|
Ulat ni Gus Abelgas
Hanggang sa kahuli-hulihang sandali ay hindi ibinunyag ng kinatawan
ng Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa The CORRESPONDENTS kung
saan dadalhin ang pangkat.
Sa Maynila pa lang, ipinasuko na sa grupo ang kanya-kanyang mga
cellular phone.
Ayon sa kinatawan ng mga rebelde, lubhang metikuloso sa seguridad
ang NPA. Ginagawa ang mga pag-iingat dahil minsan nang nabulilyaso
ang planong pagpapalaya kina 1st Lt. Ronaldo Fidelino at Pfc. Ronnel
Nemeño nang maglunsad ng opensiba ang militar sa Bicol.
Sina Fidelino at Nemeño ang dalawang sundalo na nabihag
ng Romulo Jallores Command (RJC) ng NPA sa Tinambac, Camarines Sur,
noong Marso 1, 2004.
Isang sundalo ang namatay sa engkwentro. Giit ng mga rebelde, swerte
sina Fidelino at Nemeño dahil hindi sila nanlaban sa NPA.
Nitong Agosto, umugong ang mga ulat na palalayain na umano ng NPA
ang dalawang kawal.
Kasama ng iba pang mga mamamahayag, nagtungo ang The CORRESPONDENTS
sa lalawigan ng Albay. Lingid sa kaalaman ng nakararami, sa Camarines
Sur din pala pakakawalan ang mga bihag.
Mahigit 15 oras din ang paglalakbay ng grupo patungo sa kampo ng
NPA sa di-nabatid na lugar sa Bicol. Tatlong kampo ang tinigilan
ng grupo.
Maraming bawal
Sa unang himpilan, nakilala ng The CORRESPONDENTS si "Ka
Russel," lider ng RJC. Sa kampong ito ibinigay ni Russel ang
mga patakaran para sa mga mamamahayag na sasaksi sa pagpapalaya
sa mga sundalo.
Aniya, bawal kunan ng camera ang mukha ng mga rebelde. Bawal ding
kunan ang mga lugar ng kampo na maaaring makilala at matukoy ng
militar.
Sa ikalawang kampo, tumanggap ng "medika kit" ang The
CORRESPONDENTS, gayundin ang iba pang mga kasamahang mamamahayag.
Walang kahilingang binitiwan ang NPA. Anang mga rebelde, nais lang
nilang patunayan na makatao ang pagtrato ng kilusan sa tinaguriang
mga "bilanggo ng digma" o "prisoners of war."
Mula sa ikalawang kampo, malayo-layo pa ang tinahan ng The CORRESPONDENTS
. Noong una, hindi ininda ng karamihan ang nararamdamang pagkagutom.
Pero bumigay na rin ang iba at nagpahayag ng pagkalam ng sikmura
nang makakita ng nilagang kamote sa ikatlong kampo.
Hindi inakala ng The CORRESPONDENTS na mismong sina Fidelino
at Nemeño ang sasalubong sa grupo.
Sa piling ng mga rebelde, tanging ang nakakabit na mga posas ang
nagpapaiba sa dalawang sundalo. Kaiba sa hitsura nila bago mabihag
noong Marso, mahahaba na ang balbas, bigote at buhok ng mga kawal.
Anang dalawa, napagkasunduan nilang huwag mag-ahit o magpagupit
hangga't hindi nila nakakapiling ang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Fidelino, bagama't may posas sila ni Nemeño ay
malaya silang nakagagala sa loob ng kampo. Sa kabila nito, mahigpit
pa rin ang pagbabantay sa mga bihag dahil anumang oras ay maaari
silang tumakas.
Limang buwan binihag ng mga rebelde sina Fidelino at Nemeño.
Katuwaan sa paglaya
Agosto 17 nang datnan ng The CORRESPONDENTS sina Fidelino
at Nemeño, tuwang-tuwa ang dalawa. Ang pagdating umano ng
mga mamamahayag sa kampo ay senyales na lalaya na sila.
Halata ang pagkasabik ng dalawa sa kanilang paglaya. Pero inihayag
ng NPA noong Agosto 17 na isang gabi pa ang bubunin ng mga sundalo
sa pagsukob sa silong ng mga "kaaway."
Ipinasyal ni Fidelino ang The CORRESPONDENTS sa kanyang
kubo sa loob ng kampo. Aniya, sa kubong ito niya pinaparaos ang
bawat araw ng pagkakabihag.
Para kay Fidelino na komandante ng Charlie Company ng 42nd Infantry
Battalion, hindi madaling tanggapin ang pagkakabihag sa kanya ng
NPA.
Sa katunayan, kwento ng mga rebelde ay nagmatigas si Fidelino noong
unang mga buwan ng pagkakabihag. Pero panahon din ang nakapagpalambot
sa matigas na paninindigan ng opisyal.
Kinalaunan, naging bukas na rin ang loob niya sa pakikipagkaibigan
sa mga rebelde.
Ngunit paliwanag ni Fidelino, maaaring sabihing nakagaanan niya
ng loob ang mga rebelde pero mahirap talikuran ang tungkulin bilang
sundalo.
