|

Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Hunyo 26, 2006,
Lunes, 11:30 p.m.
Ulat ni Rose Eclarinal
Marami ang sumubaybay kay Errol "Budoy" Mirabiles sa loob ng bahay ni "Pinoy Big Brother."
Ipinakiklala siya bilang lead vocalist ng bandang Junior Kilat, Bisayang banda na tumututog ng reggae.
Pero nagkainteres ang lahat sa hitsura at pananamit ni Budoy. Nakabalot kasi ang buhok niya at ayaw niya itong ipakita. Bahagi raw ito ng paniniwala niya bilang isang “Rastafarian.”
Ito ay bagong salita sa mga taong hindi naman alam ang pinaggaling ng salitang ito.
Saan nagmula at bakit ang itsurang ito ang gustong hitsura ni Budoy?
“Ang unang nadiskubre ko ‘yung music. ‘Di ko pa nga alam ang lingo nila dati. So 'yun 'pag nandu'n ka ma-absorb mo na ‘yung music,” ani Budoy.
Matagal na raw siyang tinatawag na "Rastaman" sa mundo ng reggae music.
“Hindi ako nag-claim na Rasta kasi ang tao bahala kung ano ang itawag sa akin,” aniya.
Dreadlocks, ganja o marijuana, ito raw ang mukha ng "Pinoy Rasta."
Nakikiuso lang ba ang mga Pinoy dahil ang pagiging Rasta at reggae music na kinahihiligan ng maraming kabataan ay magkakambal?
* * *
Hindi na raw nakapagtatakang makakita ng mga musikero at tagahanga na may dreadlocks sa mga tugtugan ng reggae. Ito ang hairdo na "in" para sa mga nakikinig ng reggae.
Noong una nakikita lang ang "dreads" sa mga negro kaya nasabing nakikiuso lang ang mga Pinoy na nagpapalagay ng dreads.
Sa mga lugar na may tugtugan ng reggae, may nakakakabit na pangalan sa dreads. Sila daw ang mga Pinoy Rasta.
Kung gusto mong makita ang Pinoy Rasta, madali silang makita dahil nagkalat sila sa mga reggae bar.
Nagkukumpol sila sa mga lugar ng reggae, isang musika na madaling sayawan at galing sa puso.
“Reggae, when it started out, [had] the most of topics, calypso songs, trivial things, love songs. Tapos na-embrace din s’ya ng mga Rastafari. That’s where the social commentaries came in, so basically reggae has a lot of sub-genres,” ani Papadom ng bandang Tropical Depression.
Sa Pilipinas, kahit sang lugar pinatutugtog ang reggae, nariyan ang dreads. Sila ang mga tagahanga ng reggae artist na si Bob Marley.
Sa Cebu na sinasabing tahanan ng reggae music hinanap ng The CORRESPONDENTS ang mgga sinasabing "Rasta."
Patok dito ang Bisayang reggae na pinauso ni Budoy.
“S’yempre sumikat ang reggae kaya maraming gusong maging Rasta, pero hindi naman. ‘Yung iba pa ginagamit sa hindi dapat paggamitan,”
Sa masugid na tagasunod ng reggae music, importante raw ang hitsura para mas makasabay sa reggae scene.
“Music talaga, hanggang nagpatubo na o ng ganitong buhok, paano aayusin. Before hindi pa talaga, tapos natutunan ko ang ways nila, paano mag-connect sa itaas,” ayon kay Yanix, tagasunod din ng Rastafari.
Walong taon niyang pinangatawanan ang hitsurang Rasta dahil sa reggae music kaya kahit mahirap ayusin, pinanindigan niya.
“Everyday shampoo, minsan conditioner, hot oil. Maraming dandruff, makati, mahirap tanggalin ang kati kaya kailangan talaga ayusin,” ani Yanix.
* * *
Sa bar sa Timog sa Quezon City nakilala ng The CORRESPONDENTS si Bobojoe na may dreads din.
Pero malalim daw ang kasaysayan ng dreads niya at hindi siya basta nakikiuso lang.
