| Ulat ni Karen Davila
KENDU BAY, Kenya - Maraming mga bundok ang kailangang tawirin bago
makarating sa Kendu Bay sa Kisumu, Kenya. Mahigit 500 kilometro
ang layo nito sa kabisera ng Nairobi.
Bihira ang dayuhan sa lugar na ito. Sa katunayan, iisang bus lang
ang bumibiyahe sa Kendu. Wala ring sementadong kalsada rito.
Ang tinatawag nilang mga "hotel" ay maihahalintulad sa
mga bahay kubo sa Pilipinas na pinatungan ng yero para magsilbing
bubong.
Pero sa lugar na ito, totoo ang kasabihang "sa lahat ng sulok
ng mundo, mayroong Pilipino."
Ang mga Pilipino sa Kendu Bay ay matatagpuan sa Kendu Seventh Day
Adventist Hospital. Sa katunayan, dalawa sa mga Pilipino rito ay
mag-asawa, ang mga doktor na sina Elfred at Marialita Solis.
Wika nga, "husband and wife team" sila.
Mapanganib ang trabaho ng mag-asawang Solis. Araw-araw, umaabot
sa 100 pasyente ang kanilang sineserbisyuhan at 85 porsyento sa
mga ito ay pawang positibo sa HIV o kaya ay mayroong AIDS.
Tinanong ng The CORRESPONDENTS si Elfred kung bakit niya naisipang
magtungo sa Kenya kung kailan karamihan sa mga doktor na Pilipino
ay nagkukumahog bumiyahe papuntang Amerika.
Aniya, nagdesisyon siyang umiba ng landas upang makapagserbisyo
sa kanyang kapwa.
'Walang kwenta ang malaking sweldo'
Tulad ng mga Solis, matagal na rin sa Kendu Bay si Rudy Santos na
nagtatrabaho roon bilang nars. Tulad din ng mga Solis, kasama niya
sa trabaho ang asawang nars.
Dalawampung taon na bilang nars sa Africa si Santos. Bago ang Kendu
Bay, pitong taon siyang nanilbihan sa Ethiopia.
Aniya, sa Ethiopia niya nakita ang kahalagahan ng pagiging nars.
"Kahit hindi namin naiintindihan ang salita nila, makita lang
namin na maayos ang buhay ng pasyente sa pamamagitan ng wastong
pangangalaga ay masaya na kami," ani Santos.
Maliit ang sweldo ni Santos sa Kenya kumpara sa mga nars sa ibang
bansa.
Sa isang buwan, sumusweldo lang siya ng $230 o halos P13,000 na
hindi malayo sa karaniwang sahod sa Pilipinas.
Kung gayon, bakit pa siya nangibang bansa?
"Sa akin, hindi ko iniisip 'yung kumita ng malaki o magkaroon
ng materyal na bagay. Ang paglilingkod, iyan ang tanging ligaya
sa puso ko," sabi ni Santos.
|