"9/11:
Isang pagbabalik-tanaw"
NEW YORK - Iniwan ng trahedya sa World Trade Center (WTC) noong
Setyembre 11, 2001 ang isang bangungot na nararanasan pa rin ng
buong mundo hanggang sa ngayon.
Kabilang na rito ang mga pamilyang Pilipino na naapektuhan ng
trahedya.
Isa na rito ang pamilya ni Asuncion de Chavez. Nawalan si de Chavez
ng isang anak sa nabanggit na trahedya.
Isang pangkaraniwang araw iyon ng Martes para kay Jaycerell, anak
ni de Chavez. Maagang pumasok noon sa opisina si Jaycerell sa
ika95 palapag ng WTC.
Walang kaalam-alam ang mag-ina na iyon na ang huli nilang pagkikita.
Sa trabaho na rin narinig ni de Chavez ang balita. Tinangka niyang
tawagan ang opisina ng anak ngunit walang sumasagot.
Kinabahan si de Chavez kung kaya nagtungo siya sa simbahan.
Ngayon, makalipas ang isang taon, tanggap na ni de Chavez ang
pangyayari. Tanggap na nilang nawawala lang ang anak, nagkasakit
ng amnesia ngunit balang araw ay uuwi rin sa kanilang tahanan.
Ngunit aniya, mahirap na nga ang mamatayan, mas masakit kung walang
bangkay na mapagluluksaan ang pamilya.
Para kay Jaycerell o JC, tanging abo mula sa mga gumuhong gusali
ang alalala ng kanyang pamilya. Plano ng mga de Chavez na ilagak
sa isang mausoleo ang abo upang doon bisitahin ang namayapang
anak. Isa si Jaycerell sa 18 Pilipinong nasawi sa atake ng mga
terorista sa WTC.
Panganay sa tatlong magkakapatid, pangarap niya noon pa man na
makapagtrabaho sa WTC. Natupad naman ang kanyang pangarap. Sa
edad na 24, isa na siyang portfolio analyst sa Fiduciary Trust
International.
Sa kanilang bahay, wala pa ring binabago ang kanyang mga magulang
sa ayos ng kuwarto ni Jaycerell. Ang tanging nadagdag, isang bandila
ng Estados Unidos na nakalatag sa kama. Kumpleto pa rin ang kanyang
mga damit sa tokador.
Sa isa pang kuwarto, naroon ang mga tropeo, sombrero at iba pang
paboritong gamit ni Jaycerell na tila naghihintay sa kanyang pagbabalik.
Matapos
ang 365 na araw
Isang taon makalipas ang trahedya, hindi lang ang pamilya de Chavez
ang patuloy na nagluluksa kundi ang buong Amerika. Damay rin ang
buong mundo.
Ang dating sentro ng kalakalan sa downtown Manhattan, ngayon ay
mistulang sementeryo. Nabago ang mukha ng New York para sa libo-libong
nasawi at nagbuwis ng buhay noong araw na iyon ng Setyembre 2001.
Nasaksihan ng mang-aawit na si Carmen Patena ang malagim na pangyayari.
Isang gusali lang ang pagitan ng kanyang tinitirhang apartment
building sa WTC.
Ngunit kahit minsan, hindi niya nabisita ang tinaguriang "Ground
Zero."
Sa kauna-unahang pagkakataon, sinamahan niya ang The CORRESPONDENTS
sa paglapit at muling pagbuhay sa alalala.
Sariwa pa sa kanyang alaala ang kaguluhan, sigawan at iyakan ng
mga tao. Makalipas ang isang taon, apektado pa rin si Patena sa
mga pangyayari.
Maging ang kanyang asawa ay nakaranas ng trauma bunga ng pangyayari.
Makalipas ang isang taon, naisalba man ang mga gusali, hindi pa
rin normal ang takbo ng mga negosyo. Hanggang ngayon, mayroon
pa ring mga gusaling itinatayo muli at kinukumpuni. Mayroon ding
bakante at tuluyan nang inabandona.
Hindi rin nakaligtas ang malaking tanggapan ng koreo sa harap
ng Ground Zero dahil isinara ito ng mga awtoridad.
