Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Kapatiran, hindi 'kulto'
"Kapatiran"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Abril 17, 2006

Ulat ni Gigi Grande

Animnapu't dalawang milyong Pilipino ang Katoliko. Ito ang pangatlong pinakamalaking populasyon ng mga Katoliko sa mundo matapos ang Brazil at Mexico.

Batay sa estadistika, mas marami pang Katolikong Pilipino kaysa sa Amerika o España, na nagdala ng relihiyong ito sa Pilipinas.

Para sa nakararaming Katolikong Pilipino, hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong pumili ng relihiyon. Ito ay inihahain sa kanila nang isilang sila sa mundo. Kung anuman ang relihiyon ng magulang, lolo at lola, madalas ay ito na ang minamana.

Ngunit sa kasalukuyan, daan-daan libong Katoliko na ang kumakalas sa Simbahan. Walumpu't isang porsyento na lang ng mga Pilipino ang Katoliko sa kasalukuyan kumpara noong 1970.

Inaako ng mga lider ng Simbahan ang responsibilidad sa pangyayaring ito. Ayon kay Bishop Deo Yñiguez, "We realize that indeed we failed in what we call the task of evangelization."

Dagdag niya, And we are now trying to make up for this."

Pero hindi na madaling akitin pabalik ng Simbahan ang mga kumalas. Ang iba sa kanila ay sumama na sa ibang kilalang relihiyon tulad ng Iglesia Ni Kristo, Islam, Hinduism at Buddhism.

Mayroon ding mga sumama sa ibang sangay ng Kristiyanismo tulad ng Protestante, Baptist, Anglican at Born Again. Ang iba naman ay nagtayo ng sariling samahan.

Unang nakilala ang mga samahan na ito bilang "kulto." Pero maraming kahulugan ang salitang ito.

Ayon sa Oxford English Dictionary, na sinang-ayunan ng mga experto, hindi masama ang orihinal na kahulugan nito na pagsamba, debosyon sa dios, tao o bagay.

Ngunit madalas iba ang paniniwala ng nakararami dahil matapos masangkot sa iba't ibnang eskandalo ang ilang nataguriang kulto, nabahiran na ang salitang ito.

Ngayon ay kadikit ng salitang kulto ang imahe ng mga lihim na ritwal, pagsamba sa diablo, pagtatalik sa pagitan ng mga miembro, ilegal na droga at panlokoko.

Ayon sa pag-aaral ng mga experto, mahigit 10,000 na ang bilang mga grupong pangrelihiyon sa bansa.

Pero ikinagagalit ng ilan sa kanila ang mabansagang kulto. Sa halop, mas nais ng mga samahan na kilalanin bilang "kapatiran."

***

Malayo pa lang ay matatanaw na ang isang bahay sa Jerusalem sa Sitio Nazareno ng Buhisan, Cebu. Ang bahay na ito ay pag-aari ni Alfredo Verano ng kapatirang "Salva Me."

Sa komunidad, mistulang isang artista si Verano. Makailang ulit na siyang nalathala sa diyaryo dahil sa iba't ibang eskandalo.

Kaya noong araw na sadyain ng The CORRESPONDENTS si Verano, mayroong mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources at Commission on Human Rights na sumama sa grupo para magpakuha ng litrato kasama si Verano.

Noong una ay ayaw makipag-usap ni Verano. Pero kinalaunan ay pinaunlakan niya ang mga dumalaw.

Batay sa panayam, sinabi ni Verano na dekada '80 nabuo ang kapatiran. Aniya, noong mga panahong iyon ay sundalo siya na may ranggong technical sergeant at nakadestino sa Tarlac.

Isang araw ay tinambangan ang kanyang tropa at tinamaan siya ng mga punglo.

Pero ayon sa Armed Forces of the Philippines, wala sa talaan ng retiradong mga sundalo ang isang T/Sgt. Alfredo Verano.

