LONDON
- Totoo talaga ang kasabihang, "sa lahat ng sulok ng mundo,
makakatagpo ka ng Pilipino." Ito ang napatunayan ng The CORRESPONDENTS
nang magtungo sa London, England.
Hindi
mahirap maghanap ng kababayang Pilipino sa London.
Sa
katunayan, nag-aabang lang ng masasakyang bus ang The CORRESPONDENTS
sa harap ng Kensington Palace nang makilala ang grupo ng mga nurse
na Pilipina. Isa na rito si Dinah Sulit.
Nagmula
sa Balintawak sa Lungsod Quezon. Mula Balintawak, nagtungo siya
sa Saudi Arabia upang maglingkod bilang nurse.
Mula
naman sa Saudi Arabia, napadpad siya sa London. Aminado si Sulit,
higit na maganda ang trabaho at sistema sa London kahit iisang
taon pa lang siyang namamalagi doon.
Sa
katunayan, triple ang suweldo sa London kumpara sa Saudi Arabia.
Kung
ang mga pasyente naman ang tatanungin, walang problema ang grupo
ni Sulit. Anila, hindi mahirap alagaan ang mga Ingles. Palagi
silang may "thank you," aniya.
Sa
tagal ng pamamalagi sa ibayong dagat, masasabing higit na napaglingkuran
ng mga nurse na ito ang mga banyaga kaysa sarili nilang kababayan.
Sa
isang dormitoryo naninirahan si Sulit kasama ang iba pang nurse
na Pilipino.
Karaniwan
ang ganitong mga tirahan sa London. Kahit maliit at masikop, napakamahal
ng renta kaya naman, naghahati-hati sa bayad ang mga umookupa
dito.
Ang
isang tinatawag na "flat," mayroong anim na maliliit
na kwarto. Wala itong maituturing na salas at iisa lang ang banyo
pero ang buwanang renta, 346 pounds.
Ngunit
higit sa laki ng pasahod o kahit maliit ang bahay na tinitirhan,
higit na gusto ni Sulit sa London kaysa Pilipinas.
Aniya,
mayroong respetong natatanggap ang mga nurse sa London.
Pero
sa harap ng respetong ito, magkahalong hirap at sarap ang nararanasan
ng isang nurse na malayo sa sarili niyang bayan.
Mahirap
dahil kapalit ng pagpunta sa London ay ang pag-iwan ni Sulit sa
kaisa-isa niyang anak sa Pilipinas.
Mag-isang
binubuhay ni Sulit ang anak na lalaki. Pitong taon ang bata nang
kanyang iniwan at tuwing ika-10 buwan lang niya kung makita ang
bata.
"
Hindi na baleng gumastos ako ng tawag sa telepono, 'yan na lang
ang consolation ko sa anak ko," ani Sulit. "Mahirap
talaga ang maging single parent."
Sa
tagal ng panahon na wala siya sa piling ng anak, aminado si Sulit
na marami na siyang okasyon na hindi nasasaksihan sa buhay nito.
Mahirap
lumayo sa piling ng anak ngunit kinakailangan, ayon kay Sulit.
Ang
bawat salapi na kinikita niya sa London ay itinuturig niyang ginto
upang sa lalong madaling panahon, makaipon siya at makapiling
ang anak sa sariling bansa. Bukod sa anak, sinusuportahan din
ni Sulit ang mga magulang.
Sa
suweldo niyang 1,700 pounds o P136,000 kada buwan, nagpapadala
siya ng mula P50,000 hanggang P69,000 sa Pilipinas. Ang nalalabi,
para naman sa kanyang pamumuhay sa London.
Malaki
kung iisipin ang suweldo ni Sulit kumpara sa isang nurse sa Pilipinas.
Ngunit sa antas ng pamumuhay sa London, kinakailangan pa rin niyang
magtipid.
Sa
Marks and Spencer namamalengke sina Sulit at kanyang mga kasambahay.
Maaaring isipin na nakatataas ang pamilihan ito kumpara sa ordinaryong
palengke sa Pilipinas ngunit iba talaga ang mabuhay sa sariling
bayan.
Lahat
ng mabibili sa Marks and Spencer ay mayroong preservative tulad
ng gulay. Kumpara sa palengke ng Balintawak kung saan sila malapit,
malaking kaibahan talaga.
Lungkot
ang kalaban ng mga Pilipino sa London. Kaya naman kapag mayroong
pagkakataon, nagsasama-sama sila. Paboritong pasyalan ng mga Pilipino
ang Oxford, ang katumbas ng Makati commercial district sa Pilipinas.
Pero
kadalasan, pampalipas-oras lang ang pamamasyal.
Palaging
abala sa trabaho ang mga kasambahay ni Sulit ngunit walang magagawa.
Sila na ang itinuturing niyang ikalawang pamilya.
