New Zealand: Bagong lupain ng pangako para sa Pinoy
 

"Pinoy New Zealand dream"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Ulat ni Abner Mercado

AUCKLAND, New Zealand - Kadalasan, sa Amerika at Canada nakatuon ang pansin ng mga Pilipinong naghahangad na lumabas ng bansa para hanapin ang magandang kapalaran.

Pero sa pagkakataong ito, matutuklasan nating mayroon pang ibang bansa na maaaring puntahan ng mga Pilipino, isang lugar na naghahatid ng maraming pagkakataon lingid sa kaalaman ng iba.

Mula sa Maynila, bumiyahe muna ang The CORRESPONDENTS ng mahigit isang oras patungong Hong Kong. Pagdating sa Hong Kong, lumipat ng eroplano ang grupo upang maglakbay ng 10 oras patungo sa Australia at sa wakas, sa New Zealand.

Sa bansang ito nakilala ng grupo ng The CORRESPONDENTS ang iba't ibang mukha at kwento ng mga Pilipinong sumugal, nagtagumpay at patuloy na nakikipagsapalaran sa guhit ng tadhana..

Isa sa kanila si Salvacion Navarette na naglilingkod bilang mayordoma sa isang pamilyang Lebanese sa Auckland, si Rose, anak ni Navarette, na naging susi ng buong pamilya upang makarating lahat sa New Zealand, at si Vic Guidote na dinala ang buong pamilya dito upang gumawa ng panibagong yugto ng buhay.

Ilan lang sila sa tinatayang 25,000 mga Pilipino na nasumpungan ang kapalaran sa New Zealand.

Higit na malaki ang New Zealand kaysa Pilipinas pero mas kakaunti ang tao rito. Batay sa mga kwento, mas marami ang bilang ng mga tupa rito kaysa tao sa New Zealand.

Sa pinakahuling pagtataya, umaabot sa 70 milyon ang mga tupa sa buong New Zealand pero kulang na kulang ang mga manggagawa. Bunga nito, umunlad agad ang mga Pilipino na nakatuklas ng kayamanan ng bansa dahil sa angkin nilang sipag at tiyaga.

Pero sa kasaysayan, una ang mga Europeo sa mga tao na nakarating sa mga isla noong kalagitnaan ng ika-16 na dantaon. Sa kabila nito, tanging mga Ingles lang ang nagtagumpay na makasakop sa mga isla noong kalagitnaan ng ika-17 dantaon.

Nagtagumpay ang mga Ingles na kaibiganin at noong kalaunan, ay sakupin ang mga katutubong Maori na dantaon nang naninirahan sa mga isla na tinagurian nilang "Aoteroa" o kung isasalin sa Filipino, "lupain ng mahabang puting ulap."

Biyaheng sa lugar ng Kiwi
Nitong Marso, bumiyahe ang The CORRESPONDENTS sa Auckland upang saksihan kung papaano mamuhay dito ang mga Pilipino.

Dito sa Manurewa, isang lugar sa timog na bahagi ng Auckland, natagpuan ng grupo si Gng. Salvacion Navarette, 75, na mula sa Las Piñas sa Pilipinas.

Dinala si Navarette sa New Zealand ng anak niyang si Rose na mahigit 18 taon nang naninirahan dito.

Sa kabila ng kanyang edad, ninais ni Navarette na magtrabaho pa rin. Nabiyayaan siya ng mabait na amo kung saan siya nagtatrabaho bilang mayordoma sa bahay.

Aniya, wala na siyang mahihiling sa mga amo dahil lubha silang mababait sa kanya. Gayundin, ani Navarette, higit na maginhawa ang kanyang buhay sa New Zealand kumpara sa Pilipinas.

Ngunit sa kabila ng ginhawang tinatamasa kasama ng pamilya, naroon pa rin ang pangungulila ni Navarette sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.

Araw ng Linggo, nagtungo ang The CORRESPONDENTS sa bahay ni Rose Scholes, anak ni Navarette, sa lugar ng Devenport sa Auckland. Kasama ng grupo sa pagbisitang ito si Navarette.

Si Scholes ang nagdala sa kanyang ina at mga kapatid sa New Zealand.

Sa pamamagitan ng pag-iimbita para sa salo-salo noong araw na iyon ng Linggo, pinatunayan nina Scholes, Navarette at ng kanilang mga kapamilya na hindi pa rin nawawala ang tradisyong Pinoy sa puso nila kahit wala na sila sa lupang tinubuan.

