Pangarap ng Pinoy natupad sa New Zealand
 

"Pinoy New Zealand dream, ikalawang yugto"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Ulat ni Abner Mercado

AUCKLAND, New Zealand - Para sa tinatayang 25,000 na mga Pilipinong narito, kilala ang New Zealand bilang isang bansang lihis sa pangarap na karangyaang hatid ng Amerika at Canada.

Dito nakilala ng The CORRESPONDENTS ang mga Pilipino na nakatagpo ng ginhawang naging mailap sa kanila sa Pilipinas. Isa sa kanila si Salvacion Navarette na mula Las Piñas. Sa New Zealand nagtatrabaho si Navarette bilang mayordoma ng isang mayamang pamilya.

Natagpuan ni Navarette sa bansang ito ang isang pangarap na hindi niya inakalang magkakatotoo: ang maginhawang pamumuhay.

Gayundin, dito nakilala ng The CORRESPONDENTS si Rose Scholes, anak ni Navarette na nakapag-asawa ng isang "Kiwi," palayaw ng mamamayan ng New Zealand. Mahigit 17 taon nang naninirahan si Scholes sa bansang ito. Siya rin ang naging dahilan kung bakit napunta rito ang mga miyembro ng pamilya niya sa Pilipinas.

Ilan lang sila sa mga Pilipinong nakipagsapalaran at pinalad sa New Zealand, isang bansang hindi maramot sa mga oportunidad para sa mga taong handang humarap sa pagsubok.


'Tokayo'
Sa ikalawang yugto ng paglalakbay ng The CORRESPONDENTS sa bansang ito, nakilala ng grupo si Abner Natividad, isang nars, 29, na tubong Tanauan, Batangas.

Ani Natividad, malaki ang pangangailangan ng New Zealand para sa mga nars na tulad niya. Kaya noong magkaroon siya ng pagkakataong mangibang-bansa, umalis siya sa pinaglilingkurang ospital sa Pilipinas at lumipad patungong New Zealand.

Kung tutuusin, katumbas ng P80,000 kada buwan sa Pilipinas ang sweldo ni Natividad sa kanyang trabaho rito. Bunga nito, nakapagpundar na siya ng mga ari-arian para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas tulad ng asawang si Mary Ann at mga anak na sina Aaron at Aliza na pinagsusumikapan niyang mabigyan ng magandang kinabukasan.

Isinama ni Natividad ang The CORRESPONDENTS patungo sa kanyang trabaho sa Auckland City Hospital. Sa loob ng sasakyan, pawang mga awiting Pilipino ang pinapatugtog ni Natividad, patunay na hindi pa niya lubusang nalilimutan ang tinubuang bayan.

Pag-uwi mula sa trabaho, dumaan sa isang tindahan si Natividad upang bumili ng birthday card para sa kaarawan ng panganay niya sa Pilipinas.

Sa kanyang inuupahang bahay, ipinakita ni Natividad sa The CORRESPONDENTS ang mga larawan nina Mary Ann, Aaron at Aliza. Bakas sa mga mukha nila ang katuwaan sa mga litratong ipinadala nila kay Natividad.

Nakapanayam din ng The CORRESPONDENTS si Mary Ann. Anang babae, batid niya ang sakripisyo ng asawa sa New Zealand at kung papaano binabalikat ni Natividad ang matinding pangungulila sa kanila.

Pinatotohanan ni Natividad ang kalungkutan nang minsang isama ang The CORRESPONDENTS sa liwasang pasyalan ng mga pamilya. Aniya, sa ganitong mga pagkakataon ay lumalatay ang kalungkutan kapag naaalala niya ang pamilya sa Pilipinas.

Ani Natividad, nalulungkot siya dahil nakikita niya ang katauhan ng kanyang mag-iina kapag nakikita ang katuwaan ng mga pamilya sa parke. Pero sa kabila nito, umaasa rin siyang balang araw ay magkakapiling niya ang pamilya kung hindi man sa Pilipinas, dito sa New Zealand.

Mula Capiz hanggang Auckland
Nagmula sa Capiz si Genelyn Brabet, 41, kasalukuyang naninirahan sa New Zealand. Nakapag-asawa siya ng isang Kiwi, si Reginald Brabet, 77.

Nabigo sa una niyang pag-ibig si Reginald. Pero sa ikalawang pagkakataon, natagpuan ng Kiwi ang tunay na pag-ibig sa piling ng Pilipinang si Genelyn.

Nagkakilala ang dalawa sa isang malaking tindahan sa Malate, Maynila, noong 1986. Matapos pakasalan, sa New Zealand nanirahan ang mag-asawa.

Biniyayaan ng dalawang anak ang mga Brabet--sina Paul, 16, at Lance, 5.

Sa ngayon, sa kulturang Kiwi na lumalaki ang mga anak ni Genelyn. Maging siya, naimpluwensyahan na rin ng pamumuhay dito.

Pero aniya, noong mga unang taon ay naging mahirap para sa kanya na makisalamuha sa mga Kiwi. Anang babae, minamaliit ng mga Kiwi ang mga taong kaiba sa kanila, lalo na ang mga Asyano.

Ngunit sa pagtagal ng panahon, napagtanto rin ng mga Kiwi na mabubuting tao ang mga Asyano, partikular ang mga Pilipino.

Bagama't malayo sa lupang pinagmulan, tinanong ng The CORRESPONDENTS si Genelyn kung nasaan ang puso niya: sa Pilipinas na kanyang tinubuan o sa New Zealand na naging tahanan niya sa loob ng 17 taon.

Ani Genelyn, kahit ano ang mangyari ay mahal pa rin niya ang Pilipinas. Iyon nga lang, dito na siya naninirahan kaya kailangan niyang makibagay sa pamumuhay bilang mamamayan ng New Zealand.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com