"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 



'Pinoys in Paris'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

PARIS – Sa bawat sulok ng mundo, nagkalat ang mga Pilipino. Iba’t iba ang kanilang mga mukha at pagsubok na hinaharap.

Mayroon sa kanilang nagtatrabaho bilang drayber sa Saudi Arabia, nars sa Amerika o 'di kaya ay domestic helper sa Hong Kong.

Pero sa Paris, natagpuan ng The CORRESPONDENTS ang kakaibang trabaho ng isang Pilipino.

Sa unang tingin ay mapagkakamalang doña si Angie Lucas. Pero kung tutuusin, kung nasa Hong Kong siya ay domestic helper ang kategorya ni Lucas.

“Ang mga employer ko ay English-speaking. Ako ay house manager at kung sa atin, mayordoma iyon,” aniya.

Kaibang uri ng mayordoma si Angie
Hindi karaniwang mayordoma si Lucas. Aniya, “Kasi ako 'yung palaging iniiwan ng may-ari ng bahay at mayroon din akong mga katulong na siyang gumagawa ng trabaho.”

Ang among babae ni Lucas ay nagmula sa isang mayamang angkan sa Argentina samantalang ang amo niyang lalaki ay nagmula sa aristokrata ng Pransya.

Kung titingnan nga, hindi mayordoma si Lucas dahil mistulang doña rin siya sa dami ng suot na mga alahas sa katawan.

Aniya, sa maniwala at sa hindi ay 25 na taon na siyang nagtatrabaho sa Paris at namumuhay na tulad ng mga Pranses.

Pero pagdating sa pagpapatawa, Pinoy pa rin si Lucas.

Una siyang dumating sa Paris noong 1979 at nag-aral agad ng wikang Pranses.

Noong una, nagtrabaho siya sa isang tindahan bago lumipat sa pamilihan ng mga damit.

Pero ngayon, nagtatrabaho siya at naninirahan sa isa sa pinakamahal na lugar sa Paris.

May sariling pinto si Lucas sa gusali na tinitirhan din ng kanyang mga among aristokrata.

Tatlo ang “tauhan” ni Lucas. Dalawa sa kanila ay mga Portuguese habang ang isa ay Pilipino.

Kumpara sa karaniwang mayordoma, may sariling tinitirhan si Lucas.

Sa kanyang tinitirhan, tanaw na tanaw ni Lucas ang Eiffel Tower at mapalad siya dahil kung tutuusin ay nakopo niya ang isa sa pinakamagandang tanawin sa Paris.

Pakiramdam ni Lucas ay swerte siya sa trabahong nakuha. Siya ang unang Pilipina na nagging mayordoma ng mga amo. Bago siya, may nagsilbing Ingles at Español na mayordoma sa mga amo.

Sa 13 taon na paninilbihan niya sa mag-asawa, napatunayan ni Lucas na pinagtitiwalaan siya ng dalawa.

Kaya sinusuklian ni Lucas ang kabutihan ng mga amo sa kapwa niya mga Pilipino.

Noong panahong nangailangan ng isa pang katulong sa bahay ang mga amo, inirekomenda ni Lucas ang isang kababayang si Serelyn Anganay.

Nagtapos ng kursong Respiratory Therapy sa Pilipinas si Anganay ngunit wala siyang nakitang magandang trabaho.

Bunga nito, kumuha siya ng tourist visa papuntang Norway at pumuslit papasok ng Paris.

Dalawa’t kalahating taon nang nagtatrabaho si Anganay kasama si Lucas. Aniya, malaking kaibahan ang pagtatrabaho niya sa kasalukuyan amo sa iba pang napaglingkuran.

Kumpara sa ibang domestic helper, malaki ang kinikita ni Anganay. Sa isang oras, mayroon siyang 10 euro o 80 euro sa isang araw na pagtatrabaho.

Sa isang buwan, umaabot siya ng 1,200 euro o katumbas ng P100,000.

Samantala, si Lucas ay mayroong 2,100 euro na sweldo kada buwan o katumbas ng P200,000.

Pero sa kabila ng malaking kinikita, bukas ang mga mata ni Lucas sa realidad ng pagiging Pilipino sa Pransya.

“Ang Pinoy kahit ipinanganak dito ay hindi maaaring ilagay sa pinakamataas na posisyon dahil hindi naging kolonya ng Pransya ang Pilipinas. Kaya, hanggang doon lang tayo sa ibaba,” aniya.

Ngunit hindi lahat ng Pilipinong nakipagsapalaran sa Paris ay nakatisod ng magandang kapalaran tulad ni Lucas.