Mayroong dalawang anak si Scholes sa asawang si Steve, isang Kiwi. Kiwi ang tawag sa mamamayang ipinanganak sa New Zealand.

Sa loob ng 18 taon na paninirahan sa New Zealand, nakamtan na ni Scholes ang masaganang buhay. Kaya ngayon, siya ang tumutulong sa mga kababayang Pilipino na napapadpad sa bansangi to.

Sa bahay ni Scholes naninirahan ang ilan sa mga Pilipino na nag-uumpisang mamuhay sa New Zealand, tulad ni Malou Botor na nagmula sa Makati at Myra Sanchez na galing Cebu.

Iisa ang kwento nina Botor at Sanchez. Nais nilang humanap ng higit na magandang kapalaran kaya sila nagtungo sa New Zealand. Pero tulad ng mga Pilipino na bagong salta sa ibang lugar, dumanas din sila ng kalungkutan.

Ani Sanchez, hindi niya napigilan ang pagtulo ng mga luha noong mga unang araw niya rito.

Samantala, sa kalapit na pamilihan sa bahay ni Scholes nagtatrabaho ang kapatid niyang si Jun Navarette. Aniya, madali ang trabaho sa New Zealand kung hindi magiging mapili ang Pilipino.

Sa mga pamilihan tulad ng pinaglilingkuran ni Jun Navarette madalas unang masabak ang mga Pilipino sa trabaho. Ito ang pinakamadaling tuntungan para makapagsimula ng bagong buhay sa New Zealand.

Patunay dito ang tagapangasiwa ng pamilihan na nakilala lang ng <i>The CORRESPONDENTS</i> sa pangalang Alex. Ani Alex, nagmula siya sa Surigao.

Ganito ang uri ng buhay na sinuong ng mga tulad nina Navarette, Scholes at Alex sa unang mga araw nila sa New Zealand. Ganito ang naging kapalaran nila sa unang mga panahon ng pagtakas sa bayan na pinagmulan para makamit ang inaasam na mabiting kapalaran.


Alsa-balutan
Noong Nobyembre 2003, hinakot ni Vic Guidote ang kanyang pamilya mula Pilipinas patungo sa New Zealand. Ngayon ay nakabase sila sa Auckland.

Si Guidote at asawang si Estrella ay iilan sa mga Pilipinong lumihis sa tinaguriang "American o Canadian dream." Sa halip, dito sila sa New Zealand humanap ng pangarap na magandang buhay.

Ani Guidote, mayroon siyang matatag na trabaho sa Pilipinas, gayundin ang kanyang asawa. Sinabi ng lalaki na naglilingkod siya bilang nakatataas na opisyal sa isang kompanya sa Makati at empleado ng kompanya ng telepono ang asawa.

Ngunit anila, higit pa sa mga benepisyong alok ng mga kompanya sa Pilipinas ang nakita nilang pangako sa New Zealand.

Halos apat na buwan pa lang naninirahan ang mag-asawa sa New Zealand pero naging mapagbigay ang hamon ng kapalaran sakanila.

Nagkaroon agad ng trabaho si Guidote at madaling nakabili ng sariling sasakyan.

Kumpara sa mga siyudad sa Amerika o Inglatera, kakaiba ang uri ng buhay sa New Zealand dahil hindi kinakailangang magmadali para kumita ng pera.

Sagot ni Guidote, nagsisikap din ang mga Kiwi sa kanilang mga trabaho pero hindi sila alipin nito dahil mahalaga ang konsepto ng pamilya para sa kanila.

Alikabok lang ang mga Guidote sa malawak na lupain ng New Zealand. Pero anila, higit nang mabuti ito dahil natagpuan nila sa New Zealand ang katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay.

Pinatunayan ng mag-asawa ang kanilang katapangan nang sumugal sa kapalaran para maglakbay sa ibang bansa. Anila, wala silang kakilala at wala ring kamag-anak na sinilungan noong dumating dito.

Anila, kung sugal na maituturing ang kanilang ginawa, matatawag din nilang sugal ang ginagawa ng mga Pilipino na nananatili sa Pilipinas dahil di-tiyak ang kapalaran doon.

Pero sa dalampasigan ng New Zealand, anang mag-asawa, nakatitiyak silang magiging maganda ang kanilang kapalaran.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com