"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Isyu, swerte sa 'huling biyahe'
'Huling biyahe?' Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Gigi Grande

Siya na siguro ang pinakasikat na matandang dalaga sa kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas.

Sa katunayan, sa sobrang kasikatan niya, 16 na taon matapos mawala ang programang "Iskul Bukol" na pinagtampukan niya, nananatili pa rin sa bokabularyo ng mga Pilipino si "Miss Tapia."

Sa paligid ay tiyak na mayroon pang mga kalahi si Miss Tapia pero mistulang unti-unti na silang nawawala.

Ang siste, iba na ang anyo ng tinatawag na "old maid" o mga babae na edad 30 anyos pataas at hindi pa nag-aasawa. Sila na ngayon ay matatalino, tagumpay at masaya sa buhay, mga bagay na malayong malayo kay Miss Tapia.

Ang totoo, pilit na ginawang hindi kaakit-akit ang hitsura ng aktres na si Mely Tagasa sa telebisyon bilang Miss Tapia.

"Noong panahon na 'yun, basta nakapusod, nakasalamin, mahaba ang manggas, matandang dalaga na, basta masungit, ayaw sa lalaki at tinatawag na Miss Tapia," sabi ni Tagasa.

Nilikha ang karakter na Miss Tapia ng dibuhista at manunulat na si Ronnie Santiago noong dekada '70. Sa telebisyon, edad 35 si Miss Tapia.

Isinalamin ng karakter niya ang tingin ng publiko noon sa mga babae na may edad pero wala pang asawa.

Ayon kay Tagasa, sa komiks na "Baltic and Co." at sa "Iskul Bukol," magkakapareho ang mga katangian ni Miss Tapia: masungit pero naghahanap din ng pagmamahal."

Napamahal sa publiko ang nakatatawang karakter ni Miss Tapia sa telebisyon.

Pero sa totoong buhay, may negatibong imahen na nakadikit sa matandang dalaga.

Ang sabi-sabi ng matatanda, ang mga babae na may edad na at wala pang asawa ay mga aswang o mangkukulam. Sila rin ay nagiging sawa sa gabi o di kaya ay may sumpa.

Walang magkagusto

Noong araw, edad 17 o 18 ay nag-aasawa na ang babae. Kaya ang mga babae na wala pang asawa pagtuntong edad 30, pinagtatawanan dahil walang magkagustong lalaki. Wika nga, masungit kaya hindi "napipitas."

Pero sa halip na ituring na isinumpa, maaari ring isipin na swerte ang matatandang dalaga noong araw.

Una, karamihan sa mga babae na tumandang dalaga o may edad na nang mag-asawa ay nagmula sa mga "de buena familia."

Sila ang mga babae na may mga pagkakataon na pagkatapos ng kolehiyo ay nag-aral pa o bumiyahe sa ibang bansa o di kaya ay nagpatakbo ng negosyo.

Nito ngang nakaraang mga dekada, lumakas na ang pakikipaglaban sa karapatan ng mga babae. Hindi nagpahuli rito ang mga Pilipina.

Sinikap ng higit na nakararaming Pilipina na makapag-aral. Bunga ng edukasyon, nagkaroon sila ng pagkakataong pasukin ang higit na maraming uri ng propesyon at kumita nang mas malaki.

Hindi na rin sila nagpatali sa bahay bilang asawa o ina.

Kasabay ng paglakas ng karapatan ng mga babae, unti-unting dumami ang mga katulad nila na nasa edad 30 pataas na pero hindi pa nag-aasawa.

Noong 1980, siyam na porsiyento lang ng mga babaeng nasa edad 30 pataas ang hindi pa nag-aasawa. Pero sa pagtatala ng National Statistics Office (NSO) noong taong 2000, umabot na ito sa 11 porsiyento.

Hindi na rin sila nagmula sa mga de buena familia. Sila ay mga babae na nakapag-aral o may pagkakataong obserbahan ang kultura sa ibang bansa, tulad ng mga manggagawang migrante na nagpasyang ipagpaliban muna ang pag-aasawa.

Mayroon ding iba na higit na pinili na huwag munang mag-asawa para higit na matulungan ang mga magulang at kapatid.

