Home • abs-cbnNEWs.com • Overseas Dispatch • Episode Feature |
|||||||
"Parusa” Ulat ni Bernadette Sembrano Maaga pa lang naghahanda na si Allen Canlas para sa magiging pakay niya sa araw na ito. Sa listahan ni Canlas, nakasulat ang mga pangalan ng bawat foundation at ospital na kanyang pupuntahan. Bitbit ang kaniyang mga importanteng dokumento, nagpaalam na siya sa kanyang pamilya. Sa East Avenue Medical Center sa Quezon City siya pansamantalang nakatira at mula nang napatira siya rito, halos araw-araw, ito ang gawain ni Canlas. Ang kanyang pakay: makapagpalimos ng gamot. Hindi niya iniinda ang init, pagod at gutom. Para ito sa kanyang anak na si Margie na may 10 buwan nang nakaratay sa ospital. Sa children’s ward, nakahiga lang si Margie buong araw. Ang kanyang tiyan, tila namamaga, halos kasinlaki na lang ng kanyang braso ang kanyang mga binti sa nipis nito. Sa unang tingin, parang bakas ng naiwang paso at pagsusugat ang nagkalat sa kanyang balat. Labing-isang taong gulang pa lamang siya, ngunit mabigat na ang sakit na kaniyang pinapasan. Noong nakaraan taon lang lumitaw ang karamdaman ni Margie. Adrenal gland tumor ang tawag sa pambihirang sakit ni Margie. Isa sa mga epekto nito ay ang pagtataas ng kaniyang blood pressure, pagkakaroon ng hypertension at pagnipis ng kanyang mga buto. “’Yung adrenal gland, yung organ na yan nakikita sa ibabaw ng kidney. Meron tayong dalawang kidney tapos yung adrenal gland niya nandiyan. 'Yung sa kanya unusually lumaki ng lumaki ng lumaki, kaya yung manifestation niya eto na nga yung hair, yung pigmentation, yung trunkal obesity at saka yung hypertension mataas yung blood pressure niya,” ang sabi ng kanyang doktor. “Ito mine-maintain niya apat na gamot para sa bp.. Tapos meron siya nurotin para sa kaniyang bukol at meron siyang morphine para sa kaniyang pain.. At meron siyang mga gamot na dapat inumin.. Kasi di siya nagtatae halos.. So araw araw,” kwento naman ng kanyang tatay. “Kailangan niya ito. Tas yung vitamin.. So marami siyang kinoconsume na gamot.. Binili ko nga po siya kanina ng siyam na gamot.. Siyam na klase ng gamot ang iniinom niya kada araw. Ang iba every four times a day pa yung iba,” dagdag pa niya. Walong buwan nang sumasailalim sa chemotherapy si Margie at kaakibat nito ang malaking gastusin para sa pagmintina ng mga gamot. Idagdag pa dito ang kanilang hospital bill na umabot na sa P200,000. “Pag nagkaroon pa siya ng pain, umiinom siya ng morphine, 30milligram. Tablet yon branded din yon na nagcocost ng P60 a day. Eh 2 tablets yon.. Puwera pa yung morphine, 3 tabs a day, 56 each tablet. So yun palang, abot abot P500 yung dalawang tabletas puwera pa yung nabibili naming pang-bp niya na kung wala kang mabiling generic, branded naman ang bibilhin mo, aabutin ng mataas,” anang ama. Wala nang trabaho si Canlas. Tumigil na siya para maalagaan ang anak. Kulang man ang pera nilang pambili ng gamot at kahit na naglilimos na lang siya para dito, handa naman daw niya itong gawin basta’t maibigay ang pangangailangan ng anak. Ayon sa World Health Organization, kabilang sina Canlas sa 70 porsyento ng mga regular na Pilipinong hindi nakakabili ng mga kinakailangang gamot. Malaking bahagi kasi ang kamahalan ng presyo nito kung bakit marami ang hindi nakakabili ng gamot. Tulad na lang ni Jocy Estacio na naabutan namin sa Quezon City General Hospital na punong-abala sa pagaasikaso sa naospital niyang kapatid na si Rogelio. Imbes na makatulong ang reseta sa kanila, tila mas bumibigat ang kaniyang kalooban sa tuwing nakakatanggap siya nito “Maya’t maya may mga reseta na pinabibili..eh di naman namin kasi alam na ano e. Hindi matapos tapos yung pabigay ng