa sa Gitnang Silangan.
Siyempre pa, mga Pilipino ang nagpawis sa mga proyekto at konstruksyon
ng mga kalsada at gusali. Wika nga, malamang sa hindi ay mga Pilipino
ang gumawa ng matitibay na kalsada sa bansa.
Pero nabaldado ang Iraq dahil sa magkasunod na mga gera noong dekada
'90 at noong 2003. Banat ng mga pwersang Amerikano, si Saddam umano
ang may pakana ng mga digmaang ito.
Ngunit hindi ibig sabihin na nagsasaya ang mga Iraqi dahil napatalsik
ng mga Amerikano si Saddam. Ang siste, ang iba sa kanila ay hindi
rin natutuwa sa pamamalagi ng mga Amerikano sa Iraq.
Isa sa mga nakasaksi ng katotohanang ito si Herbert Docena ng Iraq
Occupation Watch. Dalawang buwan nanirahan sa Iraq si Docena.
Sa loob ng panahong ito, napatunayan niyang naniniwala ang ordinaryong
Iraqi na pinag-iinteresan ng mga Amerikano ang reserbang langis
ng Iraq.
Aniya, nadamay na rin ang mga tropang Pilipino sa pagkagalit ng
mga Iraqi dahil inaakala ng mga mamamayan na kasama sa pwersang
umookupa sa kanilang bansa ang mga sundalo, pulis at nars na ipinadala
ng pamahalaang Pilipinas.
Biyayang Kano
Halos lahat ng mga Pilipinong napadpad sa Iraq sa nakalipas na dalawang
taon ay nagtatrabaho sa mga base militar ng mga Amerikano.
Sabi ng mga aplikante sa Anglo-European, ligtas umano sa loob ng
mga base.
Kahit pinatigil ng pamahalaang Pilipinas ang pagpapadala ng mga
manggagawa sa Iraq, tuloy ang pagpoproseso ng mga aplikante sa kanilang
mga dokumento sa pag-asang makakakuha ng trabaho at sweldong dolyar.
Sa kabila nito, hindi natitinag ang mga aplikante. Sa katunayan,
nagtitiis sila ng pagod at puyat kahit umabot ng 3 a.m., mainterbyu
lang ng mga opisyal ng ahensya.
Sa dami ng mga aplikante, Lunes hanggang Sabado ay bukas ang opisina
ng Anglo-European.
Ang ilan sa mga aplikanteng nakausap ng The CORRESPONDENTS,
pabalik-balik sa ahensya. Karamihan sa kanila ay nanggaling pa sa
mga lalawigan.
Dakong 3 a.m., bumalik ang The CORRESPONDENTS sa tanggapan
ng Anglo-European. Naroon pa rin ang mga aplikante.
Isa sa kanila si Crisanto Miranda na "kabalen" ni de
la Cruz sa Mexico, Pampanga. Anang aplikante, naghihintay pa rin
siyang mainterbyu para sa trabaho. Malaki ang pag-asa ni Miranda
dahil may nakapagsabi sa kanyang siya na ang susunod sa interbyu
pagsapit ng 10 a.m. pero wala pa itong katiyakan.
Isinama ni Miranda ang The CORRESPONDENTS sa bahay niya
sa Mexico. Anang lalaki, ang bahay na kanilang tinitirhan ang tangi
niyang naipundar matapos makapagtrabaho sa Gitnang Silangan.
Taon ng 1991 pa nang huling magtrabaho si Miranda. Sa pagitan ng
taon na iyon at sa kasalukuyan, sumisingit siya ng trabaho sa kanilang
munisipyo.
Ito lang ang nagagawa ni Miranda na tulong sa asawang nagtatrabaho
para buhayin ang kanyang limang anak.
Kwento ni Miranda, bago sumiklab ang digmaang Iran-Iraq noong dekada
'80, drayber siya ng isang kompanya sa Iraq. Bukod dito, naging
bahagi rin si Miranda ng grupo na gumawa ng mga "bomb shelter"
ni Saddam.
