Winner, 2005
U
NICEF Child
R
ights Award


"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
 

Sagarmatha: The Road to Everest II

Itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Hunyo 12, 2006, Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Abner Mercado

KATHMANDU, Nepal - Sinalubong ng mga kasama ang mga bayaning sina Heracleo “Leo” Oracion at Erwin “Pastour” Emata mula sa kanilang pagbaba sa sa Khumbu Icefall.

Mula sa Everest Base Camp maging ang Pilipinas ay sinalubong sila sa pamamagitan ng live broadcast.

Nagbunyi rin ang buong Pilipinas at ang mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo na naabot ng kanilang kwento at tagumpay nina Leo at Pastour.

Bago humupa ang lahat, isang simpleng tanghalian ng tapa at dinuguan ang pinagsaluhan ng lahat, mga lutong Pinoy na kahilingan na din ng dalawa.

Dalawang araw pa ang inilagi ng First Philippine Mount Everest Expedion (FPMEE) sa Base Camp para makapagpahinga sina Leo at Pastour.

Habang nagpapahinga, ibinahagi at binalikan ni Leo ang mga sandali ng kanyang tagumpay sa tuktok ng mundo.

Sulit ang lahat ng pinaghirapan, ang lahat ng pagsasanay at pagbubuwis ng buhay lalo na sa mapanganib na Khumbu Icefall na kung ilang ulit nilang pinanhik-panaog, ani Leo. Dito rin nalagay sa alanganin ang kanilang buhay ni Pastour.

Aniya, mas mahirap daw ang umakyat ng summit ng Everest, mas madali ang bumaba pero mas delikado.

Pero nang makababa sila kapwa ni Pastour hanggang makabalik sa Base Camp saka pa lang matitiyak na ligtas na sila.

Para naman kay Pastour nang mga sandali na siya ay nasa huling mga yugto ng pag-akyat, naramdaman niyang kinakanlong siya ng bundok hanggang sa tuktok nito. Nakiisa rin ang magandang panahon para maiwagayway niya ang bandilang Pinoy.

***

Ang tagumpay na ito ng FPMEE ay makapagpapataas muli ng morale at dangal ng Pinoy saan mang bahagi ng mundo na naabot ng kanilang kwento.

Linggo, Mayo 21, ang huling araw ng FPMEE sa Base Camp. Sa pagkakataong ito, sa kauna-unahang pagkakataon ay umalingaw at kinanta rito ang pambansang awit ng Pilipinas.

Mul sa Base Camp, nilisan ng buong grupo ang lugar. Iniwan dito ang makasaysayang kabanata ng pagtatangka at tagumpay ng Pinoy na maiwagayway ang bandila ng bansa sa summit ng Everest.

Kung saan ang nilandas ng FPMEE patungo sa Base Camp, ito rin ang daan na tatahakin pabalik.

Walang sasakyang ang helicopter ang grupo hindi tulad ng nakagawian ng iba kapag nililisan na ang Base Camp. Ito ay para mabalikan ang mga tao na naging bahagi ng paglalakbay sa Base Camp.

Ito ay para mapasalamatan at muling mamalas ang kagandahan ng kapaligiran at kalikasan ng rehiyon ng Solukhumbu. Ito rin ay upang makapagdiwang sa munting paraan sa mga lodging house na umaruga kina Leo at Pastour.

Ang paglalakbay na ito ay pagkilala rin sa mga nakasama ng The CORRESPONDENTS at FPMEE sa pag-akyat patungong Base Camp at ang kanilang kontribusyon at kwento.

Isa sa kanila si Levy Nahayangan na miyembro ng FPMEE na umalalay sa The CORRESPONDENTS, sa kanyang kinunang mga larawan na naging bahagi ng kwentong ito.

Salamat din kay Dawa na naging gabay at kahit sa pamamagitan ng limitado niyang pagsasalita ng wikang Ingles, nagtagumpay ang FPMEE.

Malaki rin ang naibahagi ni Dawa lalo na sa documentation naming ng kwento at sa mga live broadcast update na ibinato sa Pilipinas.

Si Lakpa Sherpa, isa sa mga may-ari ng lodge na tinuluyan ng grupo sa Tengboche. Si Lakpa at ang mga mamamayan ng Solukhumbu region ang ilan sa mga tao na nais balikan at mapasalamatan ng FPMEE.

Salamat din sa mag-asawang Dodoy at Zsa na personal na tinungo ang Base Camp mula sa Pilipinas para ipakita ang suporta kina Leo at Pastour at sa buong FPMEE.

***

Sa susunod na taon, 2007, itinakda ang Unity Climb ng FPMEE.

Habang nasa Everest Base Camp sina Leo at Pastour, magkahiwalay na nagsanay naman ang anim sa miembro ng FPMEE sa pangunguna ni Regie Pablo na siyang expedition coordinator sa Island Peak.

Ang Island Peak ay bahagi ng Everest region, ang katutubong pangalan nito ay Imjatse na may taas na 6,189 meters, halos dalawang ulit ng taas ng Mount Apo sa Pilipinas.

Ang tatlo sa mga babaeng miembro ng FPMEE na sina Carina Dayondon, Janet Belarmino at Noelle Wenceslao ay kasama sa pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang pagtatangka sa Everest sa susunod na taon.

Kapag nagtagumpay, sila ang kauna-unahang babaeng climbers mula sa Asia na makakaakyat sa Everest summit.

Limang araw ang naging pagsasanay ng FPMEE sa Island Peak bago nila matagumpay na naakyat ang hamon ng summit nito.

Sa susunod na taon magtatagpo mula sa sa South Col sa Nepal side at North Side sa Tibet sa China ang mga miembro ng FPMEE. Muli, kauna-unahan ito para sa ating bayan.

Habang sinusulat ang kwentong ito nasa Mount McKinley sa Denali, Alaska ang grupo ni Regie para magsanay doon.

   
>>> Previous Episodes