Sabi ni Verano, ikinamatay niya ang mga tama ng punglo. Aniya, binuhay siya ng Dios para manggamot at sa kasalukuyan ay daan-daan nang mga tao ang kanyang natulungan.

Si Manuel Orlanes ang isa sa unang naging mga miembro ng kapatiran. Anang lalaki, siya ay nakaranas ng milagro sa pamamagitan ni Verano o mas kilalang "Daddy Divine."

Sabi ni Orlanes, nakita ng mga doktor na mayroon siyang kanser sa baga. Pero ginamot siya ni Daddy Divine sa pamamagitan ng dasal at binasbasang tubig.

Ngayon, marunong na rin siyang magbasbas ng tubig, sabi ni Orlanes. Tatlong kaha ng sigarilyo na rin ang kanyang nauubos kada araw.

Sakaling magkaproblema muli siya sa baga, maaari na niyang gamutin ang sarili, dagdag ng lalaki.


Sampung Utos atbp.
Naniniwala ang Salva Me sa 10 Commandments pero dinagdagan nila ito.

Sabi ni Orlanes, ang 10 Commandments ay dinadagdan nila para maging 55. Kabilang sa nadagdag na mga uto ay pagpapahaba ng buhok. Kung lalaki, dapat magpahaba ng balbas.

Kailangan ding huwag magsuot ng tsinelas para hindi magkaroon ng arthritis at sakit sa puso. Pagsapit ng gabi, dapat magpunas ng katawan at maligo ng maligamgam na tubig.

Ipinagmalaki ni Orlanes na noong dekada '90, umabot umano sa daan-daan ang bilang mga miembro ng Salva Me ngunit unti-unti ring umalis ang mga kasapi.

Si "Buboy" (di-tunay na pangalan) ay isa sa dating mga kasapi ng Salva Me. Bata pa lang ay nakagagamot na siya sa pamamagitan ng dasal.

Una niyang nakilala si Verano noong 1997. Binisita niya ang lider ng kapatiran dahil sa balitang nanggagamot si Verano.

Walang balak sumali si Buboy sa Salva Me pero nakumbinse siya ng mga miembro, kabilang na rito ang kanyang mga kapatid.

Sabi ni Buboy na marami nang mga milagro si Verano: ang mga pilay ay nakapaglalakad, ang mga bulag ay muling nakakakita.

Pero matapos ang halos isang dekada, nais na lang ni Buboy na kalimutan ang mga nangyari sa kanya.

Si Verano umano ang sanhi ng pagkawala ng kanyang pamilya at pinaghirapang pera.

"Nagsisi ako dahil hindi pala totoo na siya ay dios dahil ang mga ginagawa niya, hindi naman gawain ng dios. Marami siyang pangakong hindi natupad."

Anomalya?
Ilang buwan matapos sumali si Buboy sa Salva Me, nakilala niya at pinakasalan si "Geraldine" na miembro rin ng kapatiran.

Nagbunga ang kanilang pagsasama at dahil kailangang kumit ng mas malaking pera, nagpaalam si Buboy kay Verano na magtatrabaho bilang seaman sa ibang bansa.

Pumayag si Daddy Divine.

Sa kanyang trabaho ay kumita nang maganda si Buboy. Hindi niya ito ipinagdamot sa kapatiran.

"Hiningi nila 'yung pera ko noong galing akosa abroad, more than P400,000 lahat."

Ngunit habang nasa ibang bansa ay nabalitaan ni Buboy na may relasyon si Verano at ang kanyang misis. Ito ang dahilan kung bakit kumalas si Buboy sa kapatiran.

Ngayon ay anim ang anak ni Verano at ng misis ni Buboy, isang bagay na madaling patunayan dahil sa pagsusuri ng DNA.

Samantala, tumanggi si Geraldine na kapanayamin ng The CORRESPONDENTS. Pinabulaanan naman ni Verano na may relasyon sila ng babae.