Samantala, higit na naging madali para sa mga rebelde na kaibiganin
si Nemeño. Isa ring magsasaka ang ama ng sundalo tulad ng
karamihan sa mga rebeldeng kasapi ng RJC.
Wika nga, ang mga rebelde at si Nemeño ay itinulak lang
ng kahirapan sa digmaan pinaglalabanan ng Pilipino kontra Pilipino.
Sa loob ng mahabang panahon ng pagkakabihag ay marami nang nagbago
sa dalawang sundalo, ani Russel. Pero ang katotohanan, aniya, ay
sundalo pa rin sina Fidelino at Nemeño.
Aniya, may dahilan din ang NPA kung bakit pinatagal ng kilusan
ang pagpapalaya sa mga kawal. Ito ay upang subukin kung mababago
ng NPA ang paniniwala at ideolohiya ng mga sundalo.
Pagtatanghal sa huling sandali
Noong gabi ng Agosto 17, isang pagtatanghal pangkultura ang ipinamalas
ng NPA sa The CORRESPONDENTS at iba pang mamamahayag.
Idinaos ang okasyon bilang parangal sa dalawang sundalong palalayain
kinabukasan.
Lahat ng mga rebelde sa kampo ay nagtanghal. Maging ang mga mamamahayag
ay inimbitahan at nagpaunlak na umawit para sa isang kampo na iiwan
pagdating ng takdang oras.
Maraming inawit ang mga rebeldeng nagtanghal. Ang bawat awitin,
hitik sa mensaheng rebolusyonaryo na hinaluan pa nila ng mga tula
at pagpapakitang-gilas.
Hindi rin nagpatalo ang mga mamamahayag. Kahit wala ni isa man
sa grupo ang maayos umawit, sinalo ni Nemeño ang lahat sa
pamamagitan ng kanyang paggigitara.
Makalipas ang ilang mga kanta, nagulat ang lahat nang tumayo para
magtanghal si Fidelino. Hindi inasahan ng lahat na maririnig ang
salitang "kaibigan" mula kay Fidelino na umawit ng "Farewell
To You My Friend."
Matapos ang pagtatanghal ay kumain na ang lahat. Iyon na ang huling
pagkakataon na magkakasabay kumain ang mga rebelde at sina Fidelino.
Matapos ang salo-salo, oras na para ibaba sa bayan ng Presentacion,
Camarines Sur, ang mga bihag. Sa Presentacion sila isusuko sa mga
kinatawan ng International Committee for the Red Cross.
Sa yugtong ito, opisyal nang matatapos ang limang buwan na pagkakabihag
kina Fidelino at Nemeño.
Bago tumulak patungong Presentacion, tinanggalan ng mga posas ng
dalawang kawal. Suot nila ang mga damit na kanila ring bihis noong
araw na mabihag ng mga rebelde.
Pero pinagbihis muli sila ng mga kamisetang regalo umano ng mga
rebelde.
Sa puntong ito ay naisip ng The CORRESPONDENTS na madali
para sa mga rebeldeng bantay nina Fidelino at Nemeño ang
mapalapit sa mga sundalo. Karamihan sa mga bantay ng dalawa ay mga
kabataan at wala pang 20 anyos ang iba.
<b>Sino ang pinatawad?</b><br>
Magkakasabay na ang lahat nang bumaba ng kampo. Muli, kasama ng
iba pang mamamahayag ay tinahak ng The CORRESPONDENTS ang
masukal na daan.
Sa kabila nito, wala ni isa man ang nagreklamo sa putik o mainit
na panahon. Ang bawat hakbang, para sa mga mamamahayag, ay naglalapit
kina Fidelino at Nemeño sa kanilang kalayaan at naghihintay
na pamilya.
Pagdating sa kapatagan, sumakay ng jeep ang mga mamahayag, mga
rebelde at ang dalawang kawal. Mula sa sinasakyang dyip, tanaw na
tanaw sa likod ang kabundukan na naging tahanan nina Fidelino at
Nemeño sa nakalipas na limang buwan.
Sa isang baryo malapit sa lugar na pagpapakawalan sa mga sundalo,
huminto ang mga rebelde. Ayon kay Russel, hanggang doon na lang
sila.
Sa di-inaasahang sandali, nagsalita si Russel at sinabing "pinapatawad"
na umano ng NPA ang mga bihag sa nagawa nilang mga "kasalanan"
sa bayan.
Ngunit sa pahayag na ito ni Russel ay rumehistro ang inis sa mukha
ni Fidelino.
Dito napatunayan ng The CORRESPONDENTS na nanaig ang pagiging
sundalo ni Fidelino sa kabila ng mahabang panahon na pagkakakupkop
sa kanya ng NPA.
Matapos lumaya, humarap sa Pangulong Arroyo sina Fidelino at Nemeño.
Sabi ni Fidelino, magsasalita siya bilang nakatataas na opisyal
sa kanilang dalawa na naging bihag ng mga rebelde.
Aniya, magsasalita siya upang pasubalian ang naunang mga pahayag
hinggil sa "mabuting trato" sa kanila ng mga rebelde.
Aniya, nagawa lang niyang sabihin ang mga salita pabor sa NPA dahil
noong mga panahong iyon ay nanganganib silang itumba ng mga rebelde
kapag nagsalita sila nang masama laban sa kilusan.
|