Tsunami: Trahedya ng taon sa Timog Asya
 

'Tsunami'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Jorge Cariño


BANGKOK - Ibang bansa, ibang salita, kakaibang kultura ang matatagpuan sa Thailand. Pagdating ng The CORRESPONDENTS sa bansang ito, inalam agad ng grupo kung papaano makikita ang mga Pilipino.

Kumpara sa Amerika o Europa, hindi madaling matunton ang mga Pinoy sa Thailand. Sa Amerika at Europa, karamihan ay puti ang kulay ng balat ng mga tao. Sa Thailand, kakulay ng mga Pilipino ang mga mamamayan at kung hindi sila magsasalita, imposibleng mabatid na Thai ang kausap ng isang banyaga.

Dumiretso ang The CORRESPONDENTS sa lugar na maaaring kakitaan ng mga Pilipino, ang embahada ng Pilipinas. Ngunit maging mismong embahada, may problema.

Ani Antonio Rodriguez, embahador ng Pilipinas sa Thailand, hindi lahat ng mga Pilipino ay nasa talaan ng embahada. Aniya, maraming mga turistang Pilipino ang dumarating at nagtatrabaho sa Thailand ngunit hindi lahat ay nagpapalista.

Matapos makapanayam si Rodriguez, minabuti ng The CORRESPONDENTS na magtungo sa Phuket. Ito ang probinsyang nasa dulo ng Thailand sa timog.

Matapos salantain ng tsunami ang Phuket noong Disyembre 26, araw at gabi ay hindi nauubos ang mga tao na humihingi ng tulong sa pamahalaan.

Saksi ang The CORRESPONDENTS sa pagdagsa ng mga tao sa mga "evacuation center." Lahat sila ay naghahanap ng nawawalang mga kaanak.

Sa mga insidenteng kalamidad na nasaksihan ng The CORRESPONDENTS sa Pilipinas, pinakahuli ang trahedya ng pagbaha at pagguho ng lupa mula sa kabundukan ng Quezon.

Hindi rin maiwasang ikumpara ng grupo ang paraan ng pamahalaang Pilipinas at Thailand sa pagharap sa mga problemang iniwan ng kalamidad sa mga tao.

Sa nangyari sa Quezon, nagutom ang mga tao at ang mga mamamayan na nawalan ng bahay ay hindi malaman kung saan pupunta.

Pero sa Thailand, mabilis ang pagkilos ng pamahalaan at oras lang ang binilang, may tulong na agad na nakarating sa mga biktima ng kalamidad.

Sa madaling salita, sumasayad agad sa palad ng mga biktima ang tulong ng pamahalaan at walang mamamayang apektado ang nagugutom.

Sa kabila nito, nahirapan ang The CORRESPONDENTS sa paglilibot sa mga ospital upang maghanap ng mga Pinoy na biktima ng trahedya.

Ang problema, hindi marunong magsalita ng wikang Ingles ang mga kawani ng mga pagamutan tulad ng Patong Beach Hospital. Bunga nito, walang nagawa ang The CORRESPONDENTS kundi isa-isahin ang mga dokumentong patungkol sa mga pasyente upang alamin kung may tunog-Pinoy ang mga pangalan.

Kinalaunan, natunton ng grupo ang kinaroroonan ng mga Pilipino na biktima ng tsunami. Pero sa pagkakataong ito, nakasilid na sa mga kabaong ang dalawang biktima.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktimang Pinoy na sina David Tan at anak niyang si Charlene.

Dalawa sila sa mga miembro ng pamilya Tan na biktima ng trahedya. Nawawala pa ang isang kapatid ni Tan. Samantala, ligtas ang asawang si Rosermarie at anak na si Garvin.

Balak ng pamilya na magbakasyon sa Phuket noong Disyembre. Pero ang dapat ay masaya na pagbabakasyon, nauwi sa pagluluksa.

Nabatid ng The CORRESPONDENTS na nakatakdang umalis pabalik ng Singapore ang pamilya Tan noong Disyembre 27, upang doon salubungin ang Bagong Taon.

Noong umaga ng Disyembre 26, nagpasya ang pamilya na mamasyal sa dalampasigan bago umuwi. Ngunit noong umagang iyon, dinaluhong sila ng naglalakihang mga alon pagdating sa dalampasigan ng Khao Lak.

Bukod sa dalawang kasapi ng pamilya Tan, bangkay na ring dinatnan ng The CORRESPONDENTS si Ivy Catherine-Terasaka.

Ilang araw ding hinanap ng The CORRESPONDENTS si Terasaka sa bisa ng pakiusap ng biktima mula sa Borongan, Samar.

Kasama ng babae ang kanyang pamilya nang magbakasyon sa Phuket. Kasama niya sa bakasyon ang Hapones na asawang si Masahiro at mga anak na sina Mahito, Yukihito at Mayumi.

Sa kasalukuyan, ipinalagay na rin ng mga awtoridad na patay na ang mag-aamang Terasaka dahil hindi pa rin sila natatagpuan.

Sa Phuket inabot ng pagpapalit ng taon ang The CORRESPONDENTS . Kumpara sa nakalipas na pagpapalit ng mga taon, hindi pamilya kundi iba't ibang tao ang kasama ng grupo.

Noong oras na upang mamaalam sa 2004 at sumalubong sa 2005, nalungkot ang The CORRESPONDENTS . Higit ang kalungkutang nadama dahil habang nagsasaya ang buong mundo, narito ang grupo at sumusubaybay sa trahedyang inabot ng mga biktima ng tsunami.

***

Natuto nang husto ang mundo sa pagragasa ng tsunami hindi lang sa Thailand kundi maging sa iba pang bahagi ng Asya tulad ng Indonesia, India at Sri Lanka.

Naging pagkakataon din ang trahedyang ito upang sulyapan muli ng tao kung papaano makisama ang kalikasan.

Ngunit ang higit na mahalaga, sa pagtataya ng The CORRESPONDENTS , ay ang aral na dulot ng kalamidad na ito. Bunga ng trahedya, maraming bansa ang nagising.

Nauunawaan na ngayon ng mga lider ng mga bansang ito na hindi kailangang magpataasan sa isa't isa at ang bawat tao ay may katapat na pangangailangan.

Sa pagsapit ng trahedya, walang mahirap o mayaman at ang lahat ay dapat magtulungan dahil hindi pinipili ng kalamidad ang bibiktimahin nito.

***

Sa pagtataya ng mga awtoridad, higit 165,000 mga tao ang nasawi sa trahedyang dulot ng tsunami sa mga bansang India, Sri Lank, Maldives, Thailand at Indonesia.

Ang tsunami sa Timog Asya ang itinuturing na ikalawang pinakamalaking trahedya na naranasan ng mundo bukod sa sinapit noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa talaan, limang Pilipino ang kumpirmadong patay. Bukod sa mga nasawi, may iba pang Pilipinong turista ang nawawala mula nang mangyari ang tsunami noong Disyembre 26, 2004. Pinangangambahan ng mga awtoridad na patay na sila.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com