|
Ulat ni Karen Davila
Nabigla ang lahat sa laganap na pagsusugal ng mga estudyante sa
pribadong mga paaralan ng mayayamang pamilya. Bakit nga ba hindi?
Sa kanilang murang edad at laki ng pustahan, madaling isipin na
malubha na ang problemang ito.
Wika nga, sa mga Pilipino, ang sugal ay nagiging sugal kapag malaking
halaga ng salapi na ang nakataya. Pero laro at katuwaan lang ito
kapag barya ang nakataya.
Totoo kaya?
Nakilala ng The CORRESPONDENTS ang isang bata na itatago
sa pangalang "Jomac." Anim na taong gulang si Jomac, residente
ng isang komunidad sa Maynila at kasalukuyang pumapasok na "kinder"
sa paaralan 'di kalayuan sa kanyang bahay.
Sa madaling salita, natututo pa lang siyang bumasa at sumulat.
Pero kumpara sa karaniwang bata, habang nag-aaral sa kanilang bahay,
katabi ni Jomac ang isang tarheta. Ito ang tarheta ng sugal na "ending."
Kilala si Jomac sa kanilang barangay hindi dahil sa magaling siyang
kumanta o sumayaw kundi dahil nangungubra siya sa ending. Sa halagang
piso makatataya kay Jomac.
Ang mga suki niya ay mga kapitbahay na tumataya sa ending ng iskor
sa mga laro ng Philippine Basketball Association (PBA).
Kung titingnan, mistulang kubrador ng jueteng si Jomac sa pag-iikot
niya para mangalap ng pusta.
Sa halagang piso, maaaring manalo ng P100 bilang premyo. Ang hatian:
P80 sa tumaya at P20 porsyento para kay Jomac.
Totoong hindi pa gaanong marunong magbasa at magsulat si Jomac
pero may paraan siya sa pagpapataya. Ang ginagawa niya, kung sino
ang tumaya, siya ang magsusulat.
Nagsimula sa piso
Nagsimula sa piso si Jomac pero ganoon din noon si "Archie"
na ngayon ay 14 anyos na. Sa piso-piso rin siya nagsimula pero ngayon
P5 na ang taya sa ipinapataya ni Archie sa ending.
Mahirap sisihin si Archie dahil ang tarheta para sa ending ay nabibili
lang nang parang kendi sa tindahan.
Sa pagpapataya, sinusuyod ni Archie ang mga kapitbahay kahit sa
gitna ng nakasampay na mga labada. Wala siyang takot at hiya kahit
sa mga barumbado at mga istambay sa kanilang lugar.
Sa karaniwang araw, nakakakubra si Archie ng 100 mga taya. Sa P5
bawat taya, aabot sa P500 ang nakukubra ni Archie.
Ang hatian kapag tumama, P350 sa tumaya at P150 kay Archie.
Para kay Archie, hindi isang simpleng katuwaan ang pagpapataya
niya sa ending. Aniya, malaking bagay ang P150 para sa pamilya.
Walang trabaho ang kanyang ama habang labandera lang ang ina niya
at pito silang magkakapatid.
Kadalasan, ang kinikita ni Archie sa sugal ang ipinambibili nila
ng pagkain.
Kaya ngayon, hindi nakapagtataka na maging ang mga kapatid na babae
ni Archie, kubrador na rin sa ending.
Kapag walang laro ang basketbol at walang tataya sa ending, madalas
magkita sina Archie at Jomac sa kanilang lugar. Malimit silang makita
sa kapitbahay na nagpapalaro ng "video."
Kapag tinamad sa paglalaro ng video, lilipat sila sa isa pang kapitbahay
na mayroong video karera.
Huminto sa pag-aaral si Archie makaraang tamarin dahil nawili sa
pagpapasugal. Aniya, nagdesisyon siyang maging kubrador para makatulong
sa pamilya.
Sinubukan ni Archie noon na mamulot ng basura pero nagkasakit siya
dahil dito kaya lumipat sa pamumulot ng mga lata.
Pero tumigil sa ganitong gawain si Archie sapagkat higit na malaki
ang kinikita sa pagpapasugal.
Pahayag din ng kanyang ina, higit na ligtas ang kalusugan ng kanyang
anak sa pagpapasugal. Anang babae, mayroong sakit sa baga si Archie.
Walang problema sa ina ni Archie ang pagpapasugal ng anak. Bakit?
Wala itong kaso dahil ordinaryo na ang mga sugalan sa kanilang
komunidad at halos lahat ng bata, kung hindi tumataya ay nagpapataya.
Sa halip na pagsabihan ng matatanda upang itigil ang gawaing ito,
sa kanila pa natututo ang mga bata sa pagtaya.
Napunta sa kabayo
Buhay na buhay ang San Lazaro Park tuwing may karera ng mga kabayo.
Bukod sa sabong, karera ng kabayo ang isa sa pinakapopular na bisyo
ng mga Pilipino.
Kumpara sa ending, tumatalon ang puso ng mga tumataya kapag nagsimula
na ang karera.
Isa sa mga tao sa karerahan na abalang-abala sa panonood ng mga
kabayo si Roderick Denully. Karera ng kabayo ang paborito niyang
sugal.
