|
Natupad
na pangarap
"Dear Joe" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Enero 23, 2006
Ulat
ni Rose Eclarinal
Kung
titingnan ay mistulang mag-ama na sina Gualen Morgado at Scott Holmes
dahil malayo ang agwat ng mga edad nila. Pero sabi nga, ang pag-ibig
ay walang sinasanto.
Beinte-dos
anyos lang si Morgado, bunso sa walong magkakapatid. Hindi na niya
natapos ang kursong Computer Science dahil walang pantustos ang
ama niyang magbubukid parasa kanyang pag-aaral.
Bunga
nito ay namuhunan si Morgado para "Internet chat." Ito
ang ginawa niya para makapag-asawa ng banyaga.
Dagdag
ni Morgado, Internet chat lang din ang nakikita niyang paraan para
maibsan ang kahirapan ng pamilya.
"Bale
praktikal na rin kasi mahirap kami...as in mahirap talaga,"
aniya.
Matapos
ang mahigit isang taon ng chat at pakikipagsulatan, daig pa ni Morgado
ang nanalo ng milyon-milyong piso sa lotto.
Ngayon,
isang malaking bahay sa Cabadbaran, Agusan del Norte, ang ipinatatayo
ng kasintahang Amerikano, si Holmes.
Edad
59 si Holmes, isang retiradong abogado na pinasok ang negosyong
"real estate" sa Hawaii.
Dalawang
beses na siyang nakipagdiborsyo at si Morgado ang ikatlong babae
na pakakasalan niya.
Sa
panig ni Morgado, sinabi ng Pilipina na ang bahay na ipinagagawa
ng kasintahan ang katuparan ng kanyang mga pangarap.
Bukod
sa bahay, isang malaking lote sa Cabadbaran ang nakatakdang bilhin
ni Holmes para sa nobya. Hindi lang iyon dahil maging ang pamilya
ni Morgado ay binigyan ng kabuhayan ng Amerikano.
Kabilang
dito ang mga tindahan ng karne at prutas para sa mga kapatid ni
Morgado. Mayroon din silang isang trak na magagamit para sa negosyo.
"Si
Scott din ang bumili ng mga ito, sa akin nakapangalan. Para sa pamilya
ko, para makatulong sa pamilya ko," sabi ng babae.
Hindi
lang mga kapatid ni Morgado ang nabiyayaan ni Holmes. Maging ang
pinsang niyang nagpondo sa Internet chat nila ni Holmes, may biyaya
rin.
Sabi
ni Morgado, mahal din ni Holmes ang kanyang mga kaanak kaya maging
ang barberya ng pinsan ay pinalagyan ng "air-con" at pinaayos
ang mga upuan.
'Fairytale'
Mistulang kwento ni "Cinderella" ang salaysay ni Morgado
kaya marami sa mga dalaga sa Cabadbaran ang naeengganyong makapag-asawa
ng mga banyaga.
"Second-class"
na bayan ang Cabadbaran. Pangunahing ikinabubuhay ng mga residente
rito ang pagsasaka at pangingisda kaya ganoon na lang kataas ang
pangarap ng mga babae sa bayan.
Batid
ito ni Jun Palarca, isang opisyal sa lalawigan. Aniya, nagsimula
ang lahat noong dekada '70 sa pamamagitan ng mga "pen pal."
Sa pagdating ng makabagong teknolohiya tulad ng "computer"
at Internet, lumawak ang mga posibilidad para sa mga residente.
"Makikita
natin dito na karamihan sa mga babae sa Cabadbaran ay mahilig sa
Internet chat. Siguro marami tayong makikita na mga babae na gustong
makapag-asawa ng foreigner," aniya.
Halimbawa
lang ang kaso ng mga babae sa Cabadbaran sa dumaraming bilang ng
mga Pilipino na nahihilig sa Internet chat. Sa tinatayang 84 milyon
na populasyon sa bansa, pitong milyon ang gumagamit ng Internet.
Sa
buong mundo, pangatlo ang Pilipinas sa mga pinakamataas na bilang
ng mga babae na gumagamit ng Internet kasunod ng Amerika at Canada.
Sa
susunod na mga taon, tinataya ng mga experto na lalo pang madaragdagan
ang bilang ng mga Pilipina na gumagamit ng Internet.
Patunay
dito ang mga babae sa Cabadbaran na mula sa pen pal ay umusad Internet
at kaakibat na teknolohiya nito.
