"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 


Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Ana Puod

Kung binobola ang mga bolilyo sa mga bolahan para sa resulta ng jueteng, mistulang hinahalo ang mga Pilipino dahil sa matinding kampanya ng pamahalaan upang tuluyang mabura ang ilegal na sugal sa bansa.

Sa lenggwahe nga ng mga taong batikan sa jueteng, "tumbok" ang resulta ng kampanya ng pamahalaan sa karaniwang mamamayan.

Patunay dito ang pahayag ni Wilfredo Mayor alias Boy Mayor at alias Boy Bicol tungkol sa operasyon ng jueteng na dati niyang hinawakan.

Sabi ni Mayor, maging ang media ay nagagamit sa pambobola para maniwala ang mga taong tutol sa jueteng na natigil na ang raket na ito.

Aniya, minsan nang nangyari ang panlilinlang nang dumating ang isang pangkat ng mga reporter sa Bicol upang imbestigahan ang operasyon ng jueteng sa kanyang nasasakupan.

Ayon kay Mayor, karaniwan ay naititimbre sa kanila ang pagdating ng mga reporter at nagiging "moro-moro" na lang ang lahat.

Ngunit higit sa ibinunyag ni Mayor, mayroon pang ibang uri ng "bolahan" na nangyayari sa iba't ibang distrito ng jueteng sa bansa.

Kilalanin si "Fred" (di-tunay na pangalan), rebisador ng jueteng sa isang lalawigan sa Luzon. Sumusweldo si Fred ng P250 kada araw bilang rebisador. Libre ang pagkain niya at wala pang walong oras ang kanyang trabaho.

Aniya, sa tagal niya sa pagiging rebisador ay maraming beses na siyang pinagkatiwalaan ng amo na bumola ng resulta.

Ayon kay Fred, sa maraming lugar sa bansa, hindi umiiral ang kasabihang "sugal ng kapalaran" ang jueteng.

"Mayroong nag-iipit ng dalawang numero sa daliri [kapag bumobola]. Ito 'yung mga numero na gusto nilang palabasin," aniya.

Kapag hindi nangyari ito, idinidikta na lang ng tagabola ang resulta sa isa pang tauhan ng jueteng na siyang naglilista ng mga numerong lumabas.

Pero nilinaw ni Fred na patas lumaban ang kanyang bangka at simple lang ang utos sa tulad niyang tauhan: patamain ang hindi pa nananalo.

Bangka ng pamilya
Sa kinikitang mula P2,000 hanggang P3,000 kada buwan sa jueteng, si "Rolito" ang tanging bumubuhay sa kanyang pamilya. Dati siyang konduktor sa jeep pero itinaya niya ang swerte sa pagiging lider ng mga kabo sa kanilang lugar.

"Magaan lang [ang trabaho], paikot-ikot lang, makakatulong pa sa lahat," pagtatanggol niya sa hanapbuhay.

Masama ang loob ni Rolito dahil hindi na nga raw sila umaasa sa pamahalaan para sa kanilang kabuhayan, heto at napupulitika pa sila.

"Sabi nila jueteng daw ilegal. E 'yun kayang droga?"

Samantala, bagama't wala nang kinikita si Rodolfo "Bong" Pineda sa mga operasyon ng jueteng sa Pampanga, tuloy umano ang pamamayagpag nito sa isa pang balwarte niya sa Bicol na patuloy na inililihim ng kanyang mga tauhan.

Sa bayan ng Daraga, Albay, sarado at walang tao sa bahay ni Mayor.

Ang bahay pamahalaan ng barangay na pinamumunuan ni Mayor, wala ring tao. Sabi ng mga residente, nagtatago si Mayor dahil sa mga banta sa kanyang buhay.

Sa kabila nito, maraming opinyon ang mga Bicolano sa jueteng na kinasasangkutan ng marami sa kanilang mga kababayan.

