"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Pedopilya sa Internet
"Batang X" Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Karen Davila

Noong Hunyo 2004, inimbitahan sa isang resort sa Los Baños, Laguna, ang 70 mga bata at kanilang mga magulang para kunan umano ng litrato.

Pero hindi ito ordinaryong kuhanan ng litrato.

Kapalit ng P10,000, kukunan ng video ang mga batang babae sa malalaswang posisyon.

Sa isang kwarto, may mga batang kinukunan nang nakahubad. Ang iba sa kanila, pawang paslit pa lang.

Sa kabilang kwarto, nakaposisyon nang hubo't hubad ang ilan sa napiling mga "modelo." Isa sa kanila ay ang 16-anyos na si "Jason" (di-tunay na pangalan).

Hindi ito ang unang beses na nakunan ng litrato si Jason.

Nangyari ang unang insidente minsang mapagawi siya sa Malate, Maynila. Doon, nakabarkada ni Jason ang isang grupo ng kabataan.

Niyaya siya ng mga "kaibigan" na suminghot ng rugby. Kinalaunan, kinaibigan sila ng isang dayuhan, pinakain at dinala sa hotel sa lugar.

Sa hotel, hinalay ng dayuhan si Jason. Tatlong araw siya sa hotel kasama ang barkada.

Sa loob ng panahong iyon, dumating sa kwarto sa hotel ang iba pang kabataan. Utos ng dayuhan kay Jason, makipagtalik sa iba pang kabataan.

Habang nagtatalik ang mga kabataan, kinukunan ito ng video ng dayuhan.

Akala ni Jason, ganoon din ang mangyayari sa biyahe nila sa Laguna. Ang hindi nila alam, bahagi ito ng operasyon ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (NBI).

Ayon kay Ric Diaz ng NBI, plano na nilang latagan ng patibong ang sindikato. "Nagrenta kami ng bus tapos dinala namin sa isang resort sa Laguna na kausap na namin."

Lingid sa kaalaman ng mga miembro ng sindikato, may operatiba ang NBI kasama ng mga bata.

Upang mabitag ang mga bugaw, isang Dutch national ang nagpanggap na pedopilya at kliyente ng sindikato.

Umabot sa pitong kabataan ang naghubad bago sinalakay ng NBI ang resort.

Ayon sa operatibang si "Jane," sa nasaksihan niya ay walang pinilit sa mga kabataan na maghubad. Aniya, pawang may karanasan sa paghuhubad sa harap ng kamera ang mga bata.

Ngunit para sa karamihan ng mga bata, umukilkil sa kanilang pag-iisip ang mapait na karanasang iyon. Karamihan sa kanila, wala pang kamuwang-muwang sa mga pangyayari.

Kakaibang ligawan
Nabatid kinalaunan na gumagastos nang malaki ang mga bugaw para "ligawan" ang mga magulang ng mga bata.

Ayon kay "Beauty," isa sa mga biktima at nagkaroon ng karanasan, higit na nais ng sindikato ang nakababatang biktima.

"Karamihan sa mga dayuhan, gusto nila mga bata, tipo nila ang bata," anang 16-anyos na dalagita.

Ang mga larawan ng mga bata ang unang inilalako ng mga bugaw sa mga kliyente nilang banyaga. Ngunit ang layunin lang ng mga larawan ay pukawin ang imahinasyon ng kliyente.

"Magkaugnay ang pedopilya at pornograpiya ng mga bata sa Internet. 'Yung mga pedopilya, nais nilang makipagtalik sa mga bata at ginagawa nila ang unang hakbang sa pamamagitan ng pagpili ng litrato ng biktima sa Internet," sabi ni Diaz.

Nakalulungkot lang dahil may mga pagkakataon na mismong magulang ng mga bata ang nagpapasok sa kanilang anak sa ganitong sitwasyon tulad ng nangyari sa Los Baños.

Sa pagkakataong ito, ligtas sa asunto ang mga magulang.

Ani Diaz, "Hindi namin kinasuhan ang mga magulang dahil kailangan namin ang kanilang testimonya para makasuhan ang mga bugaw at potograpo."

Bunga ng operasyon, kinasuhan ng NBI ang apat na bugaw at tatlong potograpo, kabilang ang direktor na Hapones, sa paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking of Persons.

Matapos ang salakay, inihilera ni Direktor Reynaldo Wycoco sa tanggapan ng NBI ang mga suspek.

Mula noon...