Tinatayang
mayroong 100,000 Pilipino sa London. Sa bilang na ito, 30,000
ang mga nurse.
Kung
sa Hong Kong ay kilala ang mga Pilipino bilang domestic helper,
sa London ay tanyag sila bilang nurse.
Ayon
kay Cathy Dennis, recruitment officer ng National Health Services,
iba pa rin talaga ang kalinga ng Pilipino. Bukod pa ito sa kakayahang
magsalita ng tuwid at matatas na wikang ingles.
Taon-taon,
nagtutungo sa Pilipinas si Dennis upang mag-recruit ng mga nurse.
Aniya, lubhang kakaunti ang nurse sa London at hindi makakaya
na punan ang pangangailangan.
Isa
si Ronald Baloyo sa mga na-recruit ni Dennis sa Pilipinas. Sa
ngayon, nagtatrabaho siya sa Saint Peter's Hospital sa London.
Gusto niyang mamalagi sa London dahil kumpara sa Pilipinas, higit
na bukas ang isip ng mga tao dito sa kultura at paniniwala.
Sa
madaling salita, mas liberal ang mga tao sa London, ani Baloyo.
Sa
panig naman ni Kalihim Richard Gordon ng Turismo, nakakatulong
ang mga Pilipino sa London sa naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.
Dagdag-puntos
pa dito ang magandang pagtingin ng mga Ingles sa mga Pilipino.
Pinoy
sa Collingwood CourtSa Collingwood Court Nursing Home na matatagpuan
sa Clapham Commons, London nakilala ng The CORRESPONDENTS ang
ilan sa mga caregiver na Pilipino.
Isa
na rito si Abella Galeno, hepe ng lahat ng caregiver sa Collingwood.
Malaking
kaibahan ang kultura ng mga Ingles at Pilipino. Sa pagnanais na
kumita ng salapi, nakakalimutan ng mga Ingles ang pagkalinga sa
kanilang matatanda.
Kahit
sabihin na maayos ang pangangalaga sa mga matanda at libre ang
gamot, mahirap ipaintindi sa mga Pilipino ang ganitong kultura.
Nakaugat
ito sa kultura ng mga Ingles ng pagpapabaya sa mga matatandang
kaanak. Ngunit para sa mga Pilipino, isa naman itong oportunidad.
Ito
ang ilan sa mga pagsubok na tinatawid ni Galeno, ang pakibagayan
ang ugali ng matatandang Ingles.
Magtatatlong
dekada na sa England si Galeno. Aniya, sanay na siya sa ugali
ng mga Ingles.
Kasamahan
ni Galeno sa Collingwood si Claudio Calayag, isa pang caregiver
na Pilipino.
Ayon
kay Calayag, ang mahalaga lang naman ay habaan ang pasensya sa
pag-aalaga sa mga matanda.
Madalas,
ani Calayag, mahirap para sa kanya ang manatili sa ganitong hanapbuhay
dahil inuusig siya ng konsensya. Aniya, mahirap dahil ibang tao
ang inaalagaan at ang sarili mong pamilya naman ang iiwanan mo.
Isa
pang mukha ng pag-aaruga at pagmamalasakit sa London ang nasaksihan
ng The CORRESPONDENTS sa katauhan ni Father Claro Conde na mula
sa lalawigan ng Bohol.
Isang
pari na Redemptorista si Conde at tagapangasiwa ng shelter home
para sa mga Ingles na iniwan ng kanilang pamilya at wala nang
mauuwian.
Bukod
sa mga Ingles, si Conde rin ang takbuhan ng mga Pilipino sa London
kapag mayroong problema. Karamihan sa mga problemang ito, tungkol
sa pang-aabuso sa trabaho.
Aniya,
mabuti ang kalagayan sa trabaho ng mga Pilipino tulad ni Galeno
ngunit hindi lahat ay ganito ang karanasan, anang pari.
Ang
London ay isang lugar na nangangako ng malaking pabuya sa mga
dayuhang manggagawa. Kung papalarin sa pagsubok at pakikipagsapalaran,
malaki ang katumbas nitong grasya. Pero malaki rin ang kaakibat
na kalungkutan at pagtitiis.
Sa
gitna ng mga usaping ito, habang tumaataas ang bilang ng mga aarugaing
matatanda, dadating at dadating ang mga Pilipino na mandarayuhan
upang punan ang pangangailangan ng mga Ingles.
Kakambal
na nila ang alalaala ng Pilipinas, kaakibat ng kanilang mga bagahe
ang pagsusumikap at pag-iisip na balang araw, babalik at babalik
din sila sa lupang tinubuan dahil iba talag ang namumuhay sa sariling
bayan.
Ipadala
ang inyong opinyon o kuro-kuro sa newsfeedback@abs-cbn.com