| Ulat ni Rose Eclarinal
Baguhan pa lang sa pagiging "jockey" o hinete ng kabayo
si John Alvin Guce pero halos dalawang taon na rin ang binubuno
niya sa Philippine Jockey's Academy (PJA).
Sumasabak na rin siya sa mga karera noon pang Oktubre 2004 pero
isang taon pa bago mabigyan ng lisensya bilang hinete..
Tatlong araw ang inilalagi ni Guce sa klase upang rebyuhin ang
mga estilo ng pagsakay sa kabayo.
Si George Stribling, ang guro ni Guce sa paaralan, ay tatlong dekadang
nagsasanay sa mga kabayong pangkarera sa Amerika.
Pero sa pagsasanay ng mga kabayo, lumipat si Stribling sa paglatigo
sa mga estudyante ng paghihinete. Aniya, kailangang disiplinahin
ang mga estudyante na matitigas ang ulo.
Nag-iisa ang PJA sa bansa sa pagbubukas ng oportunidad sa mga tulad
ni Guce na matupad ang pangarap na maging propesyunal na jockey.
Mula nang sumakay siya ng kabayo noong Oktubre, nakapag-uwi na
si Guce ng P300,000 halaga ng mga panalo sa karera.
Bukod sa pag-aaral sa PJA, tinutulungan din si Guce ng ama niyang
si John upang higit na mapaghusay ang laro. Gayundin, maging ang
mga tiyuhin ni Guce na sikat nang mga hinete ay nagtuturo sa kanya.
Sa PJA, todo-ensayo pa rin si Guce.
Samantala, tampulan ng tukso ang kaklase niyang si Kenneth Bergancia.
Palpak umano ang estilo niya at masyado siyang mataas sa pagsakay
sa kabayo.
Bunga nito, itinatama ni Stribling ang estilo ng pagsakay ni Bergancia.
Unang sabak
Tulad ni Guce, lumalaban na rin sa karera si Bergancia. Pero kumpara
kay Guce, unang karera pa lang ni Bergancia ang nasaksihan ng The
CORRESPONDENTS.
Noong umaga bago ang kanyang unang laban sa karera, isinama ni Bergancia
ang The CORRESPONDENTS sa kanilang bahay sa gilid ng riles malapit
sa karerahan sa Santa Ana.
Anim na magkakapatid sina Bergancia. Nawalan ng trabaho ang kanyang
ina nang mahagip ng trak sa daan. Tumagal nang dalawang taon ang
pagkakaratay ng ina ni Bergancia bago muling nakalakad.
Samantala, ang ama ni Bergancia ay nagdidilehensya sa pamamagitan
ng pagkukumpuni ng sirang mga relo.
Sa kabila ng kahirapan sa buhay, ipinagmamalaki ng pamilya si Bergancia.
Bagama't hindi pa siya propesyunal na hinete, naipaayos na ni Bergancia
ang dingding ng kanilang bahay.
Para sa mga kapitbahay sa gilid ng riles, inspirasyon si Bergancia.
Sikat na sikat siya sa lugar at maraming mga karerista ang umaasa
ng "tip" sa kanilang pagtaya sa karera.
Dapithapon ng isang hinete
Noong araw na sumabak sa unang karera si Bergancia, panglima siya
sa pwesto. Pero ang problema, hanggang ikaapat na pwesto lang ang
pinagkalooban ng premyo at pangatlo rito si Guce.
Pero pinutakti ng premyo ang isang hinete. Siya ang hinete na nagwagi
ng unang pwesto. Halos lahat ng panalo ay nakopo ni Pati Dilema.
Ayon kay Dilema, hindi na nakapagtataka dahil siya ang numero unong
hinete sa ngayon. Anang hinete, pitong taon na niyang hawak ang
titulong ito.
Siya rin ang inspirasyon nina Guce at Bergancia.
Mula sa kanyang mga panalo, nakapagpagawa na si Dilema ng isang
bahay malapit sa karerahan sa Sta. Ana. Bukod pa dito ang tatlong
bahay sa Cavite at mga kagamitan na naipundar niya para sa pamilya.
Sabi ni Dilema, sa kanyang pagtanda ay nais niyang makita ang kanyang
pinaghirapan.
Sa kasalukuyan, kumikita si Dilema ng tinatayang P300,000 kada
buwan.
Ngunit aniya, disiplina ang sikreto sa lahat at tuwing umaga, wala
siyang palya sa ensayo.
Tulad ng anumang sugal, walang tiyak na panalo at talo sa karera.
Kahit ang numero unong hinete, inaabot din ng malas.
Nakalimutan na umano ng dati nilang mga tagahanga ang retiradong
mga hinete tulad ni Efren Bernabe na kapitbahay ni Guce sa Barangay
Pista sa Sta. Ana.
Kung dati ay nagmumula sa kanya ang mga tip sa karera, ngayon ay
kumukuha na lang si Bernabe kay Guce ng impormasyon sa kabayo na
tatayaan.
Nagsimula ang kalbaryo ni Bernabe noong mahulog siya sa kabayo
12 taon na ang nakakaaraan. Limang taon nakaratay sa kama si Bernabe
bago siya nakalakad muli.
Sa loob ng panahon na baldado si Bernabe, tanging mga kapatid ng
kanyang asawa ang tumutulong sa kanila dahil walang naipon ang pamilya
mula sa mga panalo niya.
Pero tuwing hapon pagpatak ng 6 p.m. at simula ng karera, napapawi
ang lungkot ni Bernabe. Pero ngayon, sa harap ng telebisyon, sinusubaybayan
na lang niya ang landas na minsang tinahak.
Samantala, sa loob ng karerahan, patuloy sa pamamayagpag ang mga
tulad nina Guce at Bergancia sa pagsisimula ng kanilang paglalakbay
sa mundo ng karera.
|