Sagot sa malaking populasyon: 2 anak kada pamilya?
 

"Sanggol"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 

Ulat ni Aladin Bacolodan

Isa lang si Marissa Esperanza sa daan-daang mga buntis na nanganganak araw-araw sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.

Hatinggabi noong Miyerkules, Agosto 4, 2004, nang makaramdam ng pananakit ng tiyan ang ginang kaya agad siyang isinugod sa ospital.

Dinala si Esperanza sa bahagi ng pagamutang sineserbisyuhan ng mga komadrona.

Pagpasok sa silid-paanakan, walang bahid ng kaba na nakita ang The CORRESPONDENTS sa mukha ni Esperanza. Kumbaga, mukhang sanay na sanay na siya.

Pero hindi pa nailalabas ang sanggol, may hirit na agad ang babae sa mga komadrona.

Aniya, pagkapanganak niya ay nais na niyang magpatali.

Makalipas ang ilang minuto, walang hirap na iniluwal ni Esperanza ang ikalima niyang anak. Sa loob ng limang minuto, tapos na ang panganganak.

Ayon sa mga komadrona, higit na naging madali para kay Esperanza ang panganganak dahil panglima na niya ito kumpara sa iba na manganganak pa lang sa unang pagkakataon.

Ngunit may negatibong epekto para sa ina ang malimit na panganganak dahil habang dumarami ang anak, numinipis ang matris ng babae. Bunga nito, nanganganib na mauwi sa pagdurug ang pagbubuntis o kaya ay kamatayan para sa ina at anak.

Sagot ni Esperanza, nauunawaan niya ito kaya nga nais na niyang magpatali para matuldukan na ang pagbubuntis.

Kinabukasan, Agosto 5, ipinaliwanag ng mga doktor ang pagpapatali.

Tiniyak ng mga manggagamot na nauunawaan ng ginang kung ano ang ibig sabihin at idudulot nito sa kanyang katawan.

Permanente ang "tubal ligation" at ibig sabihin, hindi na magkakaanak muli si Esperanza.

Sarado na ang isip ng ginang. Aniya, minsan na siyang sumubok ng pills at condom para sa asawa pero nabuo pa rin ang ikaapat niyang anak.

Sabi ni Esperanza, buo na ang desisyon niya.

Bunga ng desisyon ng ginang, isinagawa ng mga doktor ang operasyon sa kanya isang araw matapos siyang manganak.

Naputol na kaligayahan?
Matapos ang isang oras, tuluyan nang naputol ang kakayahan ni Esperanza na makabuo muli ng sanggol sa sinapupunan.

Makalipas ang 24 oras, nakalabas ng ospital si Esperanza kasama ang bunso na pinangalanang Michelle.

Isinama ng babae ang grupo ng The CORRESPONDENTS sa kanilang tinitirhan sa Las Piñas.

Sa puntong ito napagtanto ng grupo kung bakit nagdesisyon si Esperanza na tuldukan na ang panganganak.

Nakikitira lang ang pamilya sa isang lote na tinayuan nila ng barong-barong. Anumang oras ay maaari silang palayasin ng may-ari ng lote, aniya.

Walang trabaho si Noel Sanchez, ang kinakasama ni Esperanza at ama ng kanyang mga anak. Pero anang lalaki, masikap siya sa paghahanap ng trabaho at kapag nakatagpo, nagtitipid siya nang husto alang-alang sa mga anak.

Samantala, naglalabada si Esperanza para makatulong kay Sanchez. Ang problema, palaging hindi sapat ang kinikita nilang dalawa. Anila, swerte na kapag nakakain sila ng almusal.

Sa pagbisita ng The CORRESONDENTS sa tinitirhan ng pamilya ni Esperanza, nadatnan ng grupo na naghahanda ng tanghalian ang panganay na anak.

Mayroong kanin pero walang ulam. Ayon sa bata, ketchup ang ulam nila dahil gusto ito ng nakababata niyang mga kapatid para pampagana nang hindi magutom agad pagkatapos kumain.

Nagustuhan na rin umano ito ng mga magulang niya dahil ito ang inuulam nila kapag walang pambili ng ulam.

Dalawang anak, isang pamilya
Isa si Esperanza sa mga indibidwal na sumasalamin sa nais mangyari ni Rep. Edcel Lagman ng Albay.

Si Lagman ang nagpanukala ng House BIll No. 16 o higit na kilala bilang "Two-Child Policy."

Simple lang ang nais ni Lagman: hikayatin ang mag-asawa na limitahan lang sa dalawa ang kanilang anak.

Sinuman ang sumunod dito, pagkakalooban ng insentibo ng pamahalaan.

Nilinaw ni Lagman na hindi sapilitan ang pagpapatupad ng batas kapag nagkataon. Aniya, boluntaryo ang patakaran nito.

Samantala, iba ang idea ni Rep. Robert Ace Barbers ng Suriago del Norte. Mungkahi ni Barbers, magpigil muna sa panggigil ang mag-asawa at huwag manganak sa loob ng limang taon.

Ayon kay Barbers, hindi rin sapilitan ang panukala niya. Anang mambabatas, boluntaryo ang paglahok sa programa.

Dagdag ng kongresista, dapat isipin ng mga mamamayan na hindi maaaring lutasin ng pamahalaan ang lahat ng problema ng bansa.

Dapat ding tumulong sa paglutas ng suliranin ang mga mamamayan.

Simple lang ang dahilan ni Barbers sa panukala niya: ang patuloy na paglobo ng populasyon.

Batay sa datos ng Komisyon sa Populasyon (Popcom), 84 milyon na ang populasyon ng Pilipinas at apat na sanggol ang ipinapanganak kada minuto.

Mula sa bilang na ito, nakwenta ng Popcom na aabot sa 160 milyon ang populasyon ng Pilipinas pagdating ng taong 2038.

Hinaharang kasi
Batay sa mga ulat, hindi nagtatagumpay ang programang pampopulasyon sa bansa dahil hinaharang ito ng Simbahang Katolika.

Ayon sa Simbahan, bawal ang paggamit ng artipisyal na paraan laban sa pagbubuntis tulad ng kontraseptibong condom, IUD, mga gamot na iniiniksyon at pagpapatali sa mga babae at lalaki.

Ang maaari lang, ayon sa Simbahan, ay ang paggamit ng natural na pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya o pagpipigil ng mag-asawa sa pagtatalik sa mga araw na maaaring mabuntis si misis.

Pero aminado ang paring si Robert Reyes na hindi masigasig ang Simbahan sa pagtuturo sa mga nasasakupan ukol sa wastong pagpaplano ng pamilya.

Pahayag ng Inter-Faith Partnership for Family Planning, panahon na para magbago ng polisiya ang Simbahang Katolika. Ang organisasyong ito ay binubuo ng iba't ibang relihiyon at sekta tulad ng Iglesia Ni Cristo, Jesus Is Lord, Protestante at iba pang grupong relihiyoso.

Sang-ayon ang pangkat sa paggamit ng artipisyal na paraan sa tulad ng mga kontraseptibo. Pero bawal pa rin sa kanila ang pagpapalaglag ng sanggol sa sinapupunan ng ina.

Anang obispong si Fred Magbanua, pangulo ng pangkat, pabor sila sa artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya basta walang pinapatay na sanggol.

Sinabi ni Magbanua na walang pagbabawal ang aral sa Biblia sa paggamit ng condom, halimbawa, dahil hindi nito pinapatay ang itlog sa obaryo ng babae bagkus, ay pinipiit lang ang semilya ng lalaki.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com