Ito
ang personal na karanasan nina Jim Libiran, Ed Lingao at Patrick
Paez ng The Correspondents, ang kauna-unahang grupo mga Pilipinong
mamamahayag mula sa ABS-CBN News and Current Affairs na nakatuntong
sa lupain ng Afghanistan nitong Nobyembre 2001 at makapaghatid ng
ulat sa kalagayan ng isang bansang nilamon ng digmaan sa loob ng
tatlong dekada.
KABUL,
Afghanistan - Limang oras lang daw ang biyahe mula Jalalabad,
Pakistan, hanggang ng Kabul, Afghanistan. Binalaan na kaming ito
ang pinakapeligrosong parte ng biyahe.
Akala
namin, nanakot lang sila. Paano nga naman, napakaganda ng paligid.
Para kaming pumasok sa black hole at napunta sa panahon ni Kristo.
Pero
ito ang unang hukbo na sumalubong sa amin, hukbo ng mga kambing
at tupa.
Para
kaming mga turista. Manghang-mangha sa paligid. Panay ang picture-taking.
Mahaba ang biyahe, maalikabok pero panlaban namin sa antok si
Dennis (Sabangan, isang photojournalist.)
Sobrang
ingat ng driver namin. Kaya tuloy, nadisgrasya kami. Hinarang
kami ng mga (bandido). Armado at maiinit ang ulo. Pinaakyat sa
burol ang van namin, tinutukan kami ng baril.
Pinababa
ng sasakyan at pinalakad palayo. Yari. Totodasin na yata kami.
Si
Val Cuenca, beteranong cameraman namin, nagawa pa niyang mag-roll
ng camera.
Nakiusap
kami pero di nila kami naintindihan.
Unang
pinagdiskitahan ang mga gamit namin tapos ay pera at iba pang
laman ng bulsa namin.
Si
Patrick (Paez) ang pinag-initan tapos, si Val at ang camera.
Panay
ang kasa nila ng baril, nananakot habang ninanakawan kami.
Maya-maya,
pinabalik na kami sa sasakyan. Papalayo na ay nililingon pa rin
namin sila. Baka bigla kaming barilin sa likod.
Kalmado
kaming lahat -- asar pero kalmado. Takot, pero alerto.
Inagaw
nilang lahat ang gamit at pera namin...pati 'yung akala nila'y
Philippine dollars.
At home kami?
Dahas at armas ang batas dito. Mas mahal pa yata ang kambing kaysa
buhay ng tao.
Ito
pala ang Afghanistan. Di nalalayo sa gulo ng Pilipinas.
Wala
kaming imikan sa sasakyan. Naintindihan namin ang babala nila
-- peligrosong lugar nga ito.
Di
lahat ng nakakapasok sa bansang ito ay nakakalabas nang buhay.
Walong
oras na puro bundok, bato at alikabok. Tapos, mga wasak na gusali
at bahay.
Ito
ang siyudad ng Kabul, napasok namin apat na araw matapos lisanin
ng gobyernong Taliban.
Bugbog
na sa tatlong taong dekadang giyera, winasak pa itong lalo ng
mga milyong dolyar na bomba ng U.S. fighter jets.
Tahimik
ang mga kalye ng Kabul, tahimik pero hindi payapa.
Oo
nga't may busal na ang mga pangil ng giyera pero nakahanda pa
rin itong sumabak sa labanan ano mang oras.
Terible
ang kasaysayan ng lugar na ito. Ang dating ganda at eleganteng
siyudad, ilang ulit nang sinagasa ng digmaan pero patuloy pa rin
siyang ipinaglalaban.
Anong
misteryosong ganda ang itinatago ng makapal na belo ng alikabok
at giyera?
Narating
namin ang Kabul sa isang makasaysayang yugto nito.
Nang
mag-report kami ng live sa Pilipinas, ang pinakamalaking balita
ay tungkol din sa sinapit namin.
Ang
totoo, asiwa kami sa report na iyon. Nagpunta kami dito para maghanap
ng balita, hindi para ibalita ang sarili namin.
Di
namin alam na marami pala silang [mga bandido] bibiktimahin. Journalists
ang puntirya ng mga bandidong 'yun.
Mas
masaklap ang sinapit ng apat na foreign journalists kinabukasan.
Ni hindi daw sila ninakawan -- basta na lang pinaulanan ng bala.
Lahat patay.
Balisa
na rin kahit 'yung journalists na beterano sa giyera lalo na nang
biglang pagdadamputin ng Northern Alliance ang Pakistani drivers
at guides namin.