“Mayroong Pinoy na natutulog lang sa kung saan-saan kasi naloko ng illegal recruiter,” aniya.

Sa kasalukuyan, tinatayang may 80,000 Pilipino na nagtatrabaho nang legal sa Pransya.

Pero aminado ang embahada ng Pilipinas na mahirap bantayan ang mga Pilipinong ilegal na pumasok ng Pransya mula sa iba’t ibang bansa sa Europa.

Umiiral sa Europa ang batas ng Schengen. Nakasaad dito na maaaring maglabas-masok sa mga bansang lumagda sa kasunduan ang sinumang turista basta mayroong visa ng Schengen.

Ang problema, ang ibang mga Pilipino ay sinasamantala ang Schengen at hindi na umaalis sa bansang tinutungo nila bilang turista.

Babala ng embahada sa mga Pilipinong nagbabalak gumawa nito, huwag nang ituloy ang plano.

Ayon sa embahada, awtomatikong ipatatapon papalabas ng Pransya ang sinumang dayuhan na mapatutunayang ilegal ang paninirahan sa nabanggit na bansa.

Sinuwerte si Willy
Ngunit kaiba ang sitwasyon ng Pilipinong si Willy Leyba. Una siyang nakatuntong sa Paris noong 1987. Noong panahong iyon, maluwag pa ang batas sa imigrasyon.

Katulong sa bahay o houseboy ang unang trabaho ni Leyba hanggang sa natuto siyang gumupit ng buhok.

Noong 1995, nakapagpatayo siya ng sariling pagupitan sa mamahaling distrito ng Paris.

Sa ngayon, kilalang-kilala ang Willy Leyba Salon sa Paris. Bukod sa nag-iisang Pilipino si Leyba na nagmamay-ari ng pagupitan, patok din ito sa mga Pranses.

Sa simpleng gupit at pag-aayos ng buhok, 25 euro ang singil ni Leyba. Karaniwang singil lang ito sa Paris pero sa Pilipinas, katumbas nito ay P2,000.

Ipinagtapat ni Leyba na hindi madali ang pinagdaanan niya dahil noong una, wala siyang legal na dokumento ng pagtatrabaho sa Pransya kaya nagtiyagang magbahay-bahay para gupitan ang kapwa Pilipino.

Aniya, sa Paris ay hindi pwedeng magtrabaho o manggupit kapag walang diploma mula sa eskwelahan.

“Hindi naman diskriminasyon pero kapag bago ka, ayaw nila sa 'yo kaya dapat may ipakita mong magaling ka,” aniya.

Ang lahat ng tagumpay na tinatamasa niya ngayon, ayon kay Leyba, ay nakalaan sa mga kaanak niya sa Pilipinas.

Tatlo ang kapatid na pinag-aaral ni Leyba at siya rin ang tanging bumubuhay sa pamilya.


All-around si John
Sentro ng mga balita ang pagkamatay ni Yasser Arafat noong bumisita ang The CORRESPONDENTS sa Paris. Si Arafat ang lider ng Palestine Liberation Organization.

Nagluluksa noon ang mundo pero isang Pilipino rin ang malungkot sa pagpanaw ng lider.

Siya si John Franco, isang Kapampangan at alalay ng pamilya ni Arafat sa Paris.

“Parang kapatid ang turing nila sa akin kaya sa pagkawala [ni Arafat], parang nawalan ako ng kapatid.”

Si Franco ang pinagkakatiwalaan ni Arafat na magbantay sa asawa niyang si Suha.

Aniya, kinuha siya ni Arafat noong nagtatrabaho sa isang grupong may kaugnayan sa Palestine.

Bukod sa husay sa pagsasalita ng wikang Pranses at Arabo, bihasa rin si Franco sa paggamit ng baril kaya trabaho niya ang maging drayber, gwardya at alalay ng biyuda ni Arafat.

Ngunit pamilya ang turing sa kanya ng biyuda, ayon kay Franco.

Sa katunayan, magkalaro ang kanyang anak at anak ni Arafat.

Maging sa maseselang na pagpupulong na may kaugnayan sa PLO, kasama ni Arafat si Franco noong nabubuhay pa ang lider.

Wala nang masasabi si Franco sa kanyang amo. Aniya, karangyaan ang naibigay sa kanya ng paglilingkod kay Arafat.

Pero tulad ng ibang Pilipino, sa huli ay babalik at babalik siya sa probinsyang pinagmulan.

   
>>> Previous Episodes