|

Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Hunyo 19, 2006,
Lunes, 11:30 p.m.
Ang tubig ang isa sa pangunahing pangangailangan ng tao para mabuhay.
Sa Kalakhang Maynila pa lang, apat na milyong cubic meters kada araw ang nakokonsumo ng 12 milyong residente nito.
Ang tubig na ito ay nagmumula sa La Mesa Reservior, isang earth dam na itinayo noong 1929.
Isang tituladong lupa ang La Mesa na pag-aari ng MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
May kabuuang lawak ang La Mesa wateshed na 2,700 hectares at sakop ang mga bahagi ng Lungsod Quezon, Marikina at Caloocan.
Ang dam naman ay may lawak na 700 hertares. Ito ang nagsisislbing holding area ng tubig na dinadala sa Kalakhang Maynila.
Galing pa sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ang tubig na nakaimbak dito.
Mula naman sa Angat, may tubig na pupunta sa Ipo Dam. Galing ng Ipo, papasok naman sa Novaliches Portal ang tubig at mapupunta sa La Mesa treatment plant, Balara treatment plant at sa La Mesa Dam.
Dito kumukuha ng tubig na siya namang kinukonsumo ng mga residente ng Kamaynilaan sa araw-araw.
* * *
Ilang taon nang hawak ng MWSS ang pagmimintene at pagpapatakbo ng La Mesa Reservoir nang mapansin ng grupong Bantay Kalikasan ang kalunos-lunos na kondisyon ng paligid nito.
Sa imbestigasyon, nakita ng grupo na nauubos ang puno at dumadami naman ang mga iskwater sa La Mesa.
Nabahala ang Bantay Kalikasan at sa kanilang pag-aaral, kapag nagpatuloy ang pang-aabuso ay maaaring maapektuhan ang supply ng tubig.
Para mapangalagaan ang watershed, pumasok sa isang memorandum of agreement ang Bantay Kalikasan (BK) at ang MWSS para magkaroon ng rehabilitation at reforestation project sa loob ng La Mesa.
Bukod dito, inayos at pinaganda ang La Mesa Ecopark.
Ang Ecopark ay sinimulang patakbuhin ng Bantay Kalikasan noong 2004.
Kabilang ito sa planong rehabilitasyon, reforestation at development ng La Mesa sa loob ng 15 taon.
Isa sa layunin ng pagbubukas ng Ecopark sa pamamahala ng BK ay para magbigay ng kaalamang pangkalikasan sa mga taong papunta dito.
Ayon kay JJ Hernandez, program director ng Bantay Kalikasan, dati nang mayroong parke sa La Mesa bago pa man sila dumating.
Ang mga dating pasilidad na meron dito, inayos lang nila. Kaya hindi na daw sila kailangang kumuha pa ng Environmental Compliance Certificate (ECC). Sang-ayon naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dito.
Sa ngayon, mahigit kalahati na ang kabuuan ng La Mesa ang natataniman ng iba’t ibang klase ng mga indigenous tree.
Mahalaga ang mga punong ito para hindi mawalan ng tubig ang reservoir sa panahon ng tag-init.
Pero tila may panibagong hamon naman ngayon ang Bantay Kalikasan.
Sakali daw na matuloy ang NAWASA Emloyees Housing Project dito, maaaring maapektuhan ang kaligtasan ng tubig na nakaimbak sa dam.
Ano man daw ang uri ng istrakturang itatayo sa La Mesa, pabahay man o komersyal, basta’t may tao, ito ay maaring makaapekto sa tubig ng La Mesa Dam.
Libo-libong tao ang maapektuhan, kaya naman, umabot hanggang Senado ang usapan tungkol dito.
Ika-16 ng Mayo nang unang magpatawag ng hearing ang Senate Committee on Environment ang Natural Resources sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano.
Dinaluhan ito ng mga representante mula sa DENR, MWSS at unyon at mga kaanib nito at mga grupong makakalikasan.
Makulay at maalab ang usapan at balitaktakan sa loob ng bulwagan.
Lahat ng dumalo ay may layuning bigyang linaw kung paanong naibenta ang bahagi ng watershed at maaring maging epekto sakaling maitayo ang pabahay ng unyon sa loob ng La Mesa.
* * *
Sa opisina ng unyon ng MWSS araw-araw makikita si Genaro Bautista.
Dito rin matyagang nagpupunta ang mga awardee ng KKMK-NWSA, ang unyon na nakikipaglabang maituloy ang pabahay sa loob ng La Mesa Watershed.
Si Bautista ang presidente ng unyon at tumatayong attorney in-fact ng mga beneficiary ng proyektong pabahay ng MWSS. Ika-31 ng Mayo 1968 pa raw nang manalo sila sa isang collective bargaining agreement o CBA sa pagitan nila at ng NAWASA.
Naghihimutok ang grupo ni Bautista dahil matapos ang 38 taon, wala pa ding bahay na naitatayo para sa 1,411 awardees ng CBA na ito.
Ipinakita ni Bautista sa The CORRESPONDENTS ang ikatlong lugar na itinalaga para sa kanilang pabahay.
Maganda ang lokasyon nito: katabi ng Quirino Highway, isang prime lot sa Lungsod Quezon.
Malawak ang lugar na mapupunta sa kanila. May kabuuang 58 hectares at natataniman ng maraming puno.
Susog sa CBA, naglabas ng board resolution para magdeklara at magreserba ang MWSS ng lupa sa ibaba ng La Mesa Dam para sa pabahay ng unyon.
Ang CBA na ito ang ang paggawad sa unyon ng 58 hectares na lupain ng Manila Water District para sa isang housing project.
Kwento ni Bautista, edad 33 pa lang sya nang manalo sa CBA noon.
Ngayon, 71 taong gulang na siya at iisa pa rin ang kanyang ipinaglalaban.
“Ayaw i-execute yung desisyon ng Korte Suprema na ipagbili sa kanila ang napanalunan sa CBA,” aniya.
Ilang beses nang hinamon ng pagkakataon ang CBA nila.
Ang lupang unang dineklara apara sa housing project nila, ginawang water treatment plant ni dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1976.
Ang ibinigay na kapalit, naibenta rin at hindi napunta sa kanila.
Sa matagal na paghihintay, hindi na rin daw naiwasang magkaroon ng paksyon sa loob ng unyon bunsod ng matinding pagkainip hanggang maideklara ang 58 ektaryang lupain sa loob ng watershed para sa kanilang pabahay.
Pero dumating at nakalipas ang unang EDSA revolution, walang nasimulang konstruksyon para sa kanilang housing project.
Pinanghinaan na ng loob sina Bautista at nawawalan na ng pag-asang magkakaroon pa ng sariling bahay at lupa.
Hanggang sa naisip n’yang humingi ng tuong sa kaibigang si Albay Rep. Edcel Lagman.
Dismayado si Lagman na pati ang pagtulong nya sa mga awardee ay nabigyan ng kulay.
Ayon sa kanya, matagal nya nang advocacy ang pagtulong sa mga manggagawang tulad ni Bautista.
Nilinaw din nya nang pumasok sya sa kaso ng unyon noong 1998 ay wala siya sa posisyon.
Nais lang daw niyang tumulong nang libre lalo pat minamadali na at malapit na nilang makuha ang kanilang pabahay.
“Binigyan sila ng MWSS ng 15 days to produce the consideration. Otherwise pag hindi naiproduce ‘yung consideration, baka ma-null ang void ‘yung matagal na nilang panaginip na mabigyan sila ng deed of absolute sale,” ani Lagman.
Ang akala ni Bautista, matapos mabayaran ang 58 hectares sa halagang P3.19 milyon, ayos na ang lahat.
Ikinagulat nya ang pagsusog sa Senado maging ang pagmamay-ari ng tseke na ibinayad at ang halaga ng lupang iipinagpbili sa kanila.
Nalagay din sa alanganin maging ang MWSS na sumusunod lang daw sa desisyong ibinaba ng Korte Suprema.
“Our concern is binayaran because nandoon sa deed of absolute sale na within 14 days they have to pay and that amounts to P3.19 million pesos. So ang ginawa namin, we asked their representative to go to our cashier and deposit to the cashier. So we did not look into who owns the cheque so we considered it in good faith,” ayon kay Macra Cruz, senior deputy administrator ng MWSS.
Matapos mabayaran at makuha ang Deed of Absolute Sale, grupo naman ng grupong lumalaban para sa kalikasan ang pumipigil na maitayo ang proyektong pabahay sa loob ng watershed.
Naglunsad ng kampanya ang Bantay Kalikasan, ang "Save The La Mesa Coalition" na pinamunuan ni Emily Abrera.
Layunin ng koalisyon na maimulat ang mga tao sa kahalagahan ng watershed at hindi upang tuligsain ang pabahay para sa unyon.
Kinikilala raw nila ang karapatan ng mga awardee sa pabahay na matagal nang dapat napasakanila.
“Ang stand namin ay dapat manatili siyang protected area, ang buong wateshed area na iyan at kung maaari ay maghanap kami ng solusyon para naman magkaroon pa rin ng housing ang mga dapat magkaroon,” ani Abrera.
Samantala, hinahabol din ng grupo ni Bautista ang MWSS Corporate Office Housing Project.
Mahigpit na tinututulan ang pagpapatayo ng kanilang pabahay na malayo naman daw sa La Mesa Dam. Pero heto at nakatayo ang housing ng MWSS malapit sa La Mesa Dam.
“Ang isang consideration kung bakit naaprubahan ang aming clearance is dahil ang drain ng tubig dito is going away from the reservoir. Kung makikita mo 'yung elevation doon is about 80 meters. Ang tubig dito ay magde-drain papuntang Lagro is about six meters below,” ani Cesar Raymundo ng Property Management Division ng MWSS.
Ito daw ang kaisa-isa at kauna-unahang proyektong pabahay ng MWSS sa kanilang mga empleado. May lawak lang itong 4.6 hectares.
Kakaunti na lang ang mga empleado ng MWSS mula nang maisapribado ito kaya halos lahat sila ay nabigyan ng lote.
Kapansin-pansing malalaki ang ilan sa mga bahay na naririto pero ito daw ay naipaayos na lang ng mga may-ari sa sarili nilang pera.
Para kay Bautista, hindi makatarungang hindi sila mapayagang tumira sa itaas ng watershed samantalang ang pabahay ng MWSS at pinayagan sa tabi mismo ng dam.
“It’s not really a question of adjacency eh. Tingnan mo 'yung drainage. Malapit siya sa 58 hectares pero ang tubig nito ay magde-drain sa river so hindi siya paakyat at papunta sa reservoir. ‘Yung 58 hectares nandun siya 24 meters above the reservoir. So any movement d'yan may gravity, maapektuhan ‘yung sa baba. So it’s not a matter of distance,” sagot naman ni Corazon Davis ng DENR- National Capital Region.
***
Ang La Mesa ay hindi deklaradong protected area.
“ 'Yung area is a titled property so wala tayong proseso during that time na kailangan na iproklama s’ya bilang protected area. So nakatitulo s’ya sa MWSS at nirerespeto namin yung titulo na iyon,” ani Davis.
Pero magkagayon man, kinikilala ng DENR na ang La Mesa ay kabilang sa mga environmentally critical area sa ilalim ng Proclamation 2146.
“Nakikita talaga na that fact that there’s a need to protect but you need to go to the procedure. There were attempts by the DENR to have it declared kaya lang tinitignan ‘yung procedure,” dagdag pa ni Davis.
Maging ang MWSS daw ay kumonsulta din sa DENR upang tiyaking hindi malalagay sa alanganin ang watershed sakaling ibenta ang parte nito.
Hindi raw ganon kadali para ideklarang protected area ang isang lugar dahil may klarong proseso ito.
Sa kaso ng La Mesa kailangan pa daw nitong mabigyan ng bagong classification para maging isang forest land. Sa Kongreso lang ito maisasakatuparan.
Kung maidedeklarang protected area ang La Mesa Watershed maiiwasan itong maibenta at patuloy na mapapangalagaan. |