Dekada '70 umusbong ang industriya ng pornograpiya sa mga bata. Ngunit masasabing dekada '80 nadiskubre ng dayuhang mga pedopilya ang Pilipinas.

Ayon kay Dolores Alforte ng ECPAT Philippines, isang grupong tumutulong sa mga biktima ng pedopilya, "Unang pinag-usapan ang pornograpiya ng mga bata at prostitusyon noong dekada '80."

Aniya: "May mga pedopilya na nagpunta sa maliliit na bayan sa Laguna tulad ng Pagsanjan at dito ay inabuso nila ang tinatayang 3,000 mga batang lalaki."

Noong dekada '80, ani Alforte, isang pangkat ng Amerikanong direktor ang dumating sa Pagsanjan para humanap ng mga lugar para sa gagawing pelikula.

Habang ginagawa ang pelikula, niligawan ng mga pedopilya ang mga binatilyo sa komunidad. Kinaibigan nila ang mga biktima, pinakain at binigyan ng mga regalo.

Walang nagsumbong sa mga awtoridad dahil sa tingin ng komunidad, hindi krimen ang pangyayaring iyon.

"Hindi kailangang magsumbong kasi bukas na sikreto 'yon," sabi ni Alforte.

Noong mga panahong iyon, nakatanggap ng materyal na bagay ang magulang ng mga binatilyo kapalit ng pakikipagtalik ng mga dayuhan sa kanilang mga anak.

Kasabay ng panghahalay sa mga binatilyo, kinukunan sila ng larawan ng mga pedopilya na siyang ipinadadala sa iba pang kakilala sa labas ng Pilipinas.

Bukod sa paggamit sa mga binatilyo, ipinaalam ng mga pedopilya sa mga kakilala na madali at mura ang mga bata sa Pilipinas.

Matapos magawa ang pelikula, may mga pedopilyang nanirahan sa Pagsanjan. Isa sa kanila si Andrew Harvey.

Ang ginawa ni Harvey ay estilo ng karaniwang pedopilya.

Una, kinaibigan niya ang bata at maging ang pamilya.

Kinalaunan, naging malapit si Harvey sa pamilya ng bata. Sa katunayan, naging iskolar pa niya ang bata.

Pero noong mapatalsik sa Pilipinas si Harvey noong dekada '90, kinumpiska ng mga awtoridad ang kanyang talaarawan.

Sa pahina ng mga talaarawan nakatala ang ginagawa ni Harvey sa bata at magkano ang kanyang bayad, halimbawa, P30 para sa pagsubo sa ari ng biktima.

Laman din ng talaarawan ang detalye ng malalaswa niyang ginawa sa bata.

Ganito ang estilo ni Harvey noon.

Pero dahil sa bilis ng komunikasyon sa ngayon, naipadadala na ang mga litrato sa pamamagitan ng Internet.

Sa ngayon, bilyon-bilyong dolyar na ang industriya ng pornograpiya sa mga bata sa buong mundo. Ang masaklap, isa ang Pilipinas sa pangunahing pinagkukunan ng mga larawan ng nakahubad na mga bata.


...hanggang ngayon
Magulong buhay-pamilya at labis na kahirapan ang ilang sa pangunahing mga dahilan kung bakit madaling masadlak ang bata sa pornograpiya.

Sa pag-aaral ng UNICEF, kapag pinangangalagaan ng pamilya ang anak, hindi mapupunta ang bata sa kamay ng sindikato.

Hanggang sa ngayon, wala pang malinaw na bilang kung gaano karaming batang Pilipino ang biktima ng pornograpiya.

Ang katotohanan ay madali para sa mga pedopilya ang mang-abuso sa Pilipinas dahil walang malinaw na batas laban sa pornograpiya sa mga bata.

Totoong may mga batas na layuning protektahan ang mga bata tulad ng Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law of 1992 at RA 9208 o Anti-Trafficking of Persons Act of 2003.

Ngunit ang problema, walang direktang sumusupil sa mga sangkot sa pang-aabuso ng bata sa pornograpiya.

Ito ang katotohanan sa harap ng industriyang panghabambuhay ng pornograpiya at mga batang biktima nito.

Ang katotohanan, kahit isang beses lang naghubad at nakunan ang bata, paulit-ulit na iniimprenta at inilalabas sa Internet ang kanyang larawan.

Ang kahulugan nito, paulit-ulit din silang inaabuso. Malinaw na maiiwasan sana ito kung naprotektahan sila ng kanilang pamilya at komunidad.

   
>>> Previous Episodes