Sa bisa ng karanasang ito, sinabi ni Miranda na hindi siya natatakot
bumalik sa Iraq kahit alam niyang delikado ang kalagayan ng mga
drayber dahil sila lagi ang puntirya ng mga kidnaper.
Sa kabila nito, giit ni Miranda, mabuti nang sumugal sa Iraq kaysa
mamatay sa gutom na walang kalaban-laban sa Pilipinas.
Malinaw ang peligro
Iyan ang sabi ni Miranda.
Iba ang pananaw ni Ghing Soliman, manggagawa dati sa Iraq.
Tatlong beses sa isang linggo kung magpahilot si Soliman sa ospital
ng Saint Luke's sa Lungsod Quezon.
Ito ang bunga ng pagkakabalda ng isang bahagi ng katawan ni Soliman
makaraang pasabugan ng mortar ang pinagtatrabahuhan niyang bodega
sa Iraq noong Mayo.
Masaklap din ang kapalaran ni Francisco Pagkalinawan sa Iraq. Aniya,
siya at hindi si de la Cruz ang unang Pilipino na nabihag sa Iraq.
Tulad ni de la Cruz, drayber din ng trak si Pagkalinawan. Tulad
ni de la Cruz, binantaan din ng mga kidnaper na pupugutan nila si
Pagkalinawan.
Pero pinalaya rin kinalaunan si Pagkalinawan.
Hindi nagtapos kay Pagkalinawan ang pambibihag ng mga rebeldeng
Iraqi. Matapos si Pagkalinawan, dalawang Amerikano at isang Koreano
ang binihag ng mga rebelde. Lahat sila, pinugutan.
Payo ng isang experto, dapat ay nakita ng pamahalaan ang mga pangyayaring
ito.
Sabi ni Julkipli Wadi ng Institute of Islamic Studies ng Unibersidad
ng Pilipinas-Diliman, negatibo ang epekto para sa mga manggagawang
Pilipino ng pagpapadala ng mga tropa ng pamahalaan sa Iraq.
Sa mga panahong ito na hindi pa nalalasap ng Pangulo ang tagumpay
niya sa eleksyon, nahaharap na siya sa matinding pagsubok.
Hindi basta simpleng pagsubok ang kaharap ngayon ng Pangulo kundi
naiipit siya sa nag-uumpugang mga bato. Sino ba ang pagbibigyan
niya? Ang mga Amerikano o mga manggagawang Pilipino?
Noong sumalakay ang Amerika sa Iraq, nabuhay muli ang nakatulog
na relasyon ng Pilipinas at Amerika nang magpasya si Gng. Arroyo
na kampihan ang mga pwersa na sumugod upang patalsikin sa poder
si Saddam.
Ngayon, ang Pilipinas na nakalimutan nang mag-alsa balutan ang
Amerika noong dekada '90 sa dating Clark Air Base at Subic Naval
Base, paborito na muli.
Tawag pa nga ng Pangulong George W. Bush sa Pilipinas, "major
non-NATO (North Atlantic Treaty Organization) ally."
Ito ang dahilan kung bakit tumatanggap muli ang Pilipinas ngayon
ng mga armas militar at sobrang kagamitan mula sa mga pwersang Amerikano.
Paniwala ng mga kritiko ng pamahalaan, ang relasyong Pilipinas-Amerika
ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga trabahong naghihintay
sa mga Pilipino sa Iraq, partikular sa mga base militar ng Amerika.
Kaya pangamba ng mga aplikante ng Anglo-European, hindi kaya bawiin
ng Amerika ang trabaho kapag kumalas ang Pilipinas sa "Coalition
of the Willing" ni Bush?
Ngunit ayon sa mga kritiko ng Pangulo, higit na masama ang epekto
kung mananatili ang Pilipinas sa koalisyon dahil lahat ng mga kalaban
ng Amerika, makakalaban din ng mga Pilipino.
|