"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Salaginto: Dahil hindi lahat ng kumikinang ay ginto
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Karen Davila

Nakapanlilinlang ang kinang ng isang bara ng ginto at mahirap talikuran ang tukso ng pangako nito.

Pero kung makapagsasalita lang ngayon ang mayamang negosyanteng si Angelito Tung, isang Tsinoy, iba ang kanyang sasabin.

Pero hindi na makapagsasalita si Ting dahil buhay niya ang naging kapalit ng paghahabol sa ginto.

Paghahanap ng kayamanan at ginto ang hanapbuhay noon ni Ting. Noong 2003, nauwi ito sa matinding interes sa mga bara ng ginto.

Ang mga bara ng ginto, aniya noon, ay nakabaon sa mga kweba ng katutubong Aeta.

"One-time, big time ang gusto niya," paglalarawan ni Aldrake sa ama.

Pero naniwala si Ting na hindi lang sa pelikula kundi sa tunay na buhay ay mayroon ding mga bara ng ginto na nakabaon sa bulubundukin ng Bamban, Tarlac.

Ayon sa kwentong pinaniwalaan ni Ting, ang mga ginto ay naiwan ng mga sundalong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nahukay ng mga Aeta.

Noong ika-17 ng Abril, 2003, umakyat ng bundok sa Bamban si Ting.

Noong araw na iyon, pinakitaan siya ng bara ng ginto ng mga Aeta. Pero patikim pa lang ito. Ang kapalit, P10,000.

Sabi ng mga Aeta, ilalagari nila ng maliit na bahagi ng bara si Ting para maipasuri kung tunay.

Ngunit imbes na makababa ng bundok si Ting, hindi na siya nakauwi nang buhay.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin batid ni Evelyn, balo ni Ting, kung bakit kinailangang barilin at patayin ang asawa.

Mayaman ang pamilya at hindi nila kinailangan ang pera na dulot ng ginto.

Pero sa kabila nito, natukso pa rin si Ting kaya masakit sa kanyang mag-ina ang pagkamatay ng biktima.

Apat na Aeta ang nakulong bunsod ng pagkamatay ni Ting.

Masakito ito para sa mag-ina ng biktima dahil namatay si Ting dahil sa pekeng ginto.


Sa Pampanga rin

Bukod sa Tarlac, karaniwan din sa Pampanga ang kwento ng pagbebenta ng pekeng ginto.

Ayon sa kwento, naglipana sa mga bundok ng lalawigan ang grupo ng "Salaginto," ang sindikatong nagbebenta ng pekeng ginto.

Sa pamamagitan ng isang impormante, pinuntahan ng The CORRESPONDENTS ang isang liblib na lugar sa lalawigan. Dito matatagpuan ang isang komunidad ng mga Aeta.

Dito rin naninirahan si "Ronnie" (di-tunay na pangalan), miembro ng Salaginto.

Si Ronnie ay isa sa mga gumagawa ng pekeng ginto na ibinebenta ng kapatid niyang mga katutubo.

Ipinakita ni Ronnie sa The CORRESPONDENTS ang isang pekeng bara ng ginto na nakabalot sa damit. Aniya, katatapos lang niyang gawin ang "ginto."

Aniya: "Kung hindi ka sanay diyan, sasabihin mo totoo 'yan." Sa kabila nito, aminado si Ronnie na marami pa ring bumibili ng pekeng ginto mula sa kanila.

Sabi ni Ronnie, ang ginto na ipinakita niya sa The CORRESPONDENTS ay ipinasadya ng tao na nagpopondo sa kanila. Aniya, ang tao na kanyang tinutukoy ay isang "unat" o ibig sabihin, taga-lungsod.

Ang katawagang unat ang nag-iiba sa mga Aeta na "kulot" at taga-kapatagan.

Anang Aeta, ang lahat ng ginto na kanyang ginagawa ay markado at ipinagmamalaki sa biktima bilang kayamanan ni Yamashita ng Japan.

Si Tomoyuki Yamashita ang heneral ng mga Hapones na napabalitang nagtago ng kaban-kaban na kayamanan sa kabundukan ng Luzon sa pagtatapos ng gera.


'999.9'
Pero paliwanag ni Ronnie, malaki ang kaibahan ng ginto na kanyang ginagawa sa tunay. Aniya, ang lahat ay nagmumula sa simpleng tanso na binibili ng tagapondo nila sa Maynila.

Aniya, batay sa kwento ng nagpopondo ay P5,000 ang halaga ng tanso at naibebenta nila ito bilang ginto sa halagang P25,000.

Kumikita ng P1,000 si Ronnie sa bawat bara ng ginto na kanyang ginagawa.

Kapag tapos na, hinahasa ni Ronnie ang bara at iniaayon batay sa litratong ipinapakita sa kanya. Kinikiskis din niya ang gilid ng bara at matapos ito, nililiha pa.

Kasunod nito, isang papel na may sulat-kamay ng wika sa Sumatra ang ididikit ni Ronnie sa bara.

Aniya, ang sulat-kamay sa papel ay batay sa litrato ng kayamana ni Yamashita na nakalibing umano sa mga bundok sa Luzon. Aniya, iba't iba ang nakaukit sa totoong mga bara tulad ng sulat-kamay ng wika sa Japan, Cambodia, Burma o Sumatra.

Aniya, mano-mano ang paggawa ng tatak sa bara at ito ang pinakamatagal sa trabaho.