Anang mga residenteng nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, wala silang kinatatakutan. Ang iba, sinabing mabuti ang ginawang pagbubunyag ni Mayor upang mapatigil na ang jueteng.

Nagkaisa ang mga residente sa pagsasabing kahit mawala pansamantala ang jueteng ay hindi sila hihintong humanap ng kaunting pagkakatuwaan at pagkakakitaan.

Kapampangan, Bicolano panalo?
Bukod sa Pampanga, putok na putok ang Bicol bilang lugar ng jueteng ayon sa imbestigasyon ng Senado. Ito ay dahil nagmula lahat sa Bicol ang mga testigong iniharap ni Arzobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan.

Noong Mayo na ipagmalaki ni Direktor Heneral Arturo Lomibao ng Pambansang Pulisya na wala nang jueteng sa Luzon. Abala naman noon ang media sa Bicol sa pag-iimbestiga.

Ayon sa mga peryodistang nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, talamak ang jueteng sa Bicol. Ang mga tumataya, anila, aakalain mong bumibili lang sa tindahan. Ang hindi alam ng karaniwan, mismong may-aring tindahan ang kubrador ng jueteng.

Ang resulta ng bolahan, malayang nakapaskil sa tindahan. Ang mga kubrador, malayang nakakapaglibot bitbit ang lastilyas o papel na listahan ng mga taya.

Sa tindi ng jueteng sa Bicol, maging ang mga reporter ay apektado na rin.

Ayon kay Rommel Fenix, ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang paulanan ng punglo ang himpilan ng Bombo Radyo sa Daet, Camarines Norte. Nangyari ang insidente pasado 1 a.m.

Sabi ni Fenix, malinaw na nais lang manindak ng mga salarin sa akalang titigil ang banat ng media sa ilegal na sugal sa Daet. Kasama niya sa krusada si Efren Espanyol.

Ayon kay Fenix, matindi ang panggigipit sa kanila. Halimbawa nito ang text sa cellular phone na natanggap ni Fenix.

Tulad ni Cruz, batay sa text ay pinagbantaan si Cruz na kamatayan ang kapalit sa banat niya sa operasyon ng jueteng.

Lahat apektado
Sa patuloy na kampanya ng pamahalaan kontra jueteng, hindi lang delihensya ng mga taong namamahala sa ilegal na sugal ang apektado.

Maging ang mga taong katulad ni "Nenita" ay nagdedelihensya na lang ng pera sa mga kaanak dahil sa malimit na kampanya ng pulisya.

Aniya, namamahinga na ang kanyang lastilyas sa bahay.Nanghihinayang si Nenita dahil may porsyento siya tuwing makapagpapatama ng taya.

Walang trabaho ang mister ni Nenita at tanging sa jueteng lang sila umaasa ng salapi.

Si "Maria," tumama nang malaki sa jueteng at nakapagpatayo siya ng bahay. Ang kaunting barya na nalalabi sa bulsa ay inilaan niya para pantaya. Pero tanong ni Maria, paano nga ngayon na wala nang jueteng?

Bagama't nahinto na ang jueteng sa kanilang lugar, patuloy pa rin ang paglibot ni "Larry." Ngayon, "lo-teng" naman ang kanyang pinapataya. Ang lo-teng ay kombinasyon ng lotto at jueteng.

Minsang nagtrabaho sa pabrika si Larry pero nang magsara ito, pagiging kubrador ng jueteng ang sumagip sa kanyang buhay.

Aniya, walang pakialam ang mga taong tulad niya sa bangayan ng mga pulitiko.

Kung hindi magagawa ng pamahalaan na mabigyan siya ng panibagong trabaho, siya na ang bahalang gumawa ng paraan para maghanap ng makakain.

Ang mahalaga kay Larry, palaging may tinta ang kanyang panulat at matibay ang tsinelas. Kahit na saan siya dalhin ng kanyang mga paa, basta may kapitbahay na magbabakasakali ng madaliang pera, tuloy ang bola.

   
>>> Previous Episodes