Aniya, mas maiintidihan daw ng The CORRESPONDENTS ang hitsura niya, ang mundo ng reggae at ang Rasta kung babalikan ang kasaysayan ng paborito niyang artist na si Bob Marley.
“S’ya ang nagpasikat ng Rastafarian sa buong mundo. He fought for peace through his songs. He used music as a tool for his rebellion for change. May concert nga may nag-aaway na dalawang partido. Sa concert ni Bob Marley napagbati n’ya ‘yung dalawa. Tsaka ‘yung lahat ng kanta n’ya message n’ya calls for either peace rebellion. Rebellion against as he said against -ism and -schism,” ani Bobo Joe.
Mistulang may laman ang sinasabi ni Bobo Joe.
Sabi nga niya madalas silang mabagbintangang walang alam, nakikiuso lang at may kakambal na pangungutya sa hitsura dahil naiiba.
Pero ano nga ba talaga ang totoong Rasta? At bakit ang pagiging Rasta nakakabit sa reggae? Saan naggaling ito?
* * *
Sa bansang Jamaica unang narinig ang salitang Rasta.
Isang third-world country ang Jamaica tulad ng Pilipinas.
Marami sa mga Jamaican ang lugmok sa kahirapan noong 1930s lalo na sa squatter’s area ng Trenchtown. Dito tumira at nagkaisip si Bob Marley.
Dito rin siya namulat sa problema sa lipunan. Dito rin lumabas sa titik ang kanyang musika.
Sinasabing dito rin isinilang ang pananampalataya ng mga Rastafarian sa pangalan ni Haile Sallaisse the First, o Ras Tafari sa salitang Jamaican.
Siya ang emperador ng bansang Ethiopia sa Africa. Sa paniniwala ng mga Rasta siya ang diyos na nagkatawang-tao.
Naniniwala ang mga Rasta na si Ras Tafari ang magbubuklod sa buong lahing itim at magdadala sa kanila sa Ethoipia, ang lupang pinangako.
Pananampalataya at hindi basta uso ang pagiging Rasta sa Jamaica.
Hango sa kanilang bibliohiya ang pagsuot nila ng dreadlocks na bawal gupitin, bawal ayusin.
Ang kulay Rasta naman, kulay pala ng bansang Ethiopia, ang kanilang lupang pinangako. Akala ng marami, ito lang ang usong kulay kaya isinusuot ng mga taong gustong maging Rasta.
Ang mga kulay na ito ay: pula para sa dugo ng mga bayani, berde gaya ng lupain ng Africa at ginto para sa kasaganahang naghihintay doon.
Hangad daw ng mga Rasta ang malinis na pamumuhay kaya hindi kumakain ng karne at asin ang ilan sa kanila. Maduming uri daw ito ng pagkain. Gayundin ang alak kaya pagkaing ital o puro lang ang pwedeng kainin.
Pero kung bawal ang karne, bukas naman ang paggamit ng marijuana. Ito raw ang paraan para mapalapit sila sa Diyos o kay Jah.
Nakasulat rin ito sa kanilang bibliya: “The more I accept herb is the more I accept Rastafari. I mean it’s not something that harms, it’s not something that you crave but it’s like an essence.”
Si Bob Marley ang pinakasikat na Rasta ng kanyang panahon at dahil sa kanyang musika, sa pamamagitan ng reggae, naipakilala niya sa buong mundi ang daigdig ng mga Rastafarian.
“The reggae music is a music created by Rasta people. And it carries earth force. People rhythm. Our people. It is a rhythm of people workin,’people movin’,” ani Bob Marley.
Bukod sa nakakaindak na musika, kilala ang musika ng Bob Marley and the Wailers bilang kritikal sa lipunan at umiikot sa paniniwala ng mga Rasta.
Kumalat na parang apoy ang reggae ni Bob Marley sa buong mundo. Naging mesahero siya ng kapayapaan, ng pag-ibig at pananalig sa Diyos.
* * *
Samantala, hindi maintidihan ni Sammy Asuncion, ang unang nagtayo ng reggae band sa Pilipinas, kung bakit ngayon tila pormang Rasta na lang daw ang natititra.
