Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Koreksiyonal: Ikalawang Aklat
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Nobyembre 07, 2005, Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Abner Mercado

Isa sa mga tauhan na naging paksa sa pagtalakay ng mga lola sa Correctional Institute for Women o Koreksiyonal ay si Clementina Aruta, 65, at mahabang panahon nang napiit sa bilangguan.

Sa Rizal Medical Center sa Pasig naabutan noon ng The CORRESPONDENTS si Aruta matapos atakihin ng sakit sa puso.

Ganito ang kalagayang kinakaharap ng maraming tulad ni Aruta.

Tulad ni Aruta si Norma Pulido, 68.

Tulad ni Aruta, marijuana ang nagkulong kay Pulido sa Koreksiyonal. Hindi lang kalayaan ang inagaw sa kanya ng bilangguan kundi pati ang paningin ay ipinagkait sa kanya. Labintatlong taon nang nasa likod ng mga rehas si Pulido.

Sa likod ng mahabang panahon na binubuno sa bilangguan, dagdag pa ang kalbaryo ng mga lola na nangungulila sa kanilang mga minamahal.

Halimbawa na lang si Primitiva Seraspe na nakakulong din dahil sa pagbebenta umano ng marijuana.

Isa ring halimbawa si Pacita Villamor na nakulong dahil sa P10 halaga ng marijuana na siyang ginamit na ebidensya sa pagkakapiit niya. Edad 78 na si Villamor at habambuhay siyang nakakulong.

Sa kasalukuyan, 14 na taon nang nakakulong si Villamor.

Tulad ng iba pa sa 160 matatandang nakakulong sa Koreksiyonal, nagsusumamo si Villamor para sa kanyang kalayaan. Apela nila sa pamahalaan, tugunan ang nahahapo na nilang tinig para sa kalayaan.

Matapos ilabas ang bahagi ng matatandang nakapiit sa Koreksiyonal noong Setyembre, wala pang isang linggo ay nagkaloob ng "executive clemency" ang Pangulong Arroyo sa mga matatandang nakakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Inakala ng marami na kasunod nang bibigyan ng executive clemency ang mga lola sa Koreksiyonal. Pero hanggang sinusulat ang kwentong ito, wala kahit isang lola ang pinapalaya ng Pangulo.

Noong kinapanayam siya ng The CORRESPONDENTS, sinabi ni Aruta na mayroon siyang isang kahilingan. Ito ay ang makapiling o kahit makita man lang ang kanyang mga kaanak sa Leyte bago siya malagutan ng hininga.

Nagtungo ang The CORRESPONDENTS sa Leyte para hanapin ang bayan ng Barogo baon ang pag-asang matutunton ang kapatid ni Aruta.

Natagpuan sa bayan si Eusebia Aruta, kapatid ng namayapang lola sa Koreksiyonal. Luha agad ang isinalubong niya sa The CORRESPONDENTS matapos mabatid na magtutungo siya sa Maynila para makita ang kapatid.

Mahigit tatlong dekada ang ipinagkait sa kanilang magkapatid ng bilangguan. Mula Leyte, taglay ni Eusebia ang matinding pananabik sa kapatid.

Samantala si Aruta ay walang kamalay-malay na mangyayari na ang matagal na niyang inaasam.

Ayon kay Eusebia, magkahalong pananabik at kaba sa dibdib ang kanyang nadarama.

Nagtagpo ang magkapatid at hindi maikulong sa mga salita ang emosyon na namagitan sa kanila. Matapos ang mahabang panahon, naputol ang pagkakawalay na ipinagkait sa kanila ng piitan.

Sa kabila ng pag-asa, bigo pa rin si Aruta na makauwi ng Barogo dahil hindi siya pinakinggan ng mga awtoridad para sa apela ng paglaya.

Samantala, bumalik ng Barogo si Eusebia pero dalawang linggo matapos ito, pumanaw si Aruta.

Ang anak ni Aruta na si Noriel sa Olongapo ang unang nakatanggap ng balita tungkol sa kanyang pagkamatay.

Mahirap ang maging mahirap lalo na para sa isang namatayan. Kahit na ang pinagsama-samang abuloy ng mga kasama sa Koreksiyonal ay hindi sumapat para matubos si Aruta sa punerarya.

Muli, kumatok ang The CORRESPONDENTS sa mga samaritanong may mabubuting puso. Nagawang maibiyahe si Aruta sa isa niyang kapatid sa Olongapo, si Agapita Antigo.

Sa Olongapo, mistulang kabalintunaan ang pagkakaburol ni Aruta sa bulwagan ng Barangay Pag-asa dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon para makalaya noong nabubuhay pa.

Samantala, sinundo muli ng The CORRESPONDENTS si Eusebia sa Barogo para kahit sa huling sandali ay magkita sila muli ng kapatid.

Sa burol, halos hindi makausad ng lakad si Eusebia at sumambulat ang dalamhati sa kanyang dibdib.

Totoong ngayon ay malaya na ang kapatid ni Eusebia pero kamatayan ang nagdulot ng paglabas niya sa bilangguan.

Sa bandang huli, tanging mga tagpo ng kalungkutan at impit na mga iyak ni Eusebia ang makararating sa Malacañan, nagbabakasakali na pakikinggan ng Pangulo ang hiling ng iba pang matatanda sa Koreksiyonal para sila ay mapalaya.

   
>>> Previous Episodes