Winner, 2005
U
NICEF Child
R
ights Award


"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
 

Sagarmatha: The Road to Everest

Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Hunyo 5, 2006, Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Abner Mercado

KATHMANDU, Nepal - Tatlong bwan ang halos inilagi nina Leo Oracion at Pastour Emata sa bansang Nepal para magsanay at maghanda sa kanilang naging pag-akyat sa Mount Everest.

Huling linggo ng Pebrero 2006 nang unang tumulak sa bansang Nepal ang dalawang Pinoy mountaineer mula sa mapagkumbabang pinagmulan sa Pilipinas.

Si Leo na tubong-Lucban, Quezon at nakabase sa Cebu ay isang triathlete at adventure racer.

Si Pastour naman na anak ng Mindanao ay mula sa lungsod ng Tagum sa Davao. Isa rin siyang adventure racer at mountain guide na bihasang-bihasa sa Mount Apo.

Unang linggo ng Marso nang magtungo sina Leo at Pastour sa Thamserku Trekking, ang isa sa pinakamalaking trekking company sa Nepal.

Ito ang kompanyang maghahatid sa expedition patungo sa Everest Base Camp, patungo sa kanilang tugatog ng pangarap.

Lahat ng umaakyat sa Everest ay nangangailangan ng mga tulad ng Thamserku bilang trekking guide. Inirekomenda ng mag-asawang Henry at Emma Paruyar ang kompanya ni Sonam Sherpa.

Ayon kay Sonam Sherpa, noong una niyang makaharap sina Leo at Pastour ay alam niyang hindi mabibigo ang dalawa.

Subok na ang Thamserku sa reputasyon nito. Noong 2005 matagumpay nilang naihatid sa Everest summit ang Iranian Women's Expedition.

Ito ang unang pagkakataong nakaharap nina Leo at Pastour ang kanilang mga Sherpa na sina Lakpa at Pemba. Sila ang magsisilbing guide ng dalawa sa kanilang Everest bid.

Si Lakpa ay apat na beses nang nakaakyat sa Everest at si Pemba ay tatlong ulit naman.

Ang mahabang karanasan at kakayahan ni Lakpa ang bentahe nya at paninigurong makakakyat sina Leo at Pastour ng Everest summit. Siyempre dapat ay ligtas din silang makakababa.

Ang mga Sherpa ay mga katutubo ng Everest region na may kakayahan sa pag-akyat sa mataas na altitude. Maaari silang maitumbas o maihambing sa mga Igorot ng Cordillera na nananahan sa kabundukan.

Sa Island Peak, mas kilala sa katutubong pangalang Imjatse, unang umakyat sina Leo at Pastour bilang paghahanda para sa Everest.

May taas itong 6,189 meters, halos dalawang ulit na taas ng Apo. Dito ay nakatulong ang kanilang karanasan para pagtibayin ang kanilang kasama.

Mula sa Everest Base Camp may kung ilang ulit na dumadaan umaakyat at bumababa sa Khumbu Icefall sina Leo at Pastour. Ang Khumbu Icefall ay ang pinakamapanganib na tinatawid ng sinumang climber.

Ngayong taong ito sa simula pa lamang ng climbing season ay tatlong Sherpa na ang nagbuwis dito ng buhay nang mahulog sa gumuhong higanteng tipak ng yelo.

Ngunit bukod sa panganib, ang taya ng panahon ay malaking bahagi sa tagumpay sa pag-akyat sa Everest summit.

May batas ang Sagarmatha, ang katutubong banal na pangalan ng Everest. Kahit ang pinakamalakas na climber, kung hindi kakanlungin ng bundok sa kanyang tuktok, tiyak na hindi makakaakyat.

Hindi biro ang lalandasin paakyat nina Leo at Pastour. May taas na 5,600 meters ang Everest Base Camp patungo sa 8,848 na summit.

Mula Everest Base Camp tatawid sila patungo ng Khumbu Icefall para umpisahan ang paglalakbay paakyat sa summit.

Matapos ang Khumbu Icefall, noon pa lang makararating sa Camp 1.

Matarik ang landas paakyat ng Everest. My apat na kampo ang dadaanan ng climber paakyat. Mula sa Camp 4 hanggang sa summit higit ang tarik lalo na paakyat sa Hillary Step.

Si 'Dr. Ted'
Hindi lang ang bandila ng Pilipinas ang ninanais maiwagayway ng First Philippine Mount Everest Expedition sa tuktok ng mundo kundi ang paglilingkod ng isang Pinoy na manggagamot.

Pinatanyag ni Dr. Ted Esguerra, ang expedition doctor ng mga Pilipino sa Everest Base Camp, sa paningin ng international climbing community at pati na ng mga Sherpa.

Lahat ay pinaglilingkuran ng libreng serbisyong medikal ni Dr. Ted.

Sa una, ang papel na ginagampanan ni Dr. Ted sa expediton ay ang tumutok sa kalusugan ng dalawang climbing leaders ng Everst team na sina Leo at Pastour.

Kasapi si Dr. Ted sa International Urban Search and Rescue kaya madalas siyang sumaklolo sa mga kalamidad gaya sa Leyte landslide.

Gayundin, miembro siya ng International Society of Mountain Medicine, Wilderness, Medical Society at National Association of Emergency Medical Services Technicians.

Mataas ang respeto ng karamihan ng international climbers sa Everest Base Camp sa Pinoy na manggagamot, gaya ng Espanyol na si Jesus Calleja na mula sa Leon sa hilagang bahagi ng Spain.

Mula sa matagumpay na pag-akyat ni Calleja sa summit ng Lhotse, sa Pinoy na manggagamot siya dumiretso para ipagamot ang mga tinamo na paltos.

Maging ang kapitbahay ng mga Pinoy sa Southeast Asia, ang maalamat na si Khoo Swee Chiow ng Singapore, isang adventure grandslammer at nakarating sa 7 Summits mula north at south poles, ay may mataas na pagtungin hindi lang kay Dr. Ted kundi pati na sa kakayahan ng Pinoy climbers.

Walang pinipilang paglingkuran si Dr. Ted. Mula sa mga climber hanggang sa mga Sherpa, handa siyang magkaloob ng serbisyong medikal.

Ito marahil ang tunay na kahulugan para kay Dr. Ted ng isang “a doctor without borders.”

Maging ang isang Nepali inspector na inatake ng altitude sickness ay tinulungan niya. Kung hindi dahil kay Dr. Ted, marahil nabilang na ang Nepali sa mahabang listahan ng mga nasawi dahil sa mountain sickness sa Everest Base Camp.

   
>>> Previous Episodes