reseta,” ani Estacio. May isang linggo na ang tatay niyang si Rogelio sa ospital. Kakatapos lang niyang maoperahan sa gall bladder o apdo kung saan may nakuhang maliit na bato o gall stones na bumabara dito. Limang klase ng gamot ang kailangan inumin ni Rogelio na pumapatak ng halos P900 kada araw. “Ito tulad nitong gamot na to magkano rin yan, P750. ‘Pag pinagsama mo na itong tatlo, P900 rin ‘yan… Kailangan po namin ng tig-dadalawa niyan para makumpleto na siya,” ani Estacio. Hindi dito nagtatapos ang pagaalala ni Estacio. Sa katotohanan, sanay na siya sa mga ganitong sitwasyon pati kasi anak niya hindi naligtas. Sa sakit, walong taong gulang pa lang si Erika pero may problema na siya sa baga. Sa pamamagitan na lang ng pangangalakal natutustusan ni Estacio ang gamot at pangangailangan ng mga anak. Isa hanggang dalawang daang piso ang kaniyang kinikita rito, kulang na kulang para sa gamot na kailangan ni Erika. * * * Ang presyo ng gamot sa Pilipinas ay isa sa pinakamataas sa buong mundo. Mas mataas ng 50 hanggang 70 porsyento ang presyo rito kung ikukumpara sa ibang bansa sa asya. Pumapangalawa lamang tayo sa Japan sa pinakamataas na presyo ng gamot. Kung ikukumpara natin sa India at Pakistan, ang gamot na norvasc na iniinom para sa hypertension, P39.07 dito sa Pilipinas habang sa india ay halos anim na piso lang at halos walong piso lang sa pakistan Para sa simpleng sakit sa ulo at pananakit, ang ponstan ay nagkakahalagang P21.82 na dito habang sa India ay P2.58 lang at P1.29 lamang sa Pakistan. Ang gamot naman para sa asthma, P315 dito sa atin pero sa India kailangan lang ng P60.83 at sa pakistan ay P27.91, makakabili na nito. Kung isa tayo sa pinakamataas sa presyo ng mga gamot sa Asya, isa naman tayo sa pinakamababa pag dating sa pagpinansa ng gobyerno sa mga gamot. May 25 hanggang 90 na porsyento kasi sa mga Pilipino, mula sa sarili nating bulsa nanggagaling ang pambayad sa mga gamot. Ayon sa huling survey ng World Health Organization, umaabot sa P5,738 ang gastos sa isang sambahayan (household). Kung saan P841 o 15 percent dito ang napupunta sa kalusugan, at ang P48 percent naman o P400 ay napupunta sa pagbili pa lang ng gamot. Sa pamamagitan na lang ng kaniyang paglilimos nakakakuha ng gamot si Canlas. Ito lang ang kanyang inaasahan para matustusan ang pangangailangan ng anak “Naglalakad po ako araw araw kasi alam ko na pag lumapit ako sa ganon, hindi ako makakahingi kaagad, kundi maghihintay rin ako, babalik ako ng ilang araw para makahingi ng gamot,” aniya. “Tulad ng isang foundation, nung august pa ko nagbigay ng papel, eh last month lang ako nabigyan ng gamot. Ganun katindi yung paghahanap ng gamot, kailangan ng pasensiya,” aniya. Sa araw na hindi nakakakuha ng gamot si tatay, nalalaktawan sa paginom ng gamot si Margie. * * * Sumadya na sila sa botika, para malaman kung magkanong pera na naman ang kinakailangan nilang malikom para mabili ang gamot na magpapabilis sa paggaling ng kanilang pasyente. Rowena: Ate patingin lang po kung magkano ito. Ate: P2 ,700 Rowena: Ano iyan generic or branded? Ate: Branded. Branded P2,700 pero meron kaming generic P810. Halos triple ang halaga ng branded na gamot kontra sa generic. Malaking katipiran kung generic ang bibilihin ng magtiyahin, pero iba daw ang payo ng kanilang doktor. Rowena: Pagka-ano po, binibigyan kami ng gamot, branded. Kasi mas maganda po ang branded, mas sure na mabisa, tumatalab sa ano, sa pasyente. Kasi sabi ng doktor, pag niresetahan kami, di hamak na mas maganda po ang branded kesa generic, kasi mas mabisa ang branded kesa generic. “Branded” ang mga gamot na may tatak na kadalasang minamanupaktura ng mga multinational