Maraming
Pakistani ang sumali sa Taliban kaya hindi sila mapapatawad ng
Northern Alliance.
Umaapaw
sa journalists ang Kabul Hotel Intercontinental. Buti na lang
at nabigyan kami ng five-star accommodation sa isang bakanteng
bodega sa halagang $100 bawat gabi.
Siksikan
na sa bodega, nagawa pa naming kumuha ng Japanese boarders.
Sandaling
tulog lang, gising agad. Kilos-peryodista, hindi turista.
Dito
sinubok ang tatag at tino naming lahat. Handa kami sa hirap at
peligro pero hindi sa sobrang ginaw.
Nagbibiro
pa si Ed (Lingao) nang mag-report (birthday niya noong araw na
iyon). Nakangiti pa kaming lahat pero pagkatapos, ito ang hindi
ninyo napanood. Gipit man at nagtitipid, di namin pwedeng pabayaan
ang kasama lalo na't bertdey niya.
Imbitado
pati manager ng hotel, si Shahir Mohamad, saksi sa malupit na
pamumuno ng Taliban.
'Philippine dollars'
Walang gobyerno dito sa Kabul. Nakikipaglaban pa ang Northern
Alliance at salat sila sa tao.
Wala
ding bangko. Mahina ang negosyo pero siksikan ang money changers
sa isang palengke dito. Saku-sako ang dalang pera.
Ayaw
ng "Philippine dollars." U.S. dollars at rupees lang
ang pwede.
Bagsak
ang ekonomiya, pati ang kanilang pera. One hundred U.S. dollars
ay katumbas ng 44,000 rupees.
Isang
bayong ng pera ang isang itlog. Dalawang bayong ng pera nila,
makakabili ng isang basket ng pagkain.
Biglang
naghigpit ang Northern Alliance sa mga dayuhang peryodista at
hinanapan kami ng visa.
Huhulihin
daw nila kami 'pag gumala nang walang papeles. Ang problema, di
pa naimprenta mga papeles. Ni wala pa yatang marunong mag-process
ng visa.
Dalawang
araw kaming nakapila sa Home Ministry Office.
Laging
ganito ang sitwasyon tuwing may bagong gobyerno dito. Noong panahon
ng Taliban, pati minister, hindi marunong bumasa.
Si
Fatah Darwish, 21, ang aming naging guide at translator, tagaluto
at runner namin kahit alam niyang gipit kami sa budget.
Malalim
mag-isip lalo't tungkol sa buhay at sa bansa niya. Malalim din
ang mga sugat na iniwan sa kanya ng giyera noon.
Labing-isang
taong gulang lamang siya nang bagsakan ng bomba mula sa isang
Russian helicopter. Walong taon siyang naratay sa ospital bago
muling nakalakad.
Walang katulad
Ngunit pinakagrabe daw ang pamumuno ng Taliban.
Pinakamatinding
biktima ng konserbatibong Taliban ang mga babae ng Afghanistan.
Inalisan
ng karapatan at sapilitang tinalukbungan ng kanilang tradisyunal
na belo -- ang burqa.
Dahil
burqa ang simbolo ng pang-aapi sa mga babae, ang paghuhubad nito
sa kalye ang naging matapang na porma ng protesta.
Nakita
namin ang isang babaeng guro sa eskuwela habang hinuhubad niya
ang kanyang burqa. Ayon sa babae, kahit alisin ang burqa, wala
pa ring trabaho ang mga babae.
Hindi
nga bawal magtrabaho tulad noong panahon ng Taliban. Ang problema,
walang bukas na negosyo, opisina o eskuwela.
Nasaksihan
namin ang kilos-protesta ng mga babae. Masyado daw nakatutok sa
labanan ang media. Baka nakakalimutan na ang mas mahalagang kuwento
dito-- ang buhay ng mga ordinaryong Afghan, lalaki at babae, matanda
at bata.
Higit
daw kaysa mga may hawak ng baril o mga pulitiko, ang pagbangon
at muling pagsigla ng isang bago't modernong Afghanistan ay nakasalalay
sa mga tahimik at di-kilalang mga taong ito.
Nasaksihan namin ang teribleng kagandahan ng siyudad na ito, ang
inosente at misteryosong mga mata sa likod ng mga burka, ang mga
pader, gusali, bahay na pinulbos ng sari-saring armas galing sa
mayayamang bansa.
Nakita
po namin ang simpleng pamumuhay ng mga taga-rito, ang kanilang
mga sugat, tatag, tapang at kabaitan.
