"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Bangkang papel at alaala ng unang SONA ni Arroyo
'Bangkang papel', itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Karen Davila

Sa bangkang papel nila isinulat noon ang kanilang mga pangarap para sa mas magandang buhay at pinalutang ito sa ilog Pasig.

Ika-23 ng Hulyo 2001, sinagot ng langit ang kanilang dasal.

Mula Payatas sa Lungsod Quezon, biglang napunta sa bulwagan ng Batasang Pambansa sina Jayson Banogon, Jomer Pabalan at Erwin Dolera.

Sila ang napili ng kauupo pa lang na Pangulong Arroyo para maging mukha ng kanyang programa para sa mahihirap na mamamayan.

Libreng pag-aaral, kabuhayan para sa magulang at titulo sa lupang kinatitirikan ang aginaldo ng Pangulo para sa mga bata.

Makalipas ang apat na taon, natupad na kaya ang pangako ng Pangulo sa kanila?

Kumusta na?
Upang malaman ang sagot, nagpunta ang The CORRESPONDENTS sa Payatas para kumustahin ang mga bata.

Unang sumalubong ang ama ni Erwin. Binatilyo na si Erwin ngayon at malayo sa siyam na taong gulang na paslit na humarap sa State of the Nation address ng Pangulo noong 2001.

"Ang natatandaan ko po patatapusin kami ng pag-aaral, tapos ang hiling na ibibigay ang lupang kinatitirikan ng bahay namin tapos ipapasara ang dumpsite," aniya.

Natupad na ang ilang sa kanyang mga hiling. Iskolar pa rin si Erwin sa kasalukuyan. Taon-taon, tumatanggap siya ng tseke na nagkakahalaga ng P18,750 na sapat para sa mga gastusin at baon sa eskwela.

Ang mga biyayang ito ay malayong-malayo sa buhay niya noon.

"Mahirap po talaga kasi 'pag may gustong bilhin na libro, walang pambili dahil walang pera. Noong naging iskolar kami, naging masaya kami," sabi ni Erwin.

Sa kasalukuyan, nasa ikalawang taon sa Payatas High School si Erwin. Nakakuha siya ng karangalan noong nasa unang taon.

Anang binatilyo, pangarap niyang kumuha ng kursong accountancy sa kolehiyo kahit mahina siya sa matematika.

Sa kabila nito, malaking bagay na para sa mga magulang ni Erwin na mapagtapos siya ng pag-aaral.

"Karangalan naming mga magulang na makatapos si Erwin sa pag-aaral kasi kami ang kinikita namin tama lang sa panggastos," sabi ni Gng. Dalmacia Dolera, ina ni Erwin.

Bukod sa pagiging iskolar ng gobyerno, nabiyayaan din ang pamilya Dolera ng maliit na halaga para mapasimulan ang proyektong babuyan. Dito sila kumukuha ng panggastos sa araw-araw.

Pangarap na natupad
Hindi mahirap intindihin kung bakit para sa pamilya Dolera, si Gng. Arroyo pa rin ang President ng Republika.

Bukod sa pagiging iskolar ni Erwin at kabuhayang naipagkaloob sa kanila, naipasara rin ng Pangulo ang tapunan ng basura sa Payatas.

Ang bundok ng mga basura ang dahilan ng pagguho na ikinamatay ng mga residente ng Payatas. Kabilang sa mga nasawi ang nakatatandang kapatid ni Erwin.

Edad 11 lang ang kapatid ni Erwin na si Eric nang maguhuan ng basura. Ngayong wala na si Eric, puspusan ang pag-aalaga ni Erwin sa nakatatandang kapatid na si Joy na may kapansanan.

Hindi lang si Erwin ang nawalan ng mahal sa buhay sa pagguho ng basura sa Payatas.

Maging si Jayson, nawalan ng magulang at kapatid. Kamag-anak niya ang nag-aalaga ngayon kay Jayson.

Mahiyain si Jayson at tumangging mapakanayam ng The CORRESPONDENTS.

Ayon sa tiyahing si Luz Banyon, hindi pa rin lubos na matanggap ni Jayson ang pagkamatay ng mga magulang. "Lagi lang siyang nagmumukmok sa kwarto."

Sa Diliman Prep nag-aaral si Jayson sa kasalukuyan. Anang tiyahin, malaking tulong ang pagiging iskolar ng gobyerno dahil P31,000 ang matrikula ni Jayson.

Sabi ng tiyahin, pangarap ni Jayson na maging enhenyero sibil sa kanyang paglaki.

Samantala, sinubukan ding kausapin ng The CORRESPONDENTS si Jomar pero tumanggi sa panayam ang kanyang mga magulang.

Sa ngayon, si Erwin ang nagsisilbing tagapagsalita ng grupo.

Pero sila ay tatlo lang sa 105 na mga bata na hanggang ngayon ay sinusuportahan ng pangako sa SONA ng Pangulo noong 2001.

Sa lahat ng pangako ng Pangulo, isa na lang ang hindi natutupad. Ito ay ang mabigyan ng titulo ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

"Natupad ang pagiging iskolar namin, naipasara ang dumpsite pero ang lupang ito, malabo pa po," ayon kay Erwin.

Sa kabila nito, umaasa si Erwin na matutupad din ang pangarap na ito. Aniya, tiwala siya na tutuparin ng Pangulo ang pangako batay na rin sa dami ng mga biyaya na naipagkaloob sa kanila.

Kung ang pananaw ng ibang mga Pilipino sa Pangulo ay tulad ng kina Erwin, Jayson at Jomar, walang problema.

Pero ang siste, karamihan sa mga Pilipino ay mababa ang pagtingin kay Gng. Arroyo. Kaliwa't kanan, hinihingi ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Ayon kay Erwin, naaawa siya sa Pangulo sa dami ng bumabatikos. "Kasi po ang mga tao hindi naniniwala na mabuti siyang Pangulo."

Dagdag niya: "Siguro po pinagdududahan nila ang Pangulo na nandaya sa eleksyon pero hindi po totoo."

Kung may mga tao na ayaw sa Pangulo, sabi ni Erwin, mayroon ding mga tulad niya na hanggang ngayon ay naniniwala pa rin na kakayanin ni Gng. Arroyo ang kinakaharap na hamon.

"Mahal na Pangulo, kaya po niyo iyan. Huwag po kayong bibitiw," panawagan ni Erwin.

   
>>> Previous Episodes