Matapos ang ilang oras, mga numerong "999.9" ang iuukit niya. Ang ibig sabihin ng numerong ito, 1,000 porsyento ang pagiging puro ng ginto.

Pero hindi rito natatapos ang trabaho. Totong naukit at naliha na ang bara pero wala pa itong kinang at malayo sa kulay ng tunay na ginto.

Ipinaliwanag din ni Ronnie ang proseso ng pagpapakinang ng bara tulad ng tunay na kulay ng ginto.

Una, magpapakulo siya ng tubig sa kaldero. Matapos kumulo, ibubuhos niya ang tubig sa bara at bubudburan ito ng sabong panlaba.

Habang sinasabon ang bara, mapapansin na kikintab at magkukulay ginto na ito.

Todo-kuskos ang gagawi ni Ronnie sa bara sa pamamagitan ng telang maong at tinidor.

Matapos ang proseso, kapansin-pansing kumintab nang kaunti ang bara at nagkulay ginto na.

Binalot agad ni Ronnie ang bara sa damit. Ito ang estilo ng mga Aeta sa panlilinlang nila.


Kahit P300 lang

Kung si Ronnie ang gumagawa ng pekeng ginto, si "Tony" ang tinatawag na "taga-laro" o nagkukunwaring Aeta na may-ari ng bara at humaharap sa mga kostumer.

Para kapani-paniwala ang kwento, magsusuot siya ng bahag upang isipin ng kostumer, kung dayuhan, na totoong nagmula sa bundok ang kaharap nilang "Aeta."

Ginagawa ito ni Tony para sa halagang P300. Aniya, malaking bagay na ito para sa nagugutom niyang pamilya.

Ayon kay Tony, hindi lang sila ang dapat sisihin dahil ang utak ng sindikato ay mga tao na naninirahan sa lungsod.

Ginagamit lang umano sila para magpanggap na "nakahukay" ng bara ng ginto.

Sinabi ni Tony na sadyang pinuputol ang mga bara para kapag humingi ang kostumer ng piraso para ipasuri, lilinlangin nila at tunay na ginto ang ibibigay sa biktima.

Minsan nang nagpanggap ang pangkat ng ABS-CBN Special Assignment para bumili ng pekeng bara ng ginto mula sa mga Aeta

Nagpanggap na asawa ng isang mayamang Tsinoy ang impormante ng Special Assignment. Pag-akyat niya ng bundok, sinalubong siya ng mga Aeta.

Sa tuktok ng bundok ay ipinakita ng isang Aeta ang ginto na nakabalot sa damit.

Kitang-kita sa modus operandi ng mga Aeta ang pormang pag-aalok na tapyasin ang bahagi ng bara. Matapos mahati, ibinigay sa impormante ng Special Assignment ang bahagi ng bara.

Totoong bara ang bahaging ito para maipasuri sa alahera.

Pero ang pinagkunwari na nalagaring ginto, nakatago sa damuhan.


Ganito 'yon
Kung tutuusin, hindi umano masisisi ang mga biktima ng Salaginto tulad ni Ting. Tulad niya, marami ang naniwalang totoo ang kwento ng ginto ni Yamashita.

Paniwala ng mga tao, maraming ginto na ibinaon si Yamashita nang matalo noong digmaan. Paniwala nila, isa ang bulubundukin ng Bamban sa pinagbaunan ng ginto.

Ngunit para sa Bureau of Mines, ang ahensya ng pamahalaan na sumusuri sa lahat ng mga mineral tulad ng ginto, nanatili pa ring alamat ang kwento ni Yamashita.

"Wala pa kong nakikitang bara ng ginto sa tanang buhay ko," ani Juancho Calvez, hepe ng Metallurgical Division ng ahensya.

Sabi ni Calvez, may siyentipong paraan para masuri kung tunay ang bara ng ginto. Pero kung walang paraan para magkaroon ng siyentipong pagsusuri, sa bigat at haba pa lang ng bara ay malamaman na kung tunay o peke ang ginto.

Sa halimbawa ng pekeng bara na ipinasuri ng The CORRESPONDENTS kay Calvez, lumilitaw na may timbang ito ng 4.35 na kilo.

Pero sa kalkulasyon ni Calvez, dapat ay 9.89 na kilo ang timbang ng bara kung tunay na ginto ang nilalaman nito.


'To see is to believe'
May kasabihan sa wikang Ingles na "To see is to believe." Ito rin ang pinaniwalaan noon ng negosyanteng si Dan Ramos nang kunan niya sa kamera ng kanyang cellular phone ang tunay na bara ng ginto na nabili sa kakilalang taga-Malaysia.

Pero kinalaunan, nabiktima si Ramos ng sindikato ng pekeng ginto.

Aniya, limang babaeng Aeta ang luimapit sa kanya at nagsabing may nahukay silang ginto. Kasama ang isang kaibigan, umakyat sila sa byndok dala ang P50,000.

"Noong makita nila 'yung pera, naglabasan sila armado," aniya.

Hinabol ng armadong mga lalaki sina Ramos at nakuha sa kanila ang kanyang pera, relo, cell phone at maging ang kanyang sapatos.

Ngayon, pinagtatawanan na lang ni Ramos ang pangyayari.

Nakapagtataka kung iisipin dahil si Ramos ay isang negosyante na may ekta-ektaryang lupain at mga manggahan.

Batid niya na ito ang sumpa ng Salaginto. Sa paghahangad nang sobra-sobra, nabubulag ang tao sa kayamanan na nasa kanya na.

   
>>> Previous Episodes