|
Himalayan
diaries: The road to Everest
"Himalayan Diaries (The Road to Everest)"
Itinanghal
ng The CORRESPONDENTS, Marso 27, 2006
Ulat
ni Abner Mercado
KATHMANDU,
Nepal - Mula sa itaas ng himpapawid masisilayan ang Himalaya na
mistulang ipininta ng kalikasan dahil sa angking kagandahan.
Ito
ang Annapurna Range na nasa kanlurang bahagi ng Kathmandu, kapitolyo
ng bansang Nepal.
Sa
wika ng mga Nepali, ang Himalaya ay mula sa magkahiwalay na salitang
"hima" at "alaya." Himal na ang ibig sabihin
ay bundok at alaya, tahanan ng yelo o kabundukang nababalutan ng
yelo.
Mula
sa kwintas ng kabundukang ito, ang "Machupuchare" o higit
na tanyag sa tawag na fish tail para sa mga mountaineer, ang itinuturing
ng nakararami na nakarating na rito bilang pinakamarikit na bundok
sa buong daigdig.
Dito
sa bahaging ito ng Nepal hindi nalalayo ang isa pang tanyag na kabundukang
pinapangarap na maakyat ng sinumang mountaineer sa mundo.
Sintayog
ng mahigit 29,000 talampakan ng Mount Everest ang pangarap ng Pinoy.
Dito isisilang at isusulat ang pagwagayway sa kauna-unahang pagkakataon
ang bandila ng Pilipinas.
Buwan
ng Pebrero 2006 nang tahimik na tumulak ang lima sa miembro ng The
First Philippine Mt. Everest Team sa Kathmandu.
Mula
Maynila lumipad ang grupo sakay ng eroplano ng tatlong
oras patungong Bangkok sa Thailand.
Mula
sa Thailand panibagong tatlong oras na naman ang muling ililipad
patungo sa Kathmandu sa Nepal, ang bansang nakapagitan sa dalawang
higanteng mga bansa: ang India sa timog at China sa hilaga.
Dalawa
sa mga miembro ng grupo sina Pastour Emata, 22 anyos na tubong-Mindanao
at anak ng Mt. Apo, ang pinakamataas namang bundok sa Pilipinas;
at si Leo Oracion, 22, mula Quezon pero Cebu. Sina Emata at Oracion
ang itinuturing na mga lider ng The First Philippine Mt. Everest
Team Expedition na magtatayo ng karangalan at bandila ng Pilipinas.
Sa
kanilang pagtatangka, mahalagang naaarmasan sila ng mga kagamitan
laban sa malupit na kapaligiran at pabago-bagong panahon sa Himalaya.
Mula
sa mapagkumbabang pinagmulan, kapwa ihahatid nina Emata at Oracion
ang pangalan ng Pilipinas para mapabilang sa komunidad ng mga naitala
sa kasaysayan ng Everest na pinamuhunanan ng lakas at pagsasanay
at ng matinding pananalangin.
Kwento
mula sa bubungan ng mundo
Sa
kwento ng sinumang mountaineer, may kalakasan at kahinaan lalo na
kung masusupil ang laman ng kanilang kalooban.
Sampung
taon na sa trekking at mountain expedition business sa Katmandu
ang mag-asawang Henry "Harka" Pariyar at ang maybahay
niyang si Emma na isang Pilipina.
Ang
kanilang international adventures treks at expeditions ang isa sa
mga nangunguna sa negosyong ito sa Kathmandu na nakabase sa lungsod
ng Thamel.
Unang
nakilala ng The CORRESPONDENTS ang mag-asawa noong 2004.
Sa
paglalakbay nina Emata at Oracion ngayong 2006 sa Everest, batid
ng The CORRESPONDENTS na pagmamalasakitan ng mag-asawa ang adhikain
ng pangkat.
Noong
Marso 2, 2006, dumating ang The CORRESPONDENTS at ang grupo ng mga
mountaineer para makipagpulong. Pangunahin sa grupo si Regie Pablo,
ang expedition coordinator at kasalukuyang pangulo ng Mountaineering
Federation of the Philippines.
Lahat
ng dapat ihanda ay pinag-usapan. Si Emma din ang tumulong kina Emata
at Oracion na umikot sa Thamel para hanapin ang mga tamang tindahan
para sa kanilang mountaineering equipment.
Kahit
mahigit isang dekada nang naninirahan sa Nepal si Emma at mayroon
nang pamilya sa bansang ito, nasa Pilipinas pa rin ang kanyang puso
at sa grupong magbabandila ng bansang kanyang pinagmulan.
Sa
kasaysayan ng Everest, sina Edmund Hillary ng New Zealand at Tenzing
Norgay, ang sherpa ng Nepal, ang unang naitala sa kasaysayan ng
mundo na nakatapak sa tuktok ng bundok noong 1953.
Marami
ang sumunod kina Hillary at Norgay pero mayroon ding nagbuwis ng
buhay sa Everest. Kabilang sa kanila sina Mallory at Irvine, mga
Briton na nauna kina Hillary noong 1924.
Ayon
sa kasaysayan, kahit ang pinakabihasang mountaineer ay
walang binatbat sa poot ng panahon sa Everest.
Noong
Marso 2, 2006, lumabas ng Kathmandu ang grupo para higit na maging
kaaya-aya ang paligid para sa pagsasanay nina Emata at Oracion.
Nagtungo
ang grupo sa Nagarakot, mahigit isang oras ang biyahe sa labas ng
Kathmandu.
Nagmagandang
loob ang Nepali na si Bal Dhouju, may-ari ng Hotel Country Villa,
na kupkupin ang grupo sa Nagarakot. Sa kabila ng pagiging Nepali,
malapit ang Pilipinas sa puso ni Dhoju.
Anim
na taon sa Pilipinas si Dhouju. Apat na taon dito ay ginugol niya
sa Baguio habang nag-aaral. Aniya, malaki ang pagkakatulad ng Nagarakot
at Baguio.
Aniya,
matamis ang kanyang pangarap para kina Emata at Oracion. "I
want to wish them all the best," ani Dhouju.
Sa
ikalawang araw sa Nagarakot inakyat-baba ng grupo ang mga bundok
nakapaligid dito. Bahagi ito ng acclimatization para sa higit na
hamon na hihingin ng Everest.
Sa
puntong ito, mahaba na ang panahong pinagsamahan at pinaghandaan
ng grupo para sa pangarap na akyatin ang Everest. Mapalad ang The
CORRESPONDENTS na kasama ito na mailahad ang kwento patungo sa bubungan
ng mundo.
|