companies Sa Pilipinas, 96 porsyento ng uri ng gamot na binebenta sa pamilihan ay may tatak o branded samantalang 4 porsyento lamang ang generics. Matagal na hinintay ng mag-asawang Tolentino ang kanilang pagreretiro. Napagtapos nila ang kanilang mga anak at nakapagpundar ng magandang tahanan. Pero kung inaakala daw ng iba na nagpapakasasa lang sila sa kung anuman ang napundar sa deka-dekadang pagtatrabaho, malayong-malayo daw ito sa hinaharap nilang realidad ngayon. Nabubuhay lamang daw sila sa P10,000 pensyon ni Reynario mula sa pagiging dating government employee kaya kailangan daw nilang maging masinop sa paggastos, kasama na ang pantustos sa 12 klase ng gamot na kailangan ni Reynario araw-araw para sa kanyang sakit sa diabetes at altapresyon. Apat na klase ng gamot naman ang iniinom ni Carmelita para sa kanyang hypertension at high cholesterol. Ang pagbili daw ng generic drugs sa halip ng branded ang naging sagot sa mataas na gastusin nila noon. Naging malaking kaginhawaan daw sa kanilang budget ang kanilang naging desisyon. Ang mag-asawang Reynario at Carmelita ay ilan lamang daw sa dumadaming Pinoy na naghahanap ng alternatibong pagkukuhanan ng mas murang gamot Ayon kay Janet Estranero, isang opisyal ng botikang nagbebenta ng mga generic na gamot, patunay daw ang paglago ng franchising ng kanilang drugstore sa pagiging swak ng mga generic na gamot sa pangangailangang pangkalusugan at kakayahang pinansyal ng mga Pinoy. “Ang napansin namin ang mga tao sa umpisa susubukan nila iyan eh bibili sila ng konti kapag nakita nila na maganda ang epekto babalik sila, dumadami na iyung binibili tapos ikukuwento na sa mga kamaganak, kaibigan, kakilala, by word of mouth, nandoon talaga ang promotion. Siguro dahil sa hirap ng buhay pahirap nang pahirap, iyung mga tao nagiisip na rin,” aniya. Mas mura raw ng 30 hanggang 60 porsyento ang kanilang mga gamot kumpara sa mga pangunahing botika. Pero hindi rin naman daw pahuhuli ang kanilang generics na gamot sa mga nakasanayang branded dahil aprubado daw ang mga gamot nila ng bureau of food and drugs. “Mura man ang gamot o mahal, dumaan ng proseso ng evbaluation ng safety, efficacy and quality ng produkto… so whether iyan ay branded or generic pare-pareho ang pinagdaanangproseso niyan at once pumasa siya sa BFAD may marketing authorization na siya meaning o say it can be freely marketed. We can even export it,” ayonsa Bureau of food and Drugs. Hindi naman daw naging bulag at bingi ang pamahalaan sa daing ng mga mamamayan para sa mas murang gamot. Matatandaang isinama ng Pangulong Arroyo sa kanyang mga priority projects ang pagpapababa ng presyo ng gamot sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address noong 2001. Taong 2004 naman nang simulang isa-aksyon ang plano sa pagpapababa ng presyo ng gamot inilipat sa Office of the President ang Philippine International Trading Corporation (PITC) at binigyan ng Cabinet ranking ang noon ay katatalagang chariman at presidente nito na si Roberto Pagdanganan Sa ilalaim ng pamumuno ni pagdanganan inilunsad ng PITC ang "Botika ng Bayan Program." Sa bisa naman ng Executive Order No. 442 na inilabas noong July 2005, itinalaga ang PITC bilang lead coordinating agency para sa half-priced medicine program ng pamahalaan. Naging agresibo ang PITC sa pagaangkat ng mga branded na medisina mula sa mga bansa kung saan mas mura ito tulad ng India at Pakistan Sa kasalukuyan umaabot na sa 12,064 ang botika na accredited ng PITC, kabilang ang 1,605 botika ng bayan 10,449 botika ng barangay. Lahat daw ng ito naglalayon pa ring mapababa ng hanggang 50 porsyento o kalahati ang presyo ng gamot. Pero ayon kay Estacio, hindi