"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

'Tabak'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Rose Eclarinal

"Utol" Bong ang pangalan ni Bong Villagracia sa loob ng grupong "Tabak," pangkat na nakabase sa kabundukan ng Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Bong, ang ibig sabihin ng Tabak ay "Tagapagtanggol ng Api, Bayan at Karapatan." Binuo ni Bong ang grupo noong 1997.

Sa kanilang altar sa kabundukan, nakalatag ang mga kwintas na proteksyon para sa bawat miembro. Sabi ni Bong, hindi ito anting-anting kundi proteksyon.

Saksi ang The CORRESPONDENTS sa seremonya ng grupo nang ilatag sa altar ang isang miembro para pagtatagain.

Ito ang panata ng bawat miembro para higit na tumatag ang kanilang paniniwala sa nagbibigay-proteksyon sa kanila. Anang mga miembro, hindi si Bong ang siyang nagbibigay ng utos kundi ang Dios.

"Ang mga miembro rito, pulis at sundalo," sabi ni Bong.

Noong araw na saksihan ng The CORRESPONDENTS ang seremonya, isinagawa ang "21." Ibig sabihin, 21 na taga ng itak sa iba't ibang bahagi ng katawan: sa hita, tiyan, pwet at iba pa.

Nilinaw ni Bong na may imbitasyon ang pagsali sa grupo at hindi basta makakapasok dahil kailangang may maipasang pagsubok ang gustong maging miembro. "Matitino ang tao ko at piling-pili."

Ayon kay Bong, may paraan siya para pumili ng bagong miembro pero mananatili itong lihim.

Hindi na bago ang grupo ni Bong sa pagpapakita ng simbolismo sa pagpapataga sa katawan. Matagal nang kilala ang Corazon de Jesus o "Tadtad" sa Basilan.

Ang bawat miembro ng Tadtad, may kapangyarihan umano para labanan ang mga rebeldeng Muslim.

Naniniwala ang Tadtad na higit na mabagsik ang pananampalataya kaysa talim ng bakal.

Nariyan din ang grupong "Hinirang ng Diyos" sa Cavite. Pinamumunuan ito ni Harold Cabrera.

Bago magpataga, kumakain muna ng bubog ang bawat miembro. Ngunit maging ang lider ng pangkat ay nasusugatan sa pagbabasag pa lang ng kakaining bubog.

Sabi ni Bong, huwag silang ikumpara sa ibang grupo.

Salaysay ni Bong, nagmula siya sa Mindanao at naging kasapi ng pangkat na "Haring Bakal." Pero nilinaw ng lalaki na hindi sila kulto.

Lahat ng miembro ng Tabak, aniya, may mararangal na trabaho tulad ng gwardya ng kilalang personalidad, aktor at dobol sa pelikula.

Sa seremonya, saksi ang The CORRESPONDENTS sa mga miembrong nasugatan nang mataga ng itak. Sagot ng mga kasapi, kulang umano sila sa "kargada" na ang ibig sabihin, kulang sila sa dasal.

Pero kung nagkulang sa dasal ang mga nasugatan, higit na kailangan ng panalangin ng mga naliligaw ng landas tulad ng mga kriminal, sabi ni Bong. Aniya, balang araw ay sisingilin din sila.

Mistulang butas ng karayom umano ang pagdadaanan bago maging miembro ng Tabak.

"Kailangan mo ng NBI, police clearance. Kailangang may trabaho at kung istambay, hindi pwede," pagtatapat ni Bong.

Aniya, hindi kailangan ng mga istambay na maging miembro ng Tabak dahil wala silang paggagamitan ng kapangyarihang taglay ng bawat kasapi ng pangkat.

Ngunit sa sandaling maging miembro, sa tindi ng pananampalataya ay bago pa tumama ang disgrasya, peligro na ang umiiwas sa kanila.

Kwento ni Bong, habang nagtatrabaho siya bilang inspektor sa karerahan ng kabayo sa Santa Ana ay may bumaril sa kanya.

"May pagkakataon ding pumutok 'yung baril pero hindi ako tinamaan."

Pinatotohanan ito ng mga kasama ni Bong na madalas silang maligtas sa peligro dahil sa proteksyon. Kaya anila, palagian nilang suot ang kwintas na bigay ni Bong.

Salaysay ni "Jeffrey" (di-tunay na pangalan), "Nabangga ang sasakyan ko pero wala man lang akong pasa sa katawan."

Ganito rin ang kwento ni Roger. "Nakasakay ako sa traysikel tapos tumilapon ako pero kaunti lang ang sugat."

Samantala, isinalaysay din ni Bong na naglinis ng hanay ang grupo. Ang dating mga kasapi na tiwali, tinapos na nila.

Aniya, siningil na ang buhay ng mga "Pulahan" na naligaw ng landas. Ginawa pa itong dokumentaryo ng grupo na ipinapanood sa The CORRESPONDENTS.

Bunga nito, tiniyak ni Bong na malinis na ang hanay ng Tabak sa kasalukuyan.

Sa madaling salita, dinilig ng dugo ang lupa na uhaw sa katarungan. Ang mga kriminal, hindi na dapat buhayin, giit ng grupo.

Ang panuntunan ng pangkat, malupit ang batas sa mga nagkamali.

Aminado si Bong na babatikusin sila sa paglantad na ginawa. Maaari ring ihanay ang pangkat sa mga kulto.

May paliwanag dito si Propesor Gerry Lanuza ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. "Pwede nating balikan 'yung paniniwala ng sinaunang Pilipino sa animismo o pagsamba sa lahat ng bagay sa kanyang paligid."

Dagdag niya: "Naniniwala sila sa mga pwersa sa kapaligiran dahil nais nilang kontrolin ang kalikasan."

Nabanggit din na kahit noong panahon ng Kastila, ang mga tao na naghahanap ng pagbabago ay ibinilang na sa mga kulto.

Nariyan si Hermano Pule at ang Cofradia de San Jose sa Tayabas na binuo para labanan ang mapang-abusong mga prayleng Pransiskano.

Nariyan din si Macario Sakay at ang Lapiang Malaya at kahit ang Katipunan na puno ng simbolismo, minsan ding tinawag na kulto.

Pero ngayon, itinuturing na silang mga bayani.

Sabi ni Lanuza, mayroong lider at miembro ng kulto na nag-iipon ng asawa, mayroon ding nagsasamantala, may nais magtayo ng sariling republika.

Pero kung naghahanap ng pagbabago ang Tabak, ito ay sa mga pulitiko na baluktot at pulis na mapagsamantala.

"Ang sa amin, magtrabaho nang maayos at huwag maging perhuwisyo sa gobyerno," sabi ni Bong.

   
>>> Previous Episodes