Iyan ang akala n'yo

Marami ang mag-aakala na mas maraming Pilipinong babae ang walang asawa kaysa lalaki. Pero mula sa isang linggong pananaliksik ng The CORRESPONDENTS, natuklasan na higit na maraming binatang Pilipino kaysa dalaga.

Ayon sa tala ng NSO, noong taong 2000 ay mayroong 100 dalaga sa bawat 133 binata. Karamihan sa mga binata ay nasa pagitan ng edad 30 at 44.

Dagdag pa rito, natuklasan din ng The CORRESPONDENTS na noong 1980, siyam na porsiyento lang ng lalaki na nasa edad 30 pataas ang wala pang asawa.

Pero ngayon, 14 na porsiyento ng mga binata ay matatagpuan sa edad 30 pataas.

Dalawa ang teoryang nabuo sa pananaliksik tungkol dito.

Una, mas tanggap na ng lipunan ang tinatawag na "third sex" kaya higit na ang bilang ng tinatawag na mga "bakla" sa bansa, hindi lang sa hanay ng mga lalaki kundi maging sa mga babae na nakikipagrelasyon sa katulad na kasarian.

Pangalawa, sadyang pinipili ng mga lalaki na huwag na munang mag-asawa.

Higit na kinakatigan ng mga dalubhasa sa UP Population Institute ang ikalawang dahilan.

Ayon sa mga lalaki na nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, marami nang pwedeng gawin ngayon kumpara noon.

Kumpara noon, ang isang lalaki na nakipagnobya ay magpapakasal na agad. Pero ngayon, ang isang lalaki na nakipagnobya ay pwede pang magpalipas ng panahon at ipagpatuloy ang pagiging binata.

Pagdating sa usaping sekswal, dati, ang pakikipagtalik sa babae ay ginagawa lang matapos ang kasal. Pero ngayon, higit nang bukas ang isip ng mga binata at dalaga pagdating sa usaping ito.

Ngunit higit sa dalawang nabanggit na dahilan, mayroon pang pangatlo. Ito ay totoo, hindi lang para sa mga lalaki kundi maging sa mga babae.

Minsan, kahit gusto na ng isang tao na mag-asawa, wala ito sa kanyang kontrol.

Napag-alaman ito ng The CORRESPONDENTS sa isang tindahan ng libro sa Maynila. May mga pagkakataong hindi lang ang mga aklat na tinda rito ang sinisilip ng mga mamimili kundi pati na rin ang gwapo at matangkad na may-ari nito.

Wala pang asawa ang negosyanteng si Jaime Daez, nasa kalagitnaan ng liyebo 30, wika nga.

Nagmula si Daez sa malaking pamilya. Pinangarap niyang magkaroon ng maraming anak, tipong walo hanggang 10.

Kaya nga, binalak niyang mag-asawa nang maaga.

Pero ang siste, hindi lahat ng plano ng isang tao ay nagkakatotoo.

Sa kaso ni Daez, palagi siyang abala sa trabaho. Hindi rin siya mahilig lumabas at makihalubilo sa iba. Pero balang araw, umaasa siya na makikilala ang babaeng pakakasalan niya.

'Mama's boy kasi'

Hindi nag-iisa si Daez. Sa iba't ibang bahagi ng mundo, tanggap na ang pag-aasawa ay inihuhuli ng mga lalaki kaysa babae.

Pero sa Pilipinas, hindi pa rin nawawala ang lumang pag-iisip ng mga tao. Dito, ang mga gwapong binata ay inaakalang bakla, "mama's boy" o "playboy."

Sabi ni Daez, wala siya sa tatlong kategoryang nabanggit. "I mean, to each his own and for me, you can never stop what people say."

Kung si Daez ay hindi pa nakikilala ang babaeng pakakasalan niya, si Martin Bernardo, 38, minsan nang nakilala ang babaeng para sa kanya. Siya ay ang "beauty queen" na si Miriam Quiambao.

Niyaya ni Bernardo na pakasalan ang nobyang si Quiambao noong 2001. Ayon kay Bernardo, anim na taon na ang relasyon nila kaya inisip niya na tutungo na ito sa altar.