Oo
nga't dinambong kami dito ng mga armadong bandido pero hindi sila
ang Afghanistan na maalala namin.
Tiningnan
namin ang mga guho sa Kabul at nakita ang mga batang halos lumpuhin
ng mga bomba. Tiningnan din namin ang mga natuyong sugat nila,
at nakita namin ang mga gusaling pinulbos ng tingga.
Sa
isip namin, darating din ang araw na sabay silang babangon.
Biyaheng-langit
Halos isang linggo din kami sa Afghanistan. Nakipagkiskisang-palad
sa mga maperang dayuhan at walang perang lokal (na mamamayan).
Kahit
yata ang tinulugan namin, ang Hotel Intercontinental-Kabul, akala
mayaman kami.
Natulog
lang kami sa sahig, walang kama, walang banyo pero walang pakialam
ang hotel kahit wala kaming budget.
Nagsiksikan
lang kami sa sahig. Iba pala 'pag nagkakaamuyan na kayo ng paa
ng mga kasama mo, masusubukan kahit ang pinakamatalik na pagkakaibigan.
Mayroon
pang nakisiksik na mga Hapon pero wais, hindi nakihati sa bayad.
Sa
pagtitipid, umabot sa puntong naglalaga kami ng itlog. Kung kakain
ka nga naman sa Intercon, dalawa lang pala ang putahe -- rice
with meat at rice with chicken.
Di
naglaon, nagpasya kaming umuwi gaya ng maraming peryodista. Ubos
na ang pera namin, tumataas ang presyo sa Kabul.
Tatlumpung
litrong gas, katumbas ng P2,000, may libre pang tubig na hinalo.
Dumarami
rin ang mga bandido't masasamang loob na nagsasamantala sa mga
peryodista.
Sinara
na ng mga bandido ang kalsada papuntang Pakista. Masuwerte ka
raw makatawid nang buhay. Pagkatapos problemahin ang papunta sa
Kabul, problema naman ngayon ang pauwi.
Mayroong
ilang... flights pero ang United Nations humihingi ng $2,500 bawat
tao para makasakay sa eroplano nila. Mabuti pa ang British Broadcasting
Corp. $2,000 lang.
Hindi
namin alam kung saan kukunin ang pera pero bahala na...si Batman.
Kung itutulak kami sa eroplano, okey lang. Basta hindi sa Kabul
ang bagsak namin.
Mula
Kabul, mahigit isang oras papuntang Bagram air base na hawak ngayon
ng British Marines.
Kitang-kita
sa daan ang init ng labanan sa lugar na ito. May ilang kaming
nakitang patay sa tabing kalsada pero ayaw tumigil ng driver.
Sa
Bagram air base, nag-abang kami sa tarmac ng kahit anong eroplanong
magsasakay sa amin.
Marami
sanang eroplanong nagkalat sa air base, hindi lang umaandar at
hindi pasahero ang sakay kundi bomba.
Susuko
na kami nang biglang dumating ang isang C-130 cargo plane ng United
Nations. Pansin kaagad ni Val Cuenca na sa pagmamaneho ng piloto,
akala mo, Sarao ang dala. Doon namin nalamang mapalad talaga ang
mga dukha.
Ang
crew ng C-130, puro Pilipino na naghahatid ng relief goods sa
Afghanistan. Higit sa lahat, babalik sila sa Pakistan.
Sila'y
mga piloto ng kompanyang Transafrik, sina Capt. Rudy Petican at
co-pilot Cesar Manzano. Sanay na sila sa war zone at sila lamang
ang mga pilotong pumayag magdala ng relief goods dito sa Afghanistan.
Suwerte
pa namin dahil iyun daw ang una at huling beses nilang lumapag
sa Bagram air base.
Laking
gulat ng mga kasama naming peryodista nang malamang nakalibre
kami ng sakay. Matapos maibaba ang kargamento ng eroplano, nagmamadali
kaming sumakay pero habang sumasara ang rampa ng eroplano, nakaramdam
kami ng biglang lungkot.
Kulang
pa nga ang aming itinagal sa Kabul upang sapat na maintindihan
ang bayang ito. Pero maraming ipinabaon sa amin ang Afghanistan.
Maraming bangungot, pero marami ring pangarap.
Nakilala
namin ang mga pangkaraniwang tao na pilit itinatayo ang kanilang
dignidad sa isang di pangkaraniwang panahon. Ngunit higit sa lahat,
sa salamin ng Afghanistan, minsa'y nakita rin namin ang aming
mga sarili.