H O S T:

Karen Davila
Karen Davila

Kwentong Japan: Pagsubok ng Pinoy sa ibang bayan
 

"Mga kwentong Pinoy mula sa Japan"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11 p.m.

 

Ulat ni Abner Mercado

TOKYO - Paglatag ng dilim, tinugis ng The CORRESPONDENTS ang mapang-akit na mga ilaw ng Osaka, Japan, upang hanapin ang mga Pilipina na nagtatrabaho sa mga bahay-aliwan ng lungsod na ito.

Tulad sa Tokyo, laganap din sa Osaka ang mga Pilipina na nagtatrabaho sa mga "omisi" na siyang tawag ng mga Hapones sa mga bahay-aliwan.

Kumpara sa taguring "japayuki" noong dekada '90, "talento" na ang nais ipatawag ng mga Pilipina sa kanilang sarili habang nagtatrabaho sa Japan. Anila, mapanlibak at masakit sa pandinig ang terminong japayuki.

Ipinadpad ng gabi sa distrito ng Kyobashi ang The CORRESPONDENTS. Sa bahay-aliwan na may pangalang "Ilusion" nakilala ng grupo ang 27 Pilipina na nagtatrabaho bilang mga talento.

Isa si Jenny Alonzo sa mga Pilipina na nakilala ng The CORRESPONDENTS sa Ilusion. Edad 25 si Alonzo at nagmula sa Angono, Rizal, sa Pilipinas.

Unang salta pa lang ni Alonzo sa Japan at namalagi rito sa nakalipas na anim na buwan. Kumbaga, matatapos na ang kontrata niya bilang pansamantalang talento.

Dito sa Japan pinangarap ng maraming Pilipina tulad ni Alonzo ang "lapad." Lapad ang tawag sa 10,000 yen na pera ng mga Hapones. Halos $100 dolyar ang katumbas ng isang lapad.

Kumpara sa karaniwang kinikita sa Pilipinas, sinabi ni Alonzo na katumbas ng P200,000 ang sweldo niya sa Japan sa pagtatrabaho bilang talento.

Aminado si Alonzo na nangangailangan siya ng salapi kaya nagdesisyon siyang pasukin ang ganitong uri ng trabaho. Inamin din niya na nilibak siya maging ng mga kaanak dahil sa desisyong ito.

Pero ayon sa babae, batid niya ang resulta ng desisyong ito at paninindigan niya ang responsibilidad na kaakibat nito.

Pangarap na natupad
Isa lang si Alonzo sa libo-libong mga Pilipina at Pilipino na nagtutungo sa Japan taon-taon. Walumpung porsyento ng mga Pilipinong napapapadpad sa Japan ay nasasabak bilang mga talento.

Kaya hindi rin nakapagtataka na nauwi sa Osaka ang iba sa mga talentong ito.

Sa isang tapsilugan at tindahan ng mga produktong Pilipino sa Osaka nakilala ng The CORRESPONDENTS si Mila Varias Obayashi na nagtatrabaho bilang talento.

Hindi na ikinubli ng babae ang kanyang naging pasaporte patungo sa Japan. Ani Obayashi, noong una ay naging talento siya pero kinalaunan, nagtrabaho siya nang walang kontrata.

Tiniis na lang ni Obayashi ang kahirapan ng pagtatrabaho nang walang kontrata sa nakalipas na siyam na taon. Ang tawag sa mga tulad ni Obayashi, "bilog" o ilegal ang pananatili sa Japan. Sa madaling salita, sila ang mga "TNT" o tago nang tago.

Pero sa loob ng panahon ng pagiging bilog nasungkit ni Obayashi ang mailap na kapalarang pinangarap niya. Nagdesisyon si Obayashi na magpakasal sa isang Hapones para hindi siya ipatapon ng pamahalaang Japan pabalik ng Pilipinas.

Sa halip na tiisin ang pamumuhay sa Pilipinas, higit na ninais ni Obayashi na manatili sa Japan kahit walang katiyakan ang estado niya rito bilang bilog na nakapag-asawa ng Hapones.

Ayon sa konsulado ng Pilipinas sa Osaka, umaabot na sa 4,755 ang bilang ng mga Pilipino na dokumentado ang pagtatrabaho at paninirahan sa lungsod noong Disyembre 31, 2003.

Ngunit sa paniniwala ng The CORRESPONDENTS matapos makapanayam ang tulad nina Alonzo at Obayashi, higit kaysa legal na mga talento ang bilang ng mga bilog sa Osaka.

Pero ayon kay Antonio Villamayor, konsul-heneral ng Pilipinas sa Osaka, hindi lang mga Pilipina ang nagtatago sa Osaka para magkamal ng lapad.

Sa buong Japan, pangatlo ang Pilipinas sa mayroong pinakamaraming bilang ng bilog. Una sa listahan ang China at pangalawa ang Korea.