Ayon
sa pamahalaang lokal ng Cabadbaran, noong 2005 ay mahigit 20 mga
babae sa bayan ang nakapag-asawa ng mga banyaga. Nagawa nila ito
sa pamamagitan ng Internet chat o "Internet dating."
Biruan
nga ng mga lalaki sa Cabadbaran, posibleng sila na ang maubusan
ng mga babae na mapapakasalan.
Lahat
may pakinabang
Bukod sa mga babae, may iba pang nakikinabang sa Internet. Sila
ang mga negosyanteng may-ari ng mga "Internet shop."
Wika
nga, maganda ang Internet para sa mga residente ng Cabadbaran. Sa
puhunang P50 kada oras, pwede nang makapamiliu ng kakwentuhan sa
pamamagitan ng chat.
Natutuwa
si Manuel Meloria, isa sa mga negosyanteng may Internet shop sa
bayan. Aniya, anim sa naging mga kostumer niya ang nakapag-asawa
ng mga banyaga.
Sa
Internet shop din ni Meloria nakilala ni Weng Lynch ang asawang
si David, isang Briton.
Kwento
ng "isang linggong pag-ibig" ang nangyari sa mag-asawa.
Noong una ay "e-mail" lang muna ang ipinadala ni David.
Kasunod nito, tinawagan niya si Weng.
"When
we talked, he said 'I'm David Lynch and I'm going to marry you,"
sabi ni Weng.
Hindi
problema kay David ang tatlong anak ni Weng mula sa unang asawa.
Sabi ni David, mamahalin din niya ang mga anak ni Weng.
Nagtatrabaho
sa Saudi Arabia si David noong makakwentuhan niya sa Internet si
Weng. Pangako ng Briton, pagbalik niya sa England ay aayusin niya
ang mga papeles para mapakasalan ang Pilipina.
Tinupad
ni David ang pangako. Matapos ang isang linggo, nagtungo siya sa
Pilipinas para pakasalan si Weng.
Aminado
si Weng na ayaw niyang makapag-asawa ng Pilipino dahil masama ang
karanasan niya sa dating kabiyak dahil ginugulpi siya ng lalaki.
Kaya
matapos mapawalambisa ng kasal, naghanap agad si Weng ng kapalit
sa pamamagitan ng Internet.
Kahit
ang tatlong anak ni Weng sa unang asawa, aakuin ni David. Sa Pilipinas
na rin balak magretiro ng Briton at dito rin sila magpapagawa ng
malaking bahay.
Kung
pera ang pag-uusapan, walang dapat problemahin si Weng. May sarili
siyang trabaho at kahit anong uri ng pagkakakitaan, pinapasok niya.
Ang
higit na importante ngayon, aniya, ay magkaroon siya ng katulong
sa pagtataguyod sa mga anak.
Si
Mr. Right
Natagpuan ni Morgado ang hinahanap niyang si "Mr. Right"
na makapal ang bulsa at mabait.
Sa
kaso ni Weng, natagpuan niya ang pangalawang sugal sa pag-ibig at
kasabay nito ay ang kanyang sandalan.
Aminado
ang dalawa na marami ang nagtatanong kung tunay ang nabibiling pag-ibig.
Marami ring nagtataka kung ano ang kapalit ng karangyaan sa pakikisama
sa isang tao na halos estranghero.
Pahiwatig
ni Morgado, higit na importante na maging praktikal. Ngunit aniya,
hindi humihingi ang kanyang mga kaanak kay Holmes.
Pero
sabi ng Amerikano, handa siyang tumulong dahil kaya niya.
Ang
pag-aasawa ng mga banyaga, partikular ang mga Amerikano, ang tinitingnan
ng ilan bilang paraan upang makaahon sa kahirapan. Hindi nag-iisa
ang babae rito dahil kasama sa pangarap ang kanyang buong pamilya.
Ngunit
hindi naging ganito ang kwento nina Morgado at Holmes noong una.
Sabi ng babae, noong una ay ayaw ng kanyang pamilya sa Amerikano
dahil kuripot umano.
Hindi
lang ang batikos na ito ang tinanggap nina Morgado at ni Weng. Pero
anang dalawa, wala itong problema sa kanila.
Sabi
ng dalawa, wala silang tinatapakan. Ang alam nila, natupad ang kanilang
pangarap at masaya ang kanilang pamilya.
|