"Wala akong inagaw e," aniya.

Sa panig ni Buboy, hindi na siya interesadong bawiin si misis o ang kanyang pera. Nais lang niyang makapiling ang anak na naninirahan sa bahay ni Verano.

"Gusto kong pag-aralin siya. Hindi pa siya nakapag-aral dahil bawal daw mag-aral dahil si Kristo daw hindi nag-aral, 'yan ang sabi ng lider nila na si Verano," sabi ni Buboy.

'Ibang klase'
Tulad ni Buboy, si "Lolita" ay dati ring kasapi ng Salva Me. Nakilala niya ang grupo matapos yayain ng isang kapitbahay na magpagamot kay Verano.

Noon, laging masakit ang ulo ni Lolita. Wala siyang pera para kumonsulta sa doktor kaya lumapit siya kay Daddy Divine.

Sabi ni Lolita ay hindi niya makalimutan ang unang pagkikita nila ni Verano. Ibang klase raw ang lalaki.

"Pananabikan mo 'yung lagi siyang makita."

Madaling nakumbinse ang pamilya ni Lolita na sumama sa Salva Me. Aniya, noong mga panahong iyon ay epektibo ang dasal ni Verano at nawala ang sakit ng kanyang ulo.

Samantala, nangako si Verano sa pamilya ni Lolita na bibigyan niya ng bawat kasapi ng bahay, pag-aaralin at tindahan na pagkukunan ng libreng pagkain.

Lalo pang nasilaw ang mga miembro nang pangakuan sila ni Verano ng ginto. Ibubulong umano ng dios kay Verano kung saan nakatago ang kayamanan ni Yamashita.

"Sabi niya, lahat ng naitulong n'yo sa ating grupo ay papalitan agad ng dios ama ng times three, kahit piso raw," salaysay ni Lolita. "Naisip lang namin na baka totoo 'yun."

Naging trabaho ni Lolita sa kapatiran ang maglista ng mga nagpapagamot at kung magkano ang donasyon nila.

Ang pera ay ginagamit umano para sa pagkain ng kapatiran at sa paghahanap ng natatagong kayamanan.

Bilin umano ni Verano, tuwing may magrereklamong kapitbahay ay huwag sasabihin ng mga miembro na naghahanap sila ng ginto. Sabihin na lang umano na ang kweba ay gagamitin sa dasal at panggagamot.

Isang araw daw ay sumobra na si Verano, sabi ni Lolita. Ipinatawag siya ni Verano sa kwarto at may ipinagawa sa kanyang bagay na malaswa.

Matapos ang pangyayari, iniwan ni Lolita at ng kanyang buong pamilya ang Salva Me.

Noong 2003, pormal na nagreklamo laban kay Verano sina Lolita, iba pang mga miembro at kapitbahay ni Verano.

Kabilang sa nakalahad sa sinumpaang ma salaysay ang tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata, pananamantalang sekswal sa mga miembro, panlokoko at paghuhukay ng kayamanan nang walang permiso.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang DENR, CHR at Department of Labor and Employment pero ibinasura nila ang mga reklamo.

Ayon sa siyasat, walang patunay ang bintang na niloko ni Verano ang mga miembro at kinuha ang kanilang pera. Samantala sa nag-iisang pagkakataon, binisita ng mga kinatawan ng CHR si Verano pero hindi nila natiyempuhan na nagtatrabaho ang mga bata sa kweba.

Bunga ng pagkakaabswelto kay Verano, nawalan ng tiwala sina Lolita at iba pang nagreklamo na dalhin ang kaso sa korte.

Sa kasalukuyan ay tinataya ni Lolita na mayroon pang 30 tagasunod si Verano at karamihan sa kanila ay mga bata.

Umaasa na lang si Lolita na anumang araw ay maliliwanagan ang mga miembro at tuluyang titiwalag sa kapatiran.

   
>>> Previous Episodes