Taguan sa Tokyo, Tokyo
Matapos ang Osaka, sumakay ng tren ang grupo ng The CORRESPONDENTS patungong Tokyo.

Kumpara sa Osaka ay higit na mabilis ang daloy ng buhay sa Tokyo. Mayroong 126 na milyong mamamayan ang Japan at mayroong higit sa 26 na milyon ay residente ng lungsod na ito.

Ang Tokyo ay maituturing na Kalakhang Maynila ng Japan. Nasasakop nito ang 23 siyudad.

Kung halimbawa, ang Osaka ay tatawaging "San Francisco" o "Los Angeles" ng Japan, ang Tokyo ang tinaguriang "New York" ng bansang ito dahil libo-libong mga Hapones at dayuhan ang naeengganyong dito manirahan.

Isa sa mga banyagang ito si Franklin Medina na residente ng Pasig sa Pilipinas.

Sa isang kubling lugar pumayag si Medina na makipagkita sa The CORRESPONDENTS. Bagama't panatag ang kalooban ni Medina sa pagiging bilog, hindi pa rin maiaalis ang pangangailangang mag-ingat sa mga awtoridad.

Edad 51 na si Medina at 11 taon nang nagtatrabaho sa Japan.

Ipinagkatiwala ni Medina sa The CORRESPONDENTS ang kanyang salaysay.

Noong gabi na makapanayam siya ng The CORRESPONDENTS, inanyayahan ni Medina ang grupo sa isang "sushi bar." Umiral ang pagiging Pinoy ni Medina. Noong gabi na iyon, ang grupo ng The CORRESPONDENTS ang bisita niya at siya ang binibisita.

Ipinakita ni Medina sa The CORRESPONDENTS ang pasaporte niya na nawalan ng bisa noon pang 1998. Ipinakita sa kanya ang bagong uri ng visa na ipinagkakaloob ng embahada ng Japan sa Maynila. Malinaw na malayong-malayo ang visa sa pasaporte ni Medina sa bagong patakaran ng Japan sa mga turistang dayuhan.

Nakaayon sa kapalaran
Sa paniwala ni Medina, kapalaran ang umaayon para sa kanya kaya hindi niya kailangang umiwas sa pulutong ng mga tao at matakot na madakip siya ng mga awtoridad.

Kung tutuusin, ayon sa 51-anyos na "turista" at bilog sa Japan, walang kwenta ang pangamba para sa kanya. Aniya, ang iniisip lang niya ay ang kinabukasan ng kanyang mga anak sa Pilipinas. Tatlong mga anak ang napagtapos ni Medina sa kolehiyo.

Ayon kay Medina, higit na mahalaga sa kanya na maging inspirasyon ng pakikipagsapalaran sa mga kababayang Pilipino.

Sa Pilipinas, nagpaabot ng pag-aalala ang mga mahal sa buhay ni Medina dahil maaaring hulihin siya ng mga awtoridad sa Japan sa sandaling maipalabas ang kwento.

Pero dito pa lang sa Japan, tinanong na ng The CORRESPONDENTS si Medina kung ano ang higit na dumudurog sa kanya kaysa pangamba na mahuli ng mga awtoridad.

Aniya, higit na mahirap ang kalungkutan at pagkakalayo sa mga mahal sa buhay kaysa isipin ang kahihinatnan kapag naaresto ng mga awtoridad sa Japan.

Kalungkutan nga ang tinitiis ng maraming Pilipino sa Japan na tulad ni Medina. Isa itong kalagayan na higit niyang ninais na bigyan ng puhunan at tapang kaysa lumaban sa kahirapan sa Pilipinas na kanyang pinanggalingan.

Dinala ng tunay na mga pulis sa presinto ng Central Police District ang isang lalaki na nagnakaw sa tindahan ng "ukay-ukay" sa Lungsod Quezon at nagpanggap na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency, noong Martes.

Bago siya naaresto, namataan ng gwardya ng tindahan sa Aurora Boulevard, distrito ng Cubao, ang suspek na si Daniel Escolin. Anang di-nakilalang gwardya, kahina-hinala umano ang kilos ng lasing na suspek habang naglilibot sa loob ng tindahan.

Inamin ni Escolin sa mga imbestigador na "nakatuwaan" lang niyang damputin ang bag na nagkakahalaga ng P650.

Ngunit ayon sa gwardya, bistado na pero nagmatigas ang suspek at ipinagmalaki pa ang pagiging operatiba ng PDEA. Ipinakita ni Escolin ang kanyang singsing na may nakaukit na "Philippine National Police" at sinabing miembro siya ng ahensya.

Matapos mahimasmasan sa presinto ay inamin ng suspek ang kasalanan.

Sa kabila ng pagsisisi ay hindi pinalampas ng tunay na mga alagad ng batas ang ginawan ni Escolin. Kasong pagnanakaw at pagpapanggap na pulis ang isasampa laban sa kanya.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com