Mismong si Quiambao ang nag-anunsyo sa publiko na balak nilang magpakasal ni Bernardo.

Pero bago ang araw ng kasal, naghiwalay ang dalawa.

Limang taon matapos ang paghihiwalay, nakita ni Bernardo na nakabuti ito para sa kanya. Pinasok niya ang ibang trabaho at gumanda ang kanyang karera.

Marami rin siyang natutunan tungkol sa sarili.

"Bagamat may plano ako, kapag 'di natupad, ibig sabihin may ibang bagay na dapat kong unahin muna," aniya.

Sa ngayon ay may bago nang nobya si Bernardo. Sa kabila nito ay batid niya na may posibilidad pa ring tumanda siyang nag-iisa.

"Tinanggap ko na rin na kung hindi ako mag-aasawa, meron pa ring makabuluhang mangyayari sa buhay ko," aniya.

Pangarap na natupad

Samantala, umabot ang abogadong si Ferdie Fernandez sa edad 42 nang hindi nag-aasawa. Aniya, bago ang edad na iyon ay gustong gusto na niyang mag-asawa.

Ang problema, wala siyang pera.

Nagmula sa mahirap na pamilya si Fernandez. Aniya, pinangarap niya na kung magkakaroon siya ng pamilya ay ayaw niyang maranasan ng asawa at anak ang pinagdaanan.

Bunga nito, nagplano siya na mag-aral muna, maging abogado at kumita nang malaki.

Sinikap niyang pagsabayin ang magtrabaho sa umaga at mag-aral sa gabi. Wala siyang naging nobya hanggang sa naabot niya ang pangarap.

Bunga ng sipag at tiyaga, hindi lang naging abogado si Fernandez. Nakilala at pinakasalan din niya ang babaeng pinapangarap niya.

Ikinasal si Fernandez noong 2004. Nagulat ang ilang kaibigan dahil akala nila, hindi na magpapakasal ang binatang abogado.

Ang pinakasalan niya ay ang dating kaklase.

Katuparan ng pangarap ng dating pobreng si Fernandez ang maibigay sa asawang si Millet ang pinapangarap na kasal.

Apatnapu't tatlong taon na si Fernandez habang 36 anyos ang kanyang asawa. Hindi sila nagsisisi na nag-asawa nang may edad na.

Kung bata pa lang ay nag-asawa na si Fernandez, posibleng hindi siya natapos ng abogasya at hindi naging maganda ang kapalaran niya.

Kung bata pa lang ay nag-asawa na si Millet, maaaring hindi niya lubusang naalagaan ang kanyang nagkasakit na ama bago pumanaw.

Ang totoo, minsang nang kinantiyawan si Millet na "matandang dalaga."

Pero malayo sa kanyang isipan ang pagpapakasal dahil abala siya sa sariling negosyo. Dagdag pa rito, lahat ng kanyang kaibigan ay pawang mga dalaga.

Isipin ang biological clock

Batid ng lahat ng mga binata at dalaga ang tungkol sa kani-kanilang "biological clock." Iyan umano ang hinahabol ng ilang mga babae dahil habang tumatanda, nagiging mas mahirap ang magbuntis.

Ngunit sa panahon ngayon na mayroon nang makabagong teknolohiya sa larangan ng medisina para magbuntis ang babae, mistulang nakalimutan na ang tungkol sa biological clock.

Ito ang pinatunayan ng mag-asawang Fernandez. Isang taon matapos ang kasal nila, nabuntis si Millet. Kahit may edad na, hindi sila nahirapang magkaanak.

Apat na buwan na ang kanilang panganay at isa pa ang ipinagbubuntis ni Millet.

Higit sa karanasan ng mag-asawa, sa milyon-milyong dalaga at binata sa Pilipinas ay tiyak na karamihan sa kanila, magpapakasal balang araw.

Pero mayroon ding magiging matandang binata at matandang dalaga habambuhay.

Habang pinipili ng ilan na maging binata o dalaga habambuhay, ang iba ay kailangang tanggapin kung ano ang kanilang tadhana. Kung ano iyon, wala pang makapagsasabi.

   
>>> Previous Episodes