raw natupad ang pangako ng “half the price program” ng PITC. Mas mahal pa nga daw lumalabas ang gamot sa isang botika ng bayan sa Quezon City. Aling Jocy: Ito P98.50 lang (habang ipinakikita ang gamot), sa botika ng bayan, P150. Mas malaki, mahigit singkwenta iyung taas nila sa botika ng bayan. Depensa naman ng PITC: “Meron kaming tinatawag na suggested retail prices sa aming mga retail outlet sa botika ng bayan. A botika ng bayan is a privately-held, state-supplied enterprise. Maraming, marami na rin kaming narinig na kasong ganyan na aming pinaiimbestigahan kamukha nung nabanggit ko sa inyo mahirap din namamg i-pulis yung napakaraming botika ng bayan.” Maganda ang layunin ng botika ng bayan pero dahil sa mga karanasang tulad ng kay Estacio, bukas ang “half-the price program” sa kritisismo. Ayon kay Dr. Eleanor Jara ng Council on Health and Development, isang network ng mga community-based health workers, higit pa sana ang kayang gawin ng programa para mapamura ang gamot. “Ang sinasabi natin kung magaangkat tayo ng mga branded medicine din halimbawa sabi nga kung iyung ponstan ay P22 dito sa pilipinas at ma-angkat siya ng dalawang piso o mahigit pa hindi lamang iyan dapat ipagbili ng half the price na P11 kasi kaya pang pababain. Siguro maganda rin na pagaralan natin iyan at masabi natin na kayang pabain ang presyo ng gamot na talagang abot kaya ng mamamayan,” aniya. * * * Pero hanggang ngayon hindi pa ito naisasabatas. Pumutok ang kontrobersya nang magsingit ng bagong provision si Iloilo Rep. Ferjenel Biron. “The amendment that we have now in the cheaper medicines bill…is for doctors and all prescribers meaning dentist, veterinary doctors to prescribe generics, no brand,” ani Biron. Pumalag agad ang samahan ng mga doktor. Kung generic lang daw ang puwede nilang ireseta, mawawala daw ang kanilang karapatan at kalayaan na magreseta ng gamot na sa tingin nila ay nararapat sa kanilang pasyente Kaya dinala nila sa lansangan ang kanilang protesta “Itoy parang information drive lang para malaman ng ating pasyente na kami ay hindi tumututol bagkus kami ay sumusuporta Cheaper Medicines Bill at gusto lang namin ipaalam sa mga mamamayan na ang concern namin dito public safety yung safety nila gusto nating maging available sa kanila ‘yung gamot na safe at effective and of course mura kaya nga tinawag na Cheaper Medicines Bill kaya 100 porsyento sumusuporta kami dito,” ani Dr. Jose Sabili, presidente ng Philippine Medical Association. Magkaiba ang bersyon ng Mababang Kapulungan at Senado sa ilang provision ng Cheaper Medicines Bill. Noong Pebrero 5, nakatakda sanang magkaroon ng isang bicameral meeting upang tuluyan nang maplantsa ang mga gusot at makapaglabas na ng isang consolidated bill. Pero bago pa dumating ang araw na ‘yun, napatalsik sa pwesto si Speaker Jose de Venecia. Sinisiguro naman ni Sen. Mar Roxas, co-chair ng bi-cam committee, na hindi tuluyang maeetsapwera ang layunin nilang maisabatas na ang Cheaper Medicines Bill. “We had two pre-bicam meetings. There’s another this week at inaasahan siguro mga nasa 95 percent ng mga provision ay mukhang nagkakasundo na. So matapos we will just go down to the last 1 or 2 percent na hindi pa napagkakasunduan. ‘Yun na lang ang pagdedebatihan sa pormal na bicam. But we’ve been able to resolve many of the issues and maganda naman ang paguusap and hopefully sa madaling panahon ay maipasa na ito,” ani Roxas. Iyon din ang dasal nina Canlas at ng kanyang pamilya. Ngayong Biyernes ay ooperahan na sa tiyan si Margie at sigurado, bukod sa P35,000 halaga ng operasyon, panibago nanamang reseta ang kailangang punan nina Canlas.
|
|||||||
|
|||||||
|
|
|
||||||