“Don’t use Rastafarian as fashion. It’s not. Which is what is happening in the country. Fahion lang yan eh’. Marami akong nakikita sa kalye mga naka-yellow green and red, but nothing to do with what is inside their spirit. ‘Yan ang nakakaasar d’yan eh,” ani Asuncion.
Pati daw ang tema ng reggae music ngayon, iba na.
“Kita mo ngayon, binabakya na nga ‘yung reggae minsan eh. Pati ‘yung lyrics ng reggae which is purely socio-political, naging love song na masyado, which is too much for me. Ginagamit na lang ‘yung simplicity of the rhythm to be commercialized. Hindi ganon ang reggae eh,” dagdag pa n’ya.
Pero kawiran ng Brownman Revival, ang bandang nakatutok lang sa love songs at revival ng mga lumang kanta, sumusunod lang sila sa daloy ng panahon.
Wala namang problema si Bobo Joe sa musika dahil enjoy pa rin siya. Uminiit lang daw ang dugo niya sa mga “feeling Rasta.”
“’Yung sobrang ayos ng dreads tapos walang himulmol ‘yung nakaayos… T’saka ‘yung maraming Rasta colors na suot-suot tapos magarbo manamit. Dapat simple lang ang lifestyle, parang komunista,” ani Bobo Joe.
Isinasabuhay din daw ni Bobo Joe ang mga mensahe ni Bob Marley.
“Maganda ang mga beliefs n’ya aeh. ‘Yun nga every man should be treated equal, ‘yun ang pinaka-core belief. Kung anung meron ako meron din lahat ng barkada ko basta peace loving ako,” aniya.
Ibinida din ni Bobo Joe ang dreadlocks n’ya, hindi pa daw uso meron na siya nito. Limang taon na daw siyang gumagamit ng ganja araw-araw.
“Misconception na tamad, walang goal sa buhay…’yun hindi totoo ‘yun ah. Kami sa buong tropa nagtatrabaho, may mga college graduate at may trabaho na kaagad. 'Di pa tapos ng college? Misconception talaga ‘yun,” ani Bobo Joe.
Tinanong ng The CORRESPONDENTS kung ano ang tipikal na araw niya.
“Magro-roll ako ng isang joint tapos smoke ako 'pag may work, pasok sa trabaho o kaya pasok sa school. 'Pag lunch break roll naman ng joint tapos 'pag uwi sa bahay roll naman ako ng joint hanggang sa makatulog. Sunod-sunod na ‘yon,” aniya.
Inalok ng The CORRESPONDENTS na itago sa camera ang mukha ni Bobo Joe. Sa mga hindi alam ang paniniwala niya, mahirap maintindihan ang paggamit ng marijuana.
Sa Pilipinas ilegal ang paggamit nito.
Pero tumanggi siya sa alok. Ipinagmamalaki niya ang kanyang paniniwala. Bahagi raw ito ng kanilang meditation na kasama sa tradisyon ng mga Rasta.
“Andami kong nadaanang phase sa buhay ngayon. Feeling ko kilalang kilala ko na sarili ko. Ito na ko,” ani Bobo Joe.
Ayos lang rin ang tatay niya sa paggamit ng marijuana ng anak. Sanay na raw ang ama niya rito at minsan kasama pa niya ang magulang sa paggamit ng marijuana.
“Nagdadamo din naman kasi ako dati… saka wala namang addictive effects yan eh,” anang ama ni Bobo Joe.
“’Yun nga eh, ‘yung common cliché with reggae, they automatically associate reggae with ganja smoking. Partly it was the media’s fault, it was blown out of proportion. Although I don’t deny the herb is practiced by Rastas worldwide,” ayon naman kay Papadom.
Hindi maikaila ang pagsikat ng reggae sa Pilipinas. Madaling sayawan ang tugtuging ito, simple lang ang pananalita at mensahe.
Wala namang masama sa reggae fan. Pero hindi kaya mas magustuhan ng tao ang musikang ito kung alam lang nila ang kasaysayang bumabalot dito.
|