Sa kabila nito, isang viewing platform ang binuksan para sa mga
turista.
Simula nang itayo ito, 25,000 tao kada araw ang bumibisita sa
Ground Zero.
Sa dami ng turista, nalampasan pa nito ang dami ng tao na bumibisita
sa Empire State Building.
Tulad ng inaasahan, marami ang naluluha sa pagmamasid sa lugar
ng trahedya. Ngunit marami rin ang nagpapakuha ng litrato bilang
alaala.
Tunay na nag-iiwan ng alalala ang lugar na ito para sa mga turista.
Ngunit para sa nabiktiktimang pamila tulad ng mga de Chavez, ang
Ground Zero ay isang mapait na patunay na hindi na maibabalik
ang nakaraan.
Patuloy
ang paggunita
Samantala, sa likod ng trahedya, umusbong ang mga bayani ng nagmalasakit
para sa kanilang kapwa.
Isa na rito si Rebecca Canalija na mula sa Cebu. Nagtatrabaho
bilang nurse si Canalija sa New York University Downtown Hospital.
Ilang metro lang ang layo ng ospital sa gumuhong WTC.
Karamihan sa mga nasawi at agaw-buhay, sa ospital nina Canalija
isinugod
Bunga nito, itinayo sa Battery Park sa Manhattan ang isang bantayog
para sa alaala ng mga nagbuwis ng buhay.
Karangalan ang bantayog na ito para kay Canalija. Nakabilang siya
sa mga bayani na itinuturing na mukha ng Ground Zero ayon sa magasing
LIFE.
Labing-limang taon na si Canalija sa New York. Umalis siya sa
Cebu upang makipagsapalaran sa Amerika. Sa mga nagdaang taon,
hindi lang magandang buhay ang kanyang nakamit. Mapalad din siya
dahil nakabilang sa kasaysayan ang kanyang pangalan.
Kasabay nito, iginawad kay Canalija ang Front Line Heroes' Award
ng Philippine Independence Day Committee sa nakalipas na pagdiriwang
ng Araw ng Kalayaan sa New York.
Sa New York rin, isang diyaryo ang nagsilbing tagapaglarawan ng
mukha ng trahedya para sa mga Pilipino. Tatlumpung taon nang inilalathala
ang Filipino Reporter at binabasa sa buong Amerika.
Nag-oopisina ang diyaryong ito sa ika-anim na palapag ng Empire
State Building. Makaraang bumagsak ang WTC, ang Empire ang itinuring
na pinakamataas na gusali sa buong New York.
Pahayag ni Edmund Silvestre, peryodista, hindi naging madali para
sa kanila na maghanap ng Pilipino na nabiktima sa trahedya.
Mula noon hanggang ngayon, mahirap ang paghahanap at paglapit
sa mga biktima. Ganito ang naranasan ng The CORRESPONDENTS nang
bisitahin si Nenita Grijalvo, taga-Iloilo na nakatira ngayon sa
distrito ng Queens.
Biktima rin si Girjalvo ang trahedya. Namatay ang asawa niyang
si Ramon, isang computer analyst sa ika-22 palapag ng isa sa mga
tore ng WTC.
Ngunit 'di tulad ng karaniwang biktima, nabuhay si Ramon ng apat
na araw. Sunog na sunog ang katawan ng lalaki nang matagpuan ng
mga awtoridad. Apat na araw siyang sumailim sa pangangalaga ng
mga doktor. Ngunit huli na ang lahat nang mabalitaan ito ng kanyang
asawa.
Sa ngayon, kung mababago lang ang lahat, kung maibabalik ang nakaraan,
nais ni Grijalvo na makitang buhay pa ang kanyang asawa.
Isang pangkaraniwang araw ng Martes para sa lahat na binago ng
trahedya. Para sa mga pamilya tulad ng mga Grijalvo, permanente
nang lamat ang pangyayaring iyon. Makalipas ang isang taon, patuloy
pa rin ang paggunita sa trahedya ng kahapon at pag-aabang sa sagot
ng kinabukasan.