Bata pa lang si Roderick nang magsimulang pumusta sa mga karera.
Kumpara sa ibang mga bata, sa ama natutunan ni Roderick ang pagtaya
sa karera. Sa katunayan, noong kapanayamin ng The CORRESPONDENTS
ay kasama niya sa karera ang amang si Bonifacio.
Sa isang tayaan, magsisimula ang mag-ama sa P20 bawat isa. Para
sa karamihan, maaaring isipin na barya lang ang P20.
Pero para sa mag-ama na walang trabaho at halos araw-araw kung
magsugal, malayo na ang mararating ng perang ito.
Wika nga, kapag galit ka sa isang kaibigan, turuan mo siyang pumusta
sa karerang kabayo. Walang nananalo, walang yumayaman sa pagtaya
sa karera.
Pero ayon sa mag-ama, ang kasabihan tungkol sa kasamaan ng pagtaya
sa karera ay madaling nalilimutan. Anila, ang pataya sa karera ay
libangan.
Kaya sa sobrang pagkahumaling ng mag-ama sa pagtaya sa karera,
tinitiis nila ang gutom para lang makapusta.
Sa isang pagtaya, tumama ng P130 ang P20 ng ama ni Denully. Swerte
ang ama, hindi ang anak. Ngunit ang pera na madaling kinita, kadalasan
ay dumudulas din sa kanyang palad.
Kahit naghihirap
Sinamahan ng The CORRESPONDENTS sa tinitirhan nila ang mag-amang
Bonifacio at Roderick Denully. Ang kanilang "bahay," isang
istruktura na halos kasukat lang ng isang malaking kahon na tinitirhan
ng pamilyang may 11 anak.
Sa kanilang sitwasyon, maaaring akalain ng marami na paghahanap
ng trabaho ang inaatupag ni Bonifacio. Pero ang totoo, nangongolekta
pa siya ng tinatawag na "dibidendo" o programa sa karera.
Kadalasan, sa loob ng bahay tumataya si Bonifacio. Pinanonood niya
ang karera sa telebisyon. Kapag tataya na siya, inuutusan lang niya
ng isang maliit na anak upang ibigay ang taya sa kapitbahay na kubrador.
Sabi ni Bonifacio, "libangan" lang niya ang pagtaya sa
karera at kung may trabaho siya, iiwasan na niya ang sugal.
Ang hindi nakikita ni Bonifacio, malaki ang impluwensya niya sa
mga anak.
Ngayon, dalawa sa mga anak niya ang adik sa karera ng kabayo.
Hindi nakukuntento ang mag-ama sa bahay. Kadalasan, nagtutungo
sila sa tinatawag na "off-track betting" malapit sa kanilang
bahay. Sa lugar na ito, marami silang karamay.
Lahat sila, nakaistambay at nakatitig sa telebisyon. Sa isang bugso
ng taya, P60 ang pinawalan ng mag-ama o katumbas ng tatlong kilo
ng bigas.
Sinaksihan ng The CORRESPONDENTS ang pagtaya ng maga-ama.
Dumating sila sa tayaan, may araw pa. Pero kahit inabot ng gabi
at ulan, hindi pa rin umaalis ang mag-ama.
Kung hindi sila tumataya, pinapanood na lang nila ang iba pang
karera.
Tuloy ang bola
Sa loob ng ilang araw na pagsaksi ng The CORRESPONDENTS sa
mag-ama, unti-unting natukoy ang kanilang kilos.
Kapag walang karera, ang anak ay nagbabakasakali ng pera sa pagbola
ng "bingo" malapit sa kanilang bahay.
Sa barangay na ito, mayroong sugal para sa lahat: ending para sa
mga bata, karera ng kabayo para sa mga ama at bingo sa mga ina.
Pagsapit ng 11 a.m., maririnig na ang ingay ng bolilyo at sigawan
ng mga magbobola.
Totoong walang kabayo sa lugar pero may pustahan din sa halagang
P0.50 sa isang bola. Ang pangmarka nila, mga piraso ng "macaroni."
Ayon kay Perlita Lazatin, isa sa mga babae na mahilig sa bingo,
araw-araw ay naglalaro siya rito. Sa umaga, matapos mag-almusal
at maglinis ng bahay ay sisimulan na nila ang paglalaro.
Karaniwang umaabot sa P100 ang nauubos kay Lazatin sa pagtaya pero
kapag swerte, nananalo siya ng P150.
Hindi lang ang mga ina tulad ni Lazatin ang naloloko sa bingo.
Maging ang maliliit na bata ay tumataya at nakikisali sa laro ng
matatanda.
Tulad ni Lazatin, adik din sa bingo si Eva Sapno. Aminado si Sapno
na nahuhumaling siya sa tunog ng bolilyo.
Aminado rin siya na kung minsan ay nakakalimutan na niya maging
ang pambili ng gatas at iba pang kailangan ng anak.
"May pera ako sa pitaka para pambili ng ulam at 'diaper' pero
nakakahiya [naman kung hindi ako makikipaglaro], " aniya.
|