|
Ulat ni Karen Davila
Nitong Agosto, kakaibang paghihirap ang dinaanan ng aktres na si
Arlene Muhlach. Kinakabahan si Muhlach hindi dahil madrama ang eksena
niya kundi ibibitin siya ere bilang alitaptap na karakter sa teleseryeng
Marina.
Para sa karamihan, walang kwenta ang pagbitin sa ere. Ngunit para
kay Muhlach na tumitimbang ng 117 na kilo, hindi ito biro.
Ngayong edad 35 na si Muhlach, hindi na siya basta maituturing
na "tabatsoy." Siya ay tinatawag nang "obese."
Aminado si Muhlach na mataba siya noong bata pa. Pero namayat siya
nang mag-artista noong dekada '80. Sa paghinto niya sa pelikula,
bumalik ang katabaan ng aktres.
Aniya," Kain lang ako nang kain noon, kasi masarap ang kumain
at matulog."
Bunga ng kanyang sukat, doble ang pag-iingat na ginawa ng grupo
ng <i>Marina</i> para matiyak na kakayanin ng bigat
ng kable ang timbang ni Muhlach.
Sa Marina, ginagampanan ni Muhlach ang papel ni "Aling
Lydia," ang mataba ngunit masayahing alitaptap.
Kumpara sa teleserye, sa tunay na buhay ay malungkot ang maging
obese.
"Nagpapasalamat na lang ako at binigyan ako ng anak. Ang hirap
mabuntis at sa totoo lang, pahirap itong maging mataba," sabi
ng aktres.
Aniya, ang simpleng mga gawain tulad ng pagtakbo, paglundag o paglalakad
ng mahaba ay hindi niya magawa. Sabi ni Muhlach, hindi nakakaya
ng maliliit niyang paa ang malaking katawan.
Ramdam ni Muhlach ang hirap habang inaalagaan ang anak niyang si
Aliyah. "Kahit siya (Aliyah) ay nahihirapang yakapin ako."
Pero papaano nga ba lumaki nang ganito si Muhlach?
Halos sabay pumasok sa mundo ng show biz si Muhlach at ang kapatid
niyang si Aga. Bukod sa pagiging bida sa mga pelikula, balingkinitan
pa ang katawan ni Muhlach noon.
Aminado si Muhlach na malakas siyang kumain. Kahit gabi na, hindi
niya tatanggihan ang pagkain ng kanin na may kasamang mechado at
litsong paksiw.
Pero aniya, kung dati ay wala siyang kontrol sa pagkain, ngayon
ay isang tasang kanin na lang ang kinakain niya. Ngunit ang siste,
maging sa meryenda at "midnight snack" pala ay nagkakanin
din siya.
Unawa ang kailangan
Kung may nakakaunawa sa kalagayan ni Muhlach, siya ay walang iba
kundi si Susan Francisco. Sa edad na 50, habambuhay nang nilalabanan
ni Francisco ang pagiging obese.
Mula sa bigat na 143 kilo, bumagsak sa 113 kilo si Francisco matapos
magdiyeta at uminom ng "Xenical."
Dati, lahat ng mga damit ni Francisco ay kailangang ipasadya kahit
na ang mga bra at panty niya.
Kaya itinuturing niyang tagumpay ang pangyayari tuwing nababawasan
ang kanyang timbang.
Tulad ni Muhlach, may diabetes si Francisco. Aniya, hindi na pagpapaganda
ang ginagawa niyang pagpapapayat kundi pagpapahaba na ito ng buhay.
Tulad ni Muhlach, may lahi ng matataba ang pamilya Francisco. Pero
aminado rin siya, tulad ni Muhlach, ng kawalan ng kontrol sa pagkain.
Ngayon, bukod sa pagbabawas ng kanyang pagkain, nagbibisikleta
na siya paminsan-minsan.
Kaya ngayong nagkakaedad na siya, inaalala ni Francisco kung sino
ang mag-aalaga sa kanya kapag matanda na siya.
Kumpara kay Francisco, iba ang nararamdaman ni Muhlach. Itinuturing
niyang swerte na siya ay nakapag-asawa at nagkaanak sa kabila ng
kanyang timbang.
Ngunit aminado rin siyang hindi nawawala ang pangamba na makahanap
ng iba ang kanyang kabiyak.
"Kahit ano pa ang sabihin, naroon pa rin 'yung katotohanan
na maraming magagandang babae diyan," aniya.
Sagot ni Warren Dandoy, asawa ni Muhlach, " Si Arlene mahal
ko 'yan kahit mataba. Tuwang tuwa nga ako noong magkaanak kami.Kaya
lang sana alagaan niya ang sarili niya."
Sa ngayon, para sa sarili, sa asawa at sa anak, badminton ang inaatupag
ni Muhlach. Pero aniya, ang paglalaro ng badminton ay hindi ginagawa
para magpaseksi.
Aniya, ginagawa niya ito upang magsilbing inspirasyon para manatiling
malusog. "Para ito (pagpapapayat) sa anak ko, gusto kong makita
siya sa paglaki niya."
Ehersisyo, dieta ang kailangan
Sumikat ang mang-aawit sa opera na si Nolyn Cabahug dahil sa kakaibang
boses. Bunga ng kakaibang boses na ito, natabunan ng pag-awit ang
katotohanang mataba siya.
Kapag sinabing mang-aawit sa opera, tanggap na umano na mataba
talaga ang mang-aawit. Wika nga sa Ingles, "it ain't over 'til
the fat lady sings."
Pero sa bigat na 122 kilo, pananakit ng likod ang umaatake kay
Cabahug.
Aniya: " 'Yung pananakit ng likod ang nagpapaalala sa akin
na magbawas ng timbang na tumagal ng apat na taon."
Matapos ang apat na taon na pagdidieta, bumagsak ang timbang ni
Cabahug sa 93 kilo. Puntirya niya ngayon na maging 79 kilo.
May benepisyo ang pagbaba ng timbang ni Cabahug. "Ngayon maganda
ang pakiramdam ko at mas madali ang kumilos at maayos ang pagtulog."
Maging sa boses at pag-awit, ani Cabahug, ay may maganda ring dulot
ang pagpayat niya.
Nalampasan ni Cabahug ang pagsubok sa pagpapayat kaya hinihimok
niya ngayon ang anak na si Marian para simulan na rin ang seryosong
dieta.
Sa edad na 24, tumitimbang si Marian ng 122 kilo. Sa edad na dapat
sana ay malusog siya at malakas, napakarami nang sakit ng dalaga.
Apat na beses na siyang naospital dahil sa abnormal na tibok ng
puso at alta-presyon. Sa kanyang pagtulog, nahihirapan ding huminga
si Marian dahil sa labis niyang katabaan.
Ayon sa mga doktor, kandidata si Marian ng atake sa puso.
Lubha ring mataas ang lebel ng asukal sa dugo ng dalaga. Sa katunayan,
bunga nito ay minsan na siyang nakatulog habang nagmamaneho.
Mahilig si Marian sa pagkain ng cake. Karneng baboy at pritong
manok ang paborito niyang ulam. Hindi rin mapigil ang hilig niya
sa pagkaing matatamis.
Sa tabi ng kanyang kama ay mayroong kung ano-anong mga pagkain
at biskwit para sa mga oras na magugutom siya kapag sa gabi bago
matulog.
Ngunit sa kabila ng mabigat na timbang, tiwala sa sarili si Marian.
Palagi siyang nag-aayos ng sarili at mahilig magbihis nang maganda.
Napag-aralan na rin ni Marian na baguhin ang ihip ng sitwasyon
sa pang-araw-araw niyang buhay. Kaya imbes na siya ang maging katawa-tawa,
siya mismo ang nagpapatawa.
Pero sa likod ng mga biro, seryoso ang banta ng katabaan ni Marian.
Para kay Cabahug, kung nagawa niyang magpapayat, walang dahilan
para hindi ito makaya ni Marian.
Ayon sa ama, nais niyang pumayat na rin ang anak para sa sarili
niyang karera sa pag-awit at